You are here

Mga Eskribang Sinanay Para sa Kaharian ng Langit

Mga Eskribang Sinanay Para sa Kaharian ng Langit

(Scribes Trained for the Kingdom of Heaven)

Mateo 13:51-52

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Oktubre 1, 1978

Ipagpapatuloy natin ngayon ang pag-aaral natin sa katuruan ng Panginoong Jesus sa Mateo 13:51-52. Para sa mga baguhan, marahil kailangan ninyong malaman na linggu-linggo, pinag-aaralan namin nang may-sistema ang mga turo ng Panginoon, sipi sa sipi. Dalawa’t kalahating taon na naming ginagawa ito. At sa loob ng 2½ na taon, nakarating na kami sa Mateo 13:51-52.

Sa b.51, tinanong ng Panginoon ang mga alagad niya, pagkatapos ng lahat ng pagtuturo niya sa mga talinghaga:

 “Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” (Ibig sabihin, lahat ng pitong talinghagang katuturo pa lang niya) Sinabi nila sa kanya, “Oo.

Mababasa naman sa b.52:

At sinabi niya (ni Jesus) sa kanila, “Kaya’t ang bawat eskriba na sinanay sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”

Kung Nauunawaan Natin ang Turo ni Jesus, Magiging Eskribang Sinanay Para sa Kaharian ng Langit Tayo

Ngayon, ano’ng matututunan natin sa siping gaya nito? Sa Mateo 13:51, tinanong ni Jesus ang mga alagad, “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng itinuro sa mga talinghaga?” Sinabi nilang, “Oo.” Sa tantsa nila, naunawaan nila ito. Siyempre, matutuklasan ng sinumang nag-iisip nang ganito – na nauunawaan niya ang lahat ng naroon sa mga talinghaga at lahat ng mga yaman doon – na hindi pala ito totoo. Pero pakiramdam ng mga disipulo, sa kakayanan nilang maunawaan ito, na nakuha na nila ang mga pangunahing punto nito.

Tapos, sa b.52, sinabi ng Panginoong Jesus, “Kaya’t….” Ano ang ‘kaya’t’? Iyon ay, “Kung nauunawaan ninyo ang aking katuruan, kung nauunawaan ninyo ang aking Salita, magiging tulad kayo ng isang eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit.” Napakaganda nito: tinutukoy rito ang eskribang ‘na-disipulo’ o ‘naging disipulo o alagad’; iyon mismo ang tunay na ibig-sabihin ng ‘sinanay’ o ‘trained’. At kaya, iyon ang salitang ‘sinanay’ – sinanay bilang eskriba sa kaharian ng langit. Para sa akin, napakahalaga nito. Makikita natin ang ilang napakahalagang prinsipyong lumalabas mula rito.

Sa Dakilang Komisyon, Isinusugo Tayo sa Sanlibutan Para Gumawa ng mga Disipulo

Ngayon, sa Mateo 28:19, may sinasabing napakahalagang mga salita ang Panginoong Jesus nang ipinapadala niya ang mga disipulo niya sa sanlibutan. Sa bb.18-19, ganito ang sinasabi ng Panginoong Jesus:

Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila (sa mga disipulo niya), “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin. Kaya’t sa paghayo ninyo…” (iyon ay, batay sa awtoridad na ito, dahil ibinigay na ng Diyos sa kanya ang lahat ng awtoridad na ito) “gawin ninyong alagad….

Ngayon, ang mga salitang isinalin dito bilang ‘gawing alagad’ ay pareho sa ‘sinanay’ na: “sinanay para sa kaharian” na naririto sa Mateo 13:52. [Pareho silang “mathēteuō”.] Gumawa ng mga alagad para sa kaharian! Kadalasan, kapag binabasa ninyo ang isang saling-wika, hindi ninyo natatanto na nasa harap ninyo ang parehong salita sa orihinal.

“…gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako’y kasama ninyo palagi hanggang sa katapusan ng panahon.”

Ipinapadala ng Panginoong Jesus ang mga disipulo niya upang gumawa ng mga disipulo. Hindi tayo ipinapadala ng Panginoong Jesus para gumawa ng mga ‘convert’ o kombertido lamang, para magdagdag ng mga kasapi sa simbahan, para dalhing papasok sila upang punuin lang ang mga pook-sambahan ng maraming tao. Kaya ninyong gawin ito sa iba’t ibang paraan o pakulô o gimik. Alam ko halos lahat ng mga pakulóng ito, kaya lang, tinatanggihan kong gamitin ang mga ito.

Kung ipapasok ninyo ang maraming ‘social activities’ o mga gawaing pagtitipun-tipon ng mga tao, kung ipapasok ninyo ang maraming libangan o ‘entertainment’ sa loob ng simbahan, kung meron kayo sa loob ng mga simbahan ngayon, halimbawa, ng mga grupo ng mang-aawit, maraming ‘happening’, at ang isa’y ginagawa ito at ang isa nama’y iyon – napaka-entertaining, lubos na nakakalibang – kaya ninyong dalhin sa loob ng simbahan ang lahat ng uri ng tao. Nais malibang ng tao. Pero tayo’y isinusugo sa sanlibutan hindi upang libangin ang mga tao, hindi para gumawa ng kahit na mga ‘convert’ o kombertido lang, kundi upang gumawa ng mga disipulo. Napakahalagang maunawaan niyon.

Alam Ninyo Ba Kung Paano Gumawa ng mga Disipulo?

Ngayon, ang tanong nga lamang ay ito: Paano ba gumagawa ng mga disipulo? Alam ba ninyo kung paano gumawa ng isang disipulo? Maaari bang mai-apply sa inyo ang mga salitang ito ng Panginoong Jesus? Kapag ipinapadala niya kayo para gumawa ng mga disipulo, alam ba ninyo kung paano gumawa ng disipulo? Marahil, alam ninyong gumawa ng mga kombertido o ‘convert’. Marahil sasabihin ninyo sa kanila, “Ganito iyon: maniwala ka lamang kay Jesus at mapapatawad ang mga kasalanan mo.” Maaaring magtagumpay kayo sa paggawa ng ‘convert’, pero hindi iyon ang disipulo.

Inilalarawan ang disipulo sa Biblia bilang isang sundalo. Mas higit siya sa isang ‘convert’ lang. Kung gayon, isinusugo tayo ng Panginoong Jesus para gumawa ng mga disipulo. Ang tanong ay: Alam ba ninyo kung paano gumawa ng disipulo? Wala akong duda na kung alam ninyo ang “Ang Apat na Espirituwal na Kautusan” [Four Spiritual Laws], maaari kayong makagawa ng ilang ‘convert.’ Pero ang tanong ko sa araw na ito ay: Alam ba ninyo kung paano isasakatuparan ang turo ng Panginoon? Alam ba ninyo kung paano gumawa ng isang disipulo?

Paano ba gumagawa ng mga disipulo? Diyan mismo natin babalikan ang sipi natin sa araw na ito. Masdan, dalawang uri lamang ng tao sa Lumang Tipan ang gumagawa ng mga disipulo: ang mga eskriba at ang mga propeta. Ngayon, alam ba ninyo kung ano ang isang eskriba? Iyan ang dapat nating pag-aralan. Maraming beses tinutukoy ang mga eskriba. Ano ba ang mga eskriba? Babalikan natin maya-maya ito.

Pero, hayaang ipakita ko muna sa inyo na nag-alalang isakatuparan ng Sinaunang Iglesya [Early Church] ang katuruan ng Panginoon. Hindi lang sila nag-alalang gumawa ng maraming ‘convert’ para punuin ang simbahan ng napakaraming tao, na hindi naman masinsinan sa pananampalataya, na kapag dumating ang mga kaguluhan, naglalaho sila na parang bula. Kung nais ko lang magtatag ng church na may maraming ‘convert’, gagawin ko ang mga bagay-bagay sa lubos na kakaibang paraan kaysa sa ginagawa natin sa loob ng 2½ na taon na. Kung iyon ang layunin, gagamitin natin ang lahat ng mga kilalang-kilalang gimik sa pagpupuno ng simbahan, tulad ng nasabi ko, libangan – espirituwal na libangan!

Nakabisita na ako sa maraming simbahang Amerikano mula nang dumating ako rito sa Canada. Namangha ako sa nakita ko, na sa totoo lang, para sa akin, ay pawang libangan lang. Espirituwal na libangan nga, totoo, pero libangan pa rin. May mga nag-du-duet, may magagandang program at may mga taong nagbibigay ng mga seminar, atbp. Sinanay silang lahat para magbigay-libangan. Mahuhusay sila sa ganitong gawain. At sa gayon, may sari-saring ‘happening’ na kawili-wili sa mga taong hindi naman talagang interesado sa mga espiritwal na bagay. Sa ganitong paraan, nakakaakit sila ng mga tao. Makakaakit kayo ng napakalaking grupo ng tao. Pero sasabihin ko sa inyo, kapag dumating ang gulo, kapag nagsimula na ang pag-uusig, maglalaho sila. Aalis sila, kasingbilis ng pagdating nila. Hindi ako interesado sa ganyang uri ng church.

Nang dumating ang mga Komunista sa China, naroon ako kaya napanood ko ito. Nakita ko kung ano’ng nangyari sa church. Nakita ko kung paano ang mga simbahang punong-punô – mayayamang simbahan – ay nawalan ng tao nang dumating ang mga Komunista. Hindi na sila muling nagtangka pang bumalik sa simbahan. Hindi na kasi mabuting lugar ang simbahan para malibang, ni para sa mga pagtitipong sosyal ni para makipagtagpo sa inyong mga kaibigan, para makipagkamustahan. Hindi na! At kaya, wala nang dumalo pa. Naglaho ang karamihan. Kinailangang magsara ang mga simbahan. Ang kailangan nating gawin ay tuparin ang utos ng Diyos: Gumawa ng mga disipulo. Para gawin iyon, dapat ang church ay maging isang nagtuturong church.

Sa Bagong Tipan, Apat na Beses Nabanggit ang Salitang ‘Gumawa ng mga Alagad’

Ngayon, ito mismo ang ginawa ng mga apostol at ng mga disipulo. Humayo sila at gumawa ng mga disipulo. Sa Gawa 14:21, matatagpuan nating ito rin ang ginagawa nina Pablo at Barnabas; pumupunta sila kung saan-saan, ‘gumagawa ng mga disipulo’. Naroon ang mismong Griyegong salitang ginamit sa Mateo 28:19, tulad nang nasa kasalukuyang sipi natin sa Mateo 13:52.

Muli, sa Mateo 27:57, mababasa natin na naging isang disipulo ni Jesus si Jose ng Arimatea. Hindi lang siya naging ‘convert’; naging disipulo siya. Lubos na maimpluwensiyang tao si Jose ng Arimatea. Isa siyang miyembro ng 71-kataong Sanhedrin, ang Korte Suprema ng Israel. Kaya, nagmumula ang mga disipulo sa lahat ng antas ng lipunan, pati na sa pinakamatataas sa lipunang Israel. Kasama sa mga disipulo ni Jesus si Jose ng Arimatea, na isang husgado, isang miyembro ng Korte Suprema ng Israel, ng Sanhedrin.

Sa kabuuan, apat na beses nabanggit ang salitang ‘gumawa ng mga disipulo’ [“mathēteuō”], kahit mangyaring daan-daang beses nabanggit ang salitang ‘disipulo’ [“mathētēs”]. Apat na beses nabanggit ang ‘gumawa ng mga alagad’ at ito ang mga siping kababanggit pa lang natin, kasama na ang kasalukuyang siping pinag-aaralan natin, ang Mateo 13:52, kung saan nabasa natin ang mga salitang, “sinanay para sa kaharian ng langit.” Ibig sabihin, upang ‘gumawa ng mga disipulo’, kailangang sanayin ang mga taong ito para sa kaharian ng Diyos. Hindi lang sila mga pumupunta sa simbahan; mga sinanay sila. Ngayon, makikita ninyo na ang buong pinatutunguhan ng church natin ay ang pagsasanay upang gumawa ng mga disipulo.

Ano ang Isinasaad ng ‘Paggawa ng mga Disipulo’?

Hindi kailanman dagsaan ang pagdating ng mga disipulo. Kapag gumagawa kayo ng mga disipulo, hinahanap ninyo ang kalidad, hindi ang malalaking bilang. Kung dami ng tao lang ang gusto ninyo, o mga ‘desisyon’, kung gayon, hindi ninyo gagawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan. Pero kung gusto ninyo ng kalidad, dapat may pagsasanay. Kapag may pagsasanay, maggugugol kayo ng mahaba-habang panahon.

Pero kailangan din ng mga tao. Anong uri ng mga tao? Mga eskriba! Iyon ang dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon, “Kaya’t ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit….” Bago kayo makakapagsanay ng mga disipulo, kailangan ninyong magsanay ng mga eskriba. Iyon ang punto. Paano kayo magkakaroon ng church ng mga disipulo, kung may church kayo na wala namang eskriba na sinanay para sa kaharian?

Kaya, mapapansin natin na guro ang eskriba. Magpapatuloy pa tayo sa pagsisiyasat tungkol sa mga eskriba dahil gusto kong malinaw ninyong maunawaan kung ano ang eskriba bago tayo matapos. Pero mula sa Gawa 13:1, mababasa natin na may mga propeta at mga guro sa Sinaunang Iglesia [Early Church], na nasabi ko nang ang ‘guro’ ay isa pang salita para sa ‘mga eskriba’.

Natagpuan nating kapwa mga eskriba sina Pablo at Barnabas, at marahil ay kapwa mga propeta rin, dahil maaari kayong maging kapwa propeta at eskriba, kahit na di-kinakailangang pareho ang dalawang ito. Pero tiyak na sinasabi sa atin ng Gawa 13:1 na alinman sa dalawa ang tungkol kay Barnabas: isa siyang propeta o eskriba, o, kapwa propeta at eskriba o guro.

Alam din natin na isang eskriba si Pablo. Sa Judiong katawagan, isa siyang ‘rabbi’, iyon ay, isang guro. Sa katunayan, sa Gawa 9:25, matutuklasan nating may sariling mga disipulo si Pablo, na nagpapalinaw na isa siyang eskriba, dahil may sariling mga disipulo ang mga eskriba. Ang mga disipulong ito’y maaaring mga disipulo na ni Pablo bago pa siya naging Cristiano. Dahil sa Gawa 9:25 siyempre, pinag-uusapan ang tungkol sa panahong pagkatapos na pagkatapos pa lamang ng ‘conversion’ ni Pablo at para bang napakaaga upang magkaroon siya ng sariling mga Cristianong disipulo. Kaya, marahil, mga disipulo na niya sila bago pa siya naging Cristiano.

Siyempre, lubos na napakarunong na ‘rabbi’ ni Pablo bago pa siya naging Cristiano. Kaya, malinaw na may marami-rami siyang mga disipulo na nagsisi-sunod-sunod sa kanya, tulad ng ginagawa ng mga disipulo sa mga marurunong na ‘rabbi’. At nang naging Cristiano si Pablo, tila marami sa mga disipulo niya ang naging mga Cristiano kasama niya. Pero malinaw ang isang bagay: na siguradong isa si Pablo sa mga taong ito na sinanay bilang eskriba para sa kaharian.

Tatlo ang Ginagawa ng Eskriba: Una, Nag-aaral Siya’t Malalim na Sinasaliksik ang Salita ng Diyos

Ano mismo ang ginagawa ng eskriba? Tatlong bagay ang pangunahing gawain nila. Masasabi nating tatlong-magkaka-ugnay [three-fold] na gawain ito. Una, pinag-aaralan ng eskriba ang Kautusan o ‘Law’. Siyempre, bago kayo makapagturo, kailangan ninyo munang mag-aral. Ang eskriba’y isang ‘rabbi’. Pinag-aaralan niya ang Kautusan. Bihasa siya sa Kautusan ng Diyos, iyon ay, sa Biblia.

Kapag sinabing ‘Kautusan,’ hindi tinutukoy ang mga batas sa diwang secular na iniisip natin sa kasalukuyang pakahulugan nito, kundi tinutukoy ang Kautusan ng Diyos, ang Lumang Tipan o ang tinatawag na ‘Torah’, ang Kautusan ng Diyos. Gaya ng alam ninyo, tinatawag ang Biblia, ang buong Lumang Tipan, bilang ‘Ang Kautusan at ang Mga Propeta’. Iyon ang dalawang pangunahing pagpapangkat. Kung minsan, sinasabing may tatlong pangunahing pagpapangkat: ang Kautusan, ang Mga Kasulatang Kaalaman at ang Mga Propeta.

Kaya, isang eksperto ang eskriba sa Kautusan. Pinag-aralan niyang mabuti ang Kautusan ng Diyos. Kaya nga mababasa natin sa Juan 5:39 na sinabi ng Panginoong Jesus sa kanila:

“Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan…”.

Ang salitang ‘sinasaliksik’ ay nagpapahiwatig ng lubos na kalikasan ng gawain ng eskriba, kung paano niya pinag-aaralan ang Kautusan. Hindi lang niya binabasa ang Biblia – lahat ng tao’y ginagawa iyon – pero sinasaliksik niya ang Kasulatan. Pinag-aaralan niya nang malalim ito. Sinasaliksik niya ang kalaliman ng Salita ng Diyos. Sa madaling sabi, isa siyang tagapagpaliwanag o ‘expositor’. Isa siyang ‘exegete’. Naipapaliwanag niya ang Salita ng Diyos, dahil napag-aralan niya ito, dahil nasaliksik niya nang malalim ang Kasulatan.

Ang parehong Griyegong salitang ‘saliksikin’ [“eraunáō”] ay ginamit sa Juan 7:52, kung saan, nang gusto nang maniwala ni Nicodemus kay Jesus, sinabi sa kanya, “Siyasatin mo at iyong makikita….” Magsiyasat saan? Magsiyasat sa Kasulatan! “…at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.” Hindi nila alam, siyempre, na ipinanganak si Jesus sa Bethlehem, na hindi siya mula sa Galilea pero naninirahan siya rito. Sinabi nila, “Siyasatin ang Kasulatan. Kung pinag-aralan mo ang Kasulatan, makikita mo na walang propeta, walang Mesiyas na magmumula sa Galilea.”

Muli, ginamit ang parehong salitang Griyego sa 1 Pedro 1:11, kung saan siniyasat nila ang mga propeta, sinaliksik nila ang mga propesiya, para malaman ang tungkol sa pagdating ni Cristo. Ginamit din ang isang katulad na salita sa 1 Pedro 1:10, ang masinop na siyasatin ang Kasulatan o ang mga propesiya.

Pinag-aaralan ng Mabuting Eskriba ang Salita ng Diyos sa Paghahanap ng Buhay na Walang Hanggan

Ito ngayon, kung gayon, ang unang gawain ng eskriba. Nag-aaral siya nang mabuti. Hindi lamang siya nag-aaral, pero nag-aaral siya nang mabuti. Sinasaliksik niya ang Kasulatan. Bakit niya sinasaliksik ang Kasulatan? Dahil, kung mabuti siyang eskriba, sinasaliksik niya ito para mahanap ang buhay na walang hanggan. Makikita natin na may mga eskribang naging eskriba dahil sa iba’t-ibang motibo. Pero kung mabuti siyang eskriba, sinasaliksik niya ito dahil alam niyang sa Biblia lamang matatagpuan ang mensahe ng Salita ng buhay. Hinahanap nila ang mga salita ng buhay na walang hanggan.

Ngayon, walang ‘subject’ o asignaturang maaaring maging mas mahalaga pa para pag-aralan sa mundong ito, sigurado iyan. Ibig kong sabihin, kahit anupamang pag-aralan ninyo, ginagawa ninyo ito para ano? Dahil gusto ninyong makuha ang pisikal na buhay. Gusto ninyong kumita para sa ikabubuhay ninyo. Kaya, kahit mag-aral kayo ng pag-iinhinyero, o abogasya, o biochemistry, o anupaman, pinag-aaralan ninyo ito – bakit? Dahil gusto ninyong magkaroon ng kabuhayan. Marahil, iyan ang unang dahilan.

Ikalawa, maaaring medyo interesado kayo sa ‘subject’ na iyon. Para sa sinumang hindi man lang interesado sa isang ‘subject’, pinag-aaralan nila ito dahil iyon lamang ang pwede nilang pasukan ayon sa kakayahan nila, o maaari nilang pagkakitaan upang ipamuhay. May tiyak na pangangailangan sa job market para sa uri ng trabahong iyon. At kaya, bilang resulta, nagsasaliksik kayo, nag-aaral kayo, para makasiguro ng kabuhayan para sa inyong sarili.

Pero walang ‘subject’ na mas mahalaga pa sa mundo kaysa sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, dahil dito, pinag-uusapan natin ang buhay na walang hanggan. Wala nang asignatura pang dapat ninyong pag-aralan nang mas mabuti. Lumilipas ang lahat. Ang mga siyensyang pinag-aaralan ninyo ngayon ay magiging ‘outdated’ o mapaglulumaan sa paglipas ng ilang taon. Malalaos lahat ng ito. Maglalaho! Maiiwanang lahat sa nakalipas. Paglipas ng ilang taon, maluluma at malalaos ang mga librong ginagamit ninyo ngayon. Uusad ang agham at maiiwanan kayo, maliban na lang kung tuloy-tuloy ninyong hahabulin ang kung ano’ng bago.

Totoo rin ang parehong bagay sa medisina. Maliban na lang na sumusubaybay ang isang doktor sa mga modernong pamamaraan, sa kalaunan malalaos siya. Magpa-practice siya ng medisinang napaglumaan na. Pareho rin sa bawat departamento ng siyensiya; may paraan ito ng paglalaos. Lumilipas ito. Transient ito; pansamantala lamang ito.

Pero hindi kailanman lumilipas ang Salita ng Diyos. Tinatalakay nito ang buhay na walang hanggan. Walang ibang ‘subject’ sa mundo na mas mahalaga pang pag-aralan. At iyan ang bagay na lubos na naunawaan ng mga mabubuting eskriba. Pinag-aaralan nila ito dahil hinahanap nila ang buhay na walang hanggan.

Ikalawa, Itinuturo ng Eskriba ang Utos ng Diyos Para Tulungan ang Iba na Mahanap ang Buhay na Walang Hanggan

Ngayon, dahil napag-aralan niya ito, ang pangalawang gawain o tungkulin ng eskriba ay ang ituro ang Kautusan. Hindi niya pinag-aaralan ito para lang malaman ang mga bagay-bagay para sa sarili niya. Pinag-aaralan niya ito hindi lang upang magkaroon siya ng personal na kasiyahan dahil alam niya ang daan tungo sa buhay na walang hanggan, pero, sa halip, upang matulungan niya ang iba sa daan tungo sa buhay na walang hanggan. Pinag-aaralan niya ito upang makayanan niyang matulungan ang iba, upang turuan ang iba, iyon ay, kung mabuti siyang eskriba. At kaya, nakikita natin na tinatawag ang eskriba bilang “mga guro ng kautusan” sa Lucas 5:17. Sa katunayan, sa Griyego, isang salita lang iyon [“nomodidáskalos”]: Guro ng Kautusan, tagapagturo ng Kautusan.

Sa parehong paraan din, kapag sinasanay tayo sa kaharian ng Diyos, kapag pinag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, ginagawa natin ito upang makayanan nating tulungan ang iba patungo sa daan ng buhay, upang ipakita sa kanila ang paraan ng buhay. Iyon ang dahilan kung bakit sa church, itinuring ni Apostol Pablo ang mga matatanda [elders] na nagtuturo bilang pinakamahahalaga. Sa 1 Timoteo 5:17, sinabi niya na ang matatandang nagpapahayag at nangangaral ay dapat ituring nang may pinakamataas na karangalan sa mga church dahil ginagampanan nila ang pinakamahalagang tungkulin. Nagtatataguyod sila ng mga disipulo, at sa gayon, itinataguyod din nila ang church.

Dapat Ding Isagawa ang Pagtuturo sa Pamamagitan ng Buhay, sa Pamamagitan ng Halimbawa

Pero may isa pang bagay. Hindi lamang dapat magturo ang mga eskriba sa pamamagitan ng kanilang kaalaman sa Biblia, ni sa pamamagitan lang ng salita. Dapat silang magturo sa pamamagitan ng sarili nilang halimbawa, sa pamamagitan ng buhay nila. At kaya, sa parehong paraan din, hindi lang dapat alam na alam ng eskriba ng kaharian ang tungkol sa Biblia o Salita ng Diyos – dapat siyang maging isang halimbawa sa pamamagitan ng buhay niya.

Simpleng kinakaligtaan na lang ang elementong iyan sa ngayon. Kung papasok kayo ngayon sa isang seminaryo, wala kayong pakialam kung anong uri ng buhay ang ipinapamuhay ng inyong guro. Sa katunayan, wala kayong karapatang malaman kung anong uri ng buhay ang ipinapamuhay niya o kung ano’ng ginagawa niya sa labas ng seminaryo, sa tahanan kung saan niya kasama ang pamilya niya o kung saanman. Naroroon siya dahil may diploma siya na nagpapatibay na may pagsasanay siya, at kaya, karapat-dapat siyang magturo sa inyo tungkol sa iba-ibang aspeto ng Biblia. Pero wala kayong pakialam sa pribado niyang buhay.

Pero, kung ang pinag-uusapan ay ang Biblia, mali iyon. Sa Biblia, may pakialam kayong malaman ang tungkol sa pribadong buhay niya, dahil nagtuturo ang eskriba hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita niya, kundi sa pamamagitan ng uri ng pamumuhay niya. Kaya sinabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 11:1:

Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.²

Kailangan ninyo akong tularan. Isang utos ito. Kailangang ang buhay niya ay maging ang uri na maaari ninyong tularan, hindi lang matutunan ang turo niya, kundi masundan ang kanyang halimbawa. Kaya, maraming hinahanap na katangian sa isang mabuting eskriba. Ngayon, kung paano nagiging isang eskriba at kung gaano kahalaga ang aspetong ito’y makikita natin maya-maya.

Ikatlo, Isinasagawa ng Eskriba ang Kautusan ng Diyos, Halimbawa, sa Pagiging Isang Hukom

Pumunta na tayo sa pangatlong bagay tungkol sa eskriba. Hindi lang pinag-aaralan ng eskriba ang Kautusan, hindi lang niya itinuturo ito, pero gawain din niyang isagawa ang Kautusan sa iba’t ibang sitwasyon. Ang i-apply ang Utos! Paano niya isinasagawa ang Kautusan? Isinasagawa niya ang Kautusan, halimbawa, sa pamamagitan ng pagganap bilang isang hukom.

Palagi at pinakamalimit na pinipiling maging mga hukom sa Israel ang mga eskriba dahil, siyempre, alam nila ang Kautusan ng Diyos, kaya, sila ang mga pinaka-karapat-dapat na maghusga sa anumang kasong pangmamamayan [civil] o kasong kriminal. Ano’ng gagawin ninyo sa ganoong kaso? Ano ang katuruan sa Biblia? Hindi alam ng karaniwang tao kung ano’ng dapat gawin, pero alam ng eskribang sinanay sa Salita ng Diyos kung ano’ng dapat na gawin, o dapat alam niya ang gagawin. At kaya, magpapataw siya ng husga sa mga kasong ‘civil’ kung may pangmamamayang pagtatalo, halimbawa, kung sino’ng magmamana ng ano, kung saan dapat ang mga ‘boundary’ ng ari-arian, kung ano’ng dapat gawin sa ito’t iyong kaso, kung ano’ng dapat o di-dapat na gawin sa Araw ng Pamamahinga [Sabbath], at kung anu-ano pa.

Mai-involve din siya sa mga kasong kriminal upang magpataw ng husga. Muli, nakikita natin na isang eskriba si Pablo dahil alam ninyo mula sa Gawa 7 na nang pinagbabato hanggang mamatay si Esteban, hinubad ng mga saksi ang mga kapa o panglabas na suot nila at inilatag ang mga ito sa paanan ni Pablo. Saulo pa ang tawag sa kanya noon. Ibig sabihin ng aksiyon na iyon ay gumaganap siya bilang namamahalang hukom sa kasong kriminal na ito. Itinuturing na kriminal si Esteban at sinentensiyahan siya sa kamatayan sa pagsang-ayon ni Pablo, o masasabing sa ilalim ng awtoridad niya. Kaya, nakikita natin na si Pablo’y isang eskriba na gumanap bilang isang hukom sa kaso ni Esteban.

Palaging nasa konsensiya niya ang bagay na ito at di-kailanman niya maalis-alis ito mula sa isipan niya. Makikita ninyo ito sa mga sulat niya kalaunan. Pakiramdam niya, siya na ang pinakamasama sa mga makasalanan dahil hinatulan niyang mamatay ang mga disipulo ni Cristo, kahit na, sa panahong iyon, hindi niya alam kung ano’ng ginagawa niya. At humingi na siya ng kapatawaran nang may pagmamakaawa mula sa Panginoon. Mula sa pangyayaring ito, napakalinaw na isang eskriba si Pablo at isinasagawa niya ang Kautusan, na ginagawa ang trabaho ng isang hukom.

Inaasahan Ding Maghatol ang Cristianong Eskriba sa mga Kasong Nasa Loob ng Iglesya

Kapag dumating na tayo sa Cristianong eskriba, makikita nating inaasahan din siyang gagawa ng parehong bagay. Ang alagad ng Diyos sa church, ang eskriba ng Diyos na sinanay para sa kaharian, ay inaasahan ding gaganap bilang hukom sa church. Makikita natin ito sa 1 Corinto 5:12 at 6:5, kung saan itinuwid [ni-rebuke] ni Pablo ang mga taga-Corinto sa pagdadala nila ng isang kaso sa korte, iyon ay, sa secular na korte.

Sinabi niya sa kanila, “Wala bang kahit isa man sa inyo na may kakayahang magpasya bilang hukom sa pagitan ng kapatid sa kapatid? Wala bang eskriba sa inyo na may sapat na kaalam sa Salita ng Diyos upang gumanap bilang isang hukom, na kinailangan pa ninyong dalhin ang kasong ito sa harapan ng mga taong di-matuwid, sa harapan ng korte sa labas ng church, sa secular courts? Na sa paggawa niyon, ipinahiya ninyo ang pangalan ni Cristo, dahil kapwa Cristiano nagdedemandahan sa harap ng mga di-nananampalataya?”

Galit na galit si Pablo tungkol sa ginawang ito ng mga taga-Corinto, kung saan dinala ng isang Cristiano ang kapwa-Cristiano niya sa isang secular na korte. Inasahan ni Pablo na may eskriba sa mga Cristiano mismo na gaganap bilang hukom upang pagdesisyunan ang kaso. Sinabi niya, “Mga Cristiano – kayo ang may responsibilidad upang humatol sa mga nasa loob ng church.” Ang mag-‘judge’ o ‘maghatol’ dito ay hindi ang mamintas, kundi ang paghahatol ayon sa Salita ng Diyos. Hindi ito pamimintas ng isang tao; ito’y pagpapasya sa isang kaso. Kaya, walang pagkataliwas dito gaya ng hindi dapat paghahatol sa isang tao [tingnan sa Mateo 7:1]. Tinutukoy nito ang paghahatol sa isang kaso.

Dalawang Dahilan Bakit Mahalaga ang Magkaroon sa Ngayon ng “Mga Eskriba para sa Kaharian”

Kaya, mula sa lahat ng ito, nakikita at nauunawaan na natin ngayon ang tungkulin ng eskriba. Sana nga nakikita na ninyo kung ano ang sitwasyon. Dito muli sa Mateo 13:52, alalahanin na tinutukoy ng Panginoong Jesus ang “mga eskriba para sa kaharian”, ang mga Cristianong eskriba. Napakahalaga nito sa panahon ngayon dahil, una, nakita natin na ang ating gawain ay ang magsanay ng mga disipulo, at gawain ng mga eskriba ang sanayin o mag-train ng mga disipulo bukod sa mga propeta, dahil sa mga panahong iyon sa Israel, wala nang mga propeta. At kaya, ang mga eskriba na lamang ang naiwan sa Israel upang magsanay sa mga disipulo.

Pero, ikalawa, dahil magkakaroon ng napakalaking taggutom sa Salita ng Diyos, mahalagang magkaroon ng eskriba para sa kaharian sa ngayon. Nangyayari na ito sa atin sa kasalukuyan. Lagi kong iniisip nang may takot at panginginig ang mga salitang nasa Amos 8:11, kung saan sinabi ng propetang si Amos na:

“Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng Panginoong DIYOS, “na ako’y magpapasapit ng taggutom sa lupain, hindi taggutom sa tinapay, o pagkauhaw sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ng PANGINOON.”

At kaya, sinabi sa Amos 8 na pupunta ang mga tao pabalik-balik sa timog at hilaga, silangan at kanluran – para ano? Desperado silang maghahanap ng Salita ng Diyos! At sinabi niyang hindi nila ito matatagpuan. Isang taggutom sa Salita ng Diyos!

Naririto na sa Kasalukuyan ang Taggutom sa Salita ng Diyos

Alam ninyo, nakikita ko na naririto na ngayon ang taggutom na ito. Sa mga church, may taggutom na sa Salita ng Diyos. Alam ninyo na sa loob ng dalawang nakalipas na taon, ipinangaral ko ang Salita ng Diyos sa dulo’t dulong baybayin ng Canada, o sabihin man nating mula sa Montreal hanggang sa Vancouver, at sa halos lahat ng mga pangunahing siyudad sa pagitan.

Kahit saanman ko ipinangaral ang Salita ng Diyos, pare-parehong reaksiyon ang palagi kong natatanggap: “Hindi pa namin kailanman narinig na ipinaliwanag nang tulad nito ang Salita ng Diyos.” Lalong-lalo na nang ipinaliwanag ko sa kanila kung ano ang ‘commitment’, kung ano ang pagiging isang Cristiano, kung ano ang pagiging isang disipulo, parating pare-parehong reaksiyon ang ibinabati sa akin: “Hindi pa namin kailanman naririnig ito.” At palagi nilang nakakagulat na sinasabing, “Simpleng nagugutom kami! Hindi namin nakukuha ang Salita ng Diyos. Kailan ka ulit babalik?”

May mga pastor sila at ang ilan sa mga pastor na ito’y merong pinanghahawakang degree mula sa seminaryo kung saanman. Pero nasaan ang mga taong nagbibiyak ng Tinapay ng buhay? At kaya, ang mga kasapi ng kanilang kongregasyon ang nagsasabi sa akin, “Nagugutom kami! Hindi kami napapakain. Nagugutom kami para sa Salita ng Diyos.” Naaawa ako sa kanila dahil ang mga taong sinasanay ngayon ay hindi mga eskriba. Merong mga taong “sinanay” na may kaalamang akademiko, pero hindi sila eskriba ayon sa diwa sa Biblia. Magpapatuloy tayo sa ilang sandali upang tingnan pa ang tungkol sa mga eskriba.

Darating ang Isang Taggutom sa Panahong Ayaw nang Makinig ng mga Tao sa Wastong Doktrina

“Ngunit bakit may ganoong taggutom na darating sa Israel?” ang sabi ni Amos. Kapag tiningnan natin ang panahon ng Bagong Tipan, makikita nating nangyayari ang kaparehong kalagayan. Sa 2 Timoteo 4:2, sinasabi ni Pablo kay Timoteo na magturo nang may buong awtoridad at magtuwid at magpahayag ng Salita ng Diyos napapanahon man o hindi. Bakit? Sinasabi niyang ito’y dahil darating ang mga araw na hindi matitiis ng mga tao ang wastong doktrina. [b.3] Naku, mas lalo itong nakakatakot! Ito ang sabi ni Pablo kay Timoteo rito:

Darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral….

Pag-isipan ang tungkol dito, kung hindi pa ito nakakapagdala ng anumang takot sa inyong puso. Hindi na nila gustong makinig pa sa katotohanan. Pero ano’ng gagawin nila? Kukuha sila ng mga gurong mangingiliti sa mga tenga nila. Hahanapin ng mga ito ang kiliti nila. Sa ibang salita, lilibangin sila! Sasabihin sa kanila ang mga bagay na gusto nilang marinig. Kasi, ayaw ng mga tao na mapagsabihan.

Ang mga guro – ang magagaling na guro – ay kadalasang matitindi. Kaya, ayaw sa kanila ng mga tao. Ang gusto ng mga tao ay ‘yong mga mapang-aliw, ‘yong nakakaalam kung paano sila susuyuin, ‘yong mahahanap ang kanilang kiliti. Hindi katakataka na kapag dumating na ang oras na ayaw nang pagtiisan ng mga tao ang wastong aral, sa gayong panahon, talagang nasa pinakalubha na ang taggutom. Wala nang pagkakataon pang makarinig ng Salita ng Diyos. Napakahirap na nga sa mga araw na ito.

Sinasanay ng Panginoong Jesus ang mga Eskriba na Makapagtuturo Naman sa Iba

Kung gayon, magtanong pa tayo ng karagdagang mga tanong. Pero una, gusto kong maunawaan ninyo ito tungkol sa siping ito. Ang Panginoong Jesus ay nagsasanay ng mga eskriba para sa kaharian at gusto niyang maging disipulo ang bawat tao hanggang sa punto na kaya na ng bawat tao na magturo. Sa Hebreo 5:11-14, mababasa natin ang mga salitang ito, lalo na sa b.12:

Sa panahong ito’y dapat na kayo’y mga guro na at kayo’y nangangailangan pa ng gatas.

Basahin natin ang siping ito, dahil dito, tulad ng lahat ng mabubuting eskriba, nagbibigay ang nagsulat sa mga Hebreo – na isang eskriba rin, na isang dakilang tagapagpaliwanag ng Kautusan ng Diyos, ng Salita ng Diyos – ng isang lubos na napakatinding pagtutuwid o ‘rebuke’ sa church. Masdan, hindi siya ang uri ng tao na nangingiliti ng mga tenga ng mga tagapakinig niya. Medyo matapang siya sa kanyang pananalita. Kadalasan, naaakusahan akong matapang sa aking pananalita. Hindi ko kinikiliti ang tenga ninuman. Masakit ito pakinggan kung minsan, ‘di ba? Marahil, dapat nating basahin ang buong sipi para maunawaan kung ano’ng inaasahan mula sa bawat Cristiano.

Sa naunang bahagi ng siping ito, tinutukoy ng nagsulat sa mga Hebreo ang tungkol sa hari at pari na si Melquizedek. Sa Hebreo 5:11 sinabi niya,

Tungkol sa kanya’y (kay Melquizedek) marami kaming masasabi, at mahirap ipaliwanag, palibhasa’y naging mapurol na kayo sa pakikinig.

Hmm, hindi napakadiplomatikong sabihin ang gayong mga bagay tungkol sa mga tao, pero pansinin na hindi siya isa sa mga taong kumikiliti sa tenga ninuman. “…naging mapurol na kayo sa pakikinig,” ang sabi niya. “Espirituwal na bumagsak na kayo at hindi na matalas ang inyong tenga upang makaunawa ng mga espirituwal na bagay.”

At may idinagdag pa siyang hindi nakakakiliti sa mga tenga. Mababasa sa b.12:

Sapagkat bagaman sa panahong ito’y dapat na kayo’y mga guro na,

Inaasahan niyang magiging guro ang bawat Cristiano. Ito ang puntong gusto kong makita ninyo.

…sa panahong ito’y dapat na kayo’y mga guro na (ngunit) kailangang muling may magturo sa inyo ng mga unang simulain ng aral ng Diyos.

Kailangan ninyong bumalik sa mga simulaing prinsipyo, sa Abakada. Kailangang turuan namin kayong magbasa mula sa umpisa.

Kayo’y nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.”

“Hindi pa kayo lumalago; nasa pagiging sanggol pa rin kayo.” Ngayon, hindi ninyo kayang bawasan pa ang kawalang-pangingiliti nito!

Sa b.13, sinasabi niya,

Sapagkat bawat tumatanggap ng gatas ay walang alam sa salita ng katuwiran….

Nasabi niya ito, dahil dapat dalubhasa ang eskriba. Gusto kong pansinin ninyo ito: inilalarawan ang Salita ng Diyos dito bilang mensahe ng katuwiran. Paulit-ulit kong sinasabi sa inyo: tungkol ang Biblia sa katuwiran. “Kung walang kabanalan, walang sinumang makakakita sa Diyos.” [Hebreo 12:14]

Pero sa mga araw na ito, itinatanggi ang katuwiran, ang ‘righteousness’, sa turo ng maraming iglesya bilang kailangang-kailangan sa kaligtasan. Kagulat-gulat! Ang Biblia ay ang Salita ng katuwiran at ang taong namumuhay sa gatas ay hindi pa nahahasa sa Salitang ito ng katuwiran, kaya’t nagtatapos ang b.13 (ng Hebreo 5) sa:

palibhasa’y isa siyang sanggol.”

Nagpapatuloy ito sa b.14:

Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga nasa hustong gulang,

Ang karne ay para sa mga taong may mga ngipin para makanguya, hindi para sa mga sanggol na dumedede pa sa bote.

na dahil sa pagsasagawa ay nasanay ang kanilang mga pandama (pansinin ang ‘nasanay’) na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.

Ang mga Katangian ng Isang Eskriba sa Bagong Tipan

Sinabi ko kani-kanina lang na ang eskriba sa Biblia ay hindi lamang ‘yong nangungulekta ng diploma mula sa isang seminaryo o mula sa ‘faculty of divinity’ (ang departamento ng pag-aaral sa mga bagay-bagay ukol sa Diyos). Ano’ng sinasabi rito? Ang kanyang mga pandama ay sinanay sa pamamagitan ng pag-iinsayo at karanasan upang maipagkaiba ang mabuti at ang masama. Ang mga hinahanap sa isang guro sa Bagong Tipan – ang mga ‘qualification’ ng isang guro sa kaharian ng Diyos – ay hindi lamang ang pagkakaroon ng diploma o ‘degree’, kundi ang pagkakaroon ng espirituwal na katangian, na kayang kumilala sa pagkakaiba ng mabuti at ng masama. Pansinin: “ang salita ng katuwiran” – hindi natin tinutukoy ang pag-aaral na akademiko rito.

“Salita ng katuwiran” ang Biblia; may kinalaman ito sa masama at mabuti. At hindi ninyo matutunan iyon sa pagkuha ng isang diploma. Matutunan ninyo iyon sa paaralan ng buhay, sa pamamagitan ng pamumuhay kasama ang Diyos. Ipinapakita niyon ang uri ng mga disipulo at uri ng mga eskriba na tinutukoy sa Biblia. Ito ang mga tao ng Diyos na natutong lumakad kasama ang Diyos sa pang-araw-araw na pamumuhay; sinanay nila ang kanilang pandama sa araw-araw na buhay upang makilala ang kaibahan ng mabuti at masama. Sila ang mga tao ng Diyos na tinutukoy ng Panginoong Jesus, hindi ‘yong naglalagay lamang ng kaalaman sa utak nila. May napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang ito.

Napakataas ng mga espiritwal na katangian ng guro sa Bagong Tipan. Tungkol dito, maaari rin nating tingnan ang 2 Timoteo 3:10-11, kung saan kinakausap ni Pablo ang sarili niyang disipulo, na si Timoteo. Tulad ng alam ninyo, disipulo ni Pablo si Timoteo; sinanay siya mismo ni Apostol Pablo. Napatunayang lubos siyang bukod-tanging disipulo; siya mismo’y naging isang eskriba, at isang napakabuting eskriba pa nga!

At kaya, ang sinabi ni Pablo kay Timoteo:

Ngayon, sinunod mong mabuti ang aking aralpamumuhay.

Hindi lang ang aking aral, pero pansinin ito, pati ang pamumuhay. Ngayon, napakahalaga niyon. Tulad ng sinabi ko, walang masyadong nag-aalala tungkol sa pamumuhay kapag nag-aaral sa seminaryo. Pero kung magsasanay kayo ng church ayon sa Bagong Tipan, kailangang mamuhay nang tama. Kung hindi ninyo kayang ipamuhay ang gayong buhay, kung gayon, wala kayong karapatang magsalita.

Pansinin ang salitang ‘sinunod’ dito; hindi lamang ‘pinag-aralan’ kundi sinunod ito.

…sinunod mong mabuti ang aking… pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan….”

Itinuro niya ang kanyang sarili bilang isang halimbawa. Lakas-loob niyang nasabi iyon dahil para sa kanya, “…sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako ay ako”. [1 Corinto 15:10] “Kung anupaman ako ngayon, gayon ako sa pamamagitan ng grasya ng Diyos. Ang Espiritu Santo na nasa akin ang gumawa ng kung ano ako ngayon.

Ngayon, tingnan ninyo ako. Basta tularan ninyo ako. Gayahin ninyo ako. Kung masusugatan ako sa giyera, masusugatan kayo sa giyera, dahil hindi mas mataas ang isang disipulo kaysa sa kanyang ‘master’ o guro. Kung ano’ng nangyayari sa panginoon o ‘master’, mangyayari rin sa alagad. Sa mga araw na ito, may pang-akademikong pagsasanay tayo. Hindi kayo makakagawa ng mga disipulo sa pamamagitan ng akademikong pagsasanay. Kailangan ninyo ng mga tao ng Diyos na namuhay, na lumaban sa giyera sa ‘frontline’, sa harapan mismo sa espirituwal na labanan. Ito ang mga tao kung kanino kayo dapat matuto. At kaya, pagkasabi niya kay Timoteo niyon, nagpatuloy siya sa 2 Timoteo 3:11:

…mga pag-uusig, mga pagdurusa; anumang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio, Listra…

At pagkatapos, nagpatuloy siya sa pagsasabi sa ganitong paraan sa b.14:

Subalit manatili ka sa mga bagay na iyong natutuhan at matatag na pinaniwalaan, (pansinin ito) yamang nalalaman mo kung kanino ka natuto.

Manatili ka sa mga natutunan mo, iyon ay, kung anuman ang natutunan mo mula sa akin. Kanino ito natutunan ni Timoteo? Mula kay Pablo! Magaling na guro si Pablo! Ibang klase! Ha! Batikan siya! “Alam mo kung kanino mo natutunan ito, kaya panghawakan mo ito.”

Matindi ang mga salitang ito. Ilan kayang mga guro ang mangangahas na magturo at magsalita tulad nito ngayon? Walang anumang pagkukunwaring pagkamahiyain, o pagkukunwaring pagkamababang-loob na nagsasabing, “Ah, hindi ako mabuti. Huwag ninyong tularan ang aking halimbawa.” Ano’ng ibig ninyong sabihin na huwag tularan ang inyong halimbawa? Kung gagawa kayo ng mga disipulo, kung hahayo kayo sa mundong ito at gagawa ng mga disipulo, huwag isipin na ang gagawin ninyo lamang ay ang turuan sila ng teorya, dahil panonoorin nila ang inyong buhay. Matututo silang tularan kayo.

Alam ninyo ba kung paano gumawa ng mga disipulo? Napakahirap, ‘di ba? Walang silbing sabihin sa kanila, “Maging disipulo kayo ni Cristo, pero huwag ninyo akong tularan.” Hindi ganoon ang paggawa ng mga disipulo. Alinman sa dalawa: gagawa kayo ng mga disipulo o hindi. Kung gagawa kayo ng mga disipulo, kailangan ninyong ipamuhay ang buhay na iyon. Kailangan ninyong pasanin ang inyong krus at sumunod kay Jesus. Ito ang mga napakataas na ‘requirement’, na hinahanap sa isang eskriba ayon sa Bagong Tipan.

Sa Bagong Tipan, Dapat Sanayin ang Eskriba sa Kapangyarihan at Awtoridad ng Espiritu Santo

Pero gayunpaman, magpatuloy tayo at tingnang muli ang siping ito, habang binabalikan natin ang Mateo 13:52, sa talinghagang ito sa turo ng Panginoong Jesus. Subukan nating matutunan pa ang karagdagang mga bagay ukol sa mga eskriba at sa kanilang mga estudyante. Hayaang sabihin ko sa inyo ang ilan pang mga bagay tungkol sa mga eskriba sa panahon ng Bagong Tipan. Marami tayong alam tungkol sa mga eskriba.

Siya nga pala, tinatawag din ang mga eskriba bilang ‘lawyers’. At kung sakaling makatagpo kayo ng titulong ‘lawyers’, ito’y ibang katawagan lang para sa mga eskriba. Magkaparehong tao lang ang pinag-uusapan. Bihasa sila sa Kautusan. Mga iskolar sila. Siyempre, malinaw iyan. Mga iskolar sila ng Kasulatan. Mga iskolar sila ng Biblia. At kaya, sa ngayon, alam na ninyo na pinanghahawakan nila ang titulong ‘rabbi’.

Alam ninyo rin na tinawag si Jesus bilang ‘Rabbi’, at samakatuwid, kinilala siya ng mga tao bilang isang eskriba. Nagturo siya nang may awtoridad, di gaya ng mga eskriba sa panahon niya. Sinasambit lang ng mga eskribang ito ang sinabi ng kapwa-eskriba nila. Pero nagturo ang Panginoong Jesus nang may kapangyarihan mula sa itaas, at iyon ang inaasahan niya mula sa bawat eskriba sa Bagong Tipan. Alam din ninyong isang taong nasandatahan o na-‘equip’ ng kapangyarihan si Pablo. Maliban sa sinanay kayo sa kapangyarihan, hindi kayo magiging eskribang ayon sa Bagong Tipan. Malaking pagkakaiba iyon sa pagitan ng mga eskribang ayon sa Bagong Tipan at sa mga eskriba ng Israel sa panahong iyon.

Impormasyon Ukol sa mga Eskriba sa Panahon ng Panginoong Jesus

Marami tayong alam tungkol sa mga eskriba. Alam natin na nagmumula sila sa bawat antas ng lipunan. Galing sila mula sa matataas na antas at sa mabababang antas. Tulad sa ngayon, nagmumula ang mga iskolar sa lahat ng antas. Maaari kayong magmula sa isang mayamang pamilya, o sa mahirap na pamilya. Sa gayon, nanggagaling ang mga eskriba mula sa lahat ng antas. May mga eskribang mga pinunong-pari o ‘chief priests’. May mga eskriba ring mga mangangalakal at may mga karpintero rin.

Sa katunayan, ang dakilang Judiong ‘rabbi’ na si Shammai ay isang karpintero, katulad ng Panginoong Jesus. O maaari ring nasa napakababang antas ng lipunan sila, tulad ng mga arawang-manggagawa. Sa katunayan, namuhay bilang arawang-manggagawa ang dakilang gurong si Hillel. Sila ‘yong uri ng taong nababasa natin sa Biblia na naghihintay sa palengke sa umaga, umaasang may kukuha sa kanila upang magtrabaho sa araw na iyon. Gagawin nila kahit anumang trabaho, na kadalasa’y mga agrikulturang gawain.

Pero arawang-manggagawa sila; wala silang trabahong pangmatagalan. Kinokontrata lamang sila araw-araw. Naghihintay sila sa palengke sa umaga. Sa katunayan, isa sa mga manggagawang ito si Hillel, ang dakilang guro ng Kautusan, isang dakilang eskriba. Ganito ang kanyang ikinabubuhay.

May ilang mga eskriba na hindi man lang lahing-Judio. May mga dakilang ‘rabbi’, gaya nina Shemaiah at Abtalian, na kapwa di-lahing-Judio. Mga ‘proselytes’ ang mga ninuno nila, iyon ay, mga Hentil na tumanggap ng relihiyon ng mga Judio. Kaya, sa kabila ng pinanggalingang pamilya, sa kabila man kung Judio sila o hindi, isang bagay lang ang nagbibigay ng posisyon bilang eskriba sa Israel, at ito ang kanilang kaalaman sa Salita ng Diyos, sa Lumang Tipan, sa Kautusan.

Paano, kung gayon, siya naging eskriba? Nag-aral siya nang ilang taon. Mahaba-haba ang kurso ng pagsasanay. Nagsimula ang ilan sa kanilang pagkabata pa. Nagsimula naman ang iba nang may edad na sila. Halimbawa, isa ring eskriba si Josephus na mananalaysay. Sinimulan niyang magsanay bilang eskriba bago siya naging 14. Maaga siyang nag-aral ng Salita ng Diyos. Maaaring matagal na panahon ang pagsasanay. Pagkatapos, hindi maaaring maordinahan ang isang eskriba kung hindi pa siya nakakaabot sa edad na 30, iyon ay, noong panahon ni Jesus, at sa kalaunan, hangga’t hindi pa 40.

Ibig sabihin niyon, kung may nagsanay tulad ni Josephus bago sa gulang na 14, may higit 15 taon pa bago siya maordinahang eskriba. Maoordinahan ang isang eskriba sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, tulad ng ginagawa sa pag-oordina ng isang pastor o ministro sa panahong ito. At kapag naordinahan siya sa gulang na mga 30, nagiging ganap na siyang naordinahang eskriba, naordinahang iskolar. Pero bago roon, mailalarawan siya bilang isang di-naordinahang iskolar. Kinikilala pa rin siya bilang iskolar, pero isang di-naordinahang eskriba.

Nabigyan ang mga Eskriba Noon at Ngayon ng Kapangyarihang Magtali at Magkalag

Sa gayon, makikita natin na pagkatapos maisagawa ang ordinasyon, maaari na siyang gumanap bilang ‘full-fledged’ o ganap na eskriba. Maaari siyang magdesisyon sa mga kasong krimen o kasong sibil. Maaari siyang pumasok sa Korte Suprema, iyon ay, maging miyembro ng Sanhedrin kung mapipili siya. At kaya, maaari rin siyang magkaroon ng sarili niyang mga disipulo. Siyempre, marami sa mga eskriba ang merong maraming disipulo. Pagkatapos silang maordinahan, ang kanilang mga proklamasyon at mga pasya ay itinuturing ng mga Judio bilang nasa kaparehong antas ng Salita ng Diyos mismo.

Sa katunayan, sa isang lugar, sinasabi na mas may-kapangyarihan ang katuruan ng mga eskriba kahit pa kaysa sa ‘Torah’, ang mismong Kautusan ng Diyos. Dapat nating ituring ang pagsabi nito bilang kalapastanganan, siyempre. Pero ipinapakita nito na mataas ang pagturing sa katuruang ibinibigay ng mga eskriba. Ang kanilang salita ay tulad ng Salita ng Diyos. Kung ano’ng sinabi nila, dapat itong sundin. May kapangyarihan silang magtali at magkalag.

Sa katunayan, iyon ang kapangyarihang ibinigay ng Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo na siyang magiging mga eskriba ng kaharian. Iyon ang dahilan kung bakit mababasa natin sa Mateo 16:19 at sa Mateo 18:18, kung saan sinabi ng Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo,

…anumang inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay yaong kakalagan sa langit.

Inirerepresenta ng inyong mga desisyon ang kalooban ng Diyos. Isang nakakagulat ang pahayag na ginawa niyang ito. Naipagkatiwala ang napakalaking awtoridad sa mga disipulo bilang mga bagong eskriba dahil namumuhay sila ngayon sa ilalim ng kapangyarihan at pagkokontrol ng Espiritu Santo. Hindi sila gagawa ng mga desisyon na galing sa sarili nilang pag-iisip, pero sa pamamagitan ng pagpapatnubay, ng awtoridad ng Espiritu Santo. Napakalaking kapangyarihan ito na ipinagkatiwala ng Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo bilang mga eskriba ng kaharian.

Malaking Paggalang ang Ibinibigay sa mga Eskriba

Pero dahil sa awtoridad na ito ng mga eskriba, iginalang nang lubos ng mga Judio ang mga eskriba. Sa katunayan, napakataas ng paggalang at pagtingin sa kanila na, maliban sa mga pinunong pari at mga miyembro ng mga namumunong pamilya, ang mga eskriba lamang ang maaaring maging mga kasapi ng Sanhedrin, ng Korte Suprema. Wala nang iba pa, maliban sa mga pinunong pari, mga miyembro ng mga namumunong pamilya at mga eskriba ang maaaring maging kabahagi ng Sanhedrin. Ipinapakita nito kung ano’ng uri ng posisyon ang pinanghahawakan nila.

Kaya, mula sa mga bagay na ito, kung gayon, makikita natin na gayon ang respetong ibinigay ng mga taga-Israel sa mga eskriba noon. Kapag dumaraan ang isang eskriba sa kalsada, tatayo ang lahat upang magbigay-galang sa kanya. Ngayon, napakahalagang maunawaan nito. Ang tanging mga taong napahintulutang di-tumayo kapag dumaan ang isang eskriba ay ‘yong mismong nasa kalagitnaan ng kanilang trabaho. Kasapi rito ang mga ‘artisan’ na, halimbawa’y nasa kalagitnaan ng paggawa ng isang palayok. Dahil hindi nila maaaring ilapag muna ang palayok upang tumayo, pinahintulutan silang di-tumayo. Pero tatayo ang lahat ng iba kapag may eskribang dumaan.

Naiiba ang eskriba – iyon ay, iniiba niya ang sarili niya – sa pamamagitan ng uri ng pananamit niya, na may mahahabang lamuymoy o ‘fringes’ sa laylayan nito. Nagsusuot siya ng togang pang-eskriba upang maiba siya. Katulad ito ng isinusuot na togang pang-akademiko sa ngayon, ‘yong gustong-gustong ipamigay ng mga unibersidad sa mga araw na ito. Mapagmataas kayong maglalakad sa togang pang-akademikong ito, na nagbibigay sa inyo ng pakiramdam na tunay kayong may ipagmamalaki. At kaya, mapagmataas na naglalakad ang mga eskriba sa mga kalsada.

Naaalala ko na nang nasa kolehiyong teolohiya ako sa England, pinagsusuot kaming lahat ng mga itim na toga, ng mga togang pang-akademikong ito, na lubha kong kinaiinisan, dahil may mahahabang manggas ito na lagi kong nasasabit sa silya. Sa pagtayo ko, naisasama ko ang silya. O nasasabit ako sa gilid ng mesa at saan-saan pa.

Ang pinakagrabeng bahagi pa nito ay tuwing maglalakad kami mula sa isa tungo sa isa pang departamento ng kolehiyo sa mga kalsada sa London. Mai-imagine ninyo kami na naglalakad sa mga kalye ng London, suot-suot ang itim naming toga. Siyempre, nakakaramdam kaming lahat ng pagmamataas dahil nakabilang kami sa mga tanyag na akademiko, na siyang ipinapalagay namin sa aming sarili noon. Siyempre, hindi naman kami ganoon talaga, pero sa oras na isinuot ninyo ang itim na toga, tunay na makakaramdam ng pagpapahalaga sa sarili.

Nasisiguro ko na kung nakasali na kayo sa mga seremonya ng pagtatapos at kayo na ang susunod na magsusuot ng itim na toga at academic hood, agad ninyong matatantong mas mataas kayo kaysa sa mga karaniwang mga taong nasa labas. Naging may-ibubuga na kayo.

Sa gayon, mauunawaan ninyo ang pakiramdam ng eskriba. Lumalakad siya sa mga kalsada ng Jerusalem, suot-suot ang togang pang-akademiko niya – ang togang pang-eskriba niya – at tatayo ang lahat ng tao sa paggalang sa mga marurunong sa Salita ng Diyos na ito. Sa katunayan, iginagalang sila nang lubos, na maaaring higit pa kaysa sa mga magulang ng mga ito. Ibinibigay sa kanila ang pinakamararangal na upuan sa sinagoga, kaharap ang mga tao. Ipinapaalala nito sa akin ang tungkol sa ilang iglesya na may entablado roon sa harapan, tapos, nakaharap ang lahat ng mga upuan sa kongregasyon. Nakadikuwatrong nakaupo lahat ng mahahalagang tao sa itaas at nakatingin sa kongregasyon sa ibaba nila.

Oo, binibigyan ang lahat ng mga eskriba, ang ‘lawyers’, ng ganitong uri ng upuan, kung saan titingnan nila sa baba ang mga tao sa mga sinagoga. Sila ‘yong mga inanyayahang mangaral sa mga sinagoga. Ibig kong sabihin, sino pa ba ang mas karapat-dapat na mangaral kaysa sa kanila? Kaya, sila ang mga dakilang taong nakakakuha nito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kautusan. Hinahangaan sila ng lahat. Kinikilala pa nga ang ilan sa kanila bilang may espirituwal na kapangyarihan. Kahit papaano, iyon ang iniisip ng mga tao tungkol sa kanila.

Dahil sa Mataas na Parangal na Ibinigay sa Mga ito, Maraming Naging Eskriba sa Maling Dahilan

Ngayon, ito ang uri ng larawang meron tayo. Ang dahilan kung bakit iginuguhit ko ang larawan ng karangalan na siyang naiuukol para sa mga eskriba ay upang ipakita sa inyo na maaaring maging eskriba ang mga tao sa maling kadahilanan. Dahil ipinapakita nito na may posibilidad ng pag-angat mula sa kababaan tungo sa posisyon ng katanyagan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kautusan. Sa gayon, mag-aaral ang mga tao ng mga Kasulatan dahil sa maling motibo. Napakapanganib niyon.

Sa katunayan, upang mapigilan ito, hindi pinapayagang tumanggap ang eskriba ng pera mula sa mga disipulo niya sa pagsasanay sa kanila. Pero hindi pa rin napipigil nito ang mga eskribang may maling motibo dahil sa napakalaking karangalang natatanggap nila sa lipunan. Naaanyayahan sila sa mga pista at lagi silang nabibigyan ng mga pangunahing puwesto sa mga ito.

Ibig sabihin nito, sa bawat lugar kung saan nagiging pinaparangalang institusyon ang church, may nagiging mga pari o mga pastor sa maling dahilan. Napakamapanganib niyon. Ilan kayang tao ang naging pari sa Simbahang Romano Katoliko sa mga Katolikong bansa dahil – napansin na ba ninyo ito? – sa pitagan at karangalang matawag na “Father”? Sa Simbahang Katoliko, nabibigyang pahalaga ang pari kapag naglalakad siya sa mga kalsada, halimbawa sa Ireland. Marahil, hindi natin siya nabibigyan ng pahalaga dito sa Canada. Pero sa isang bansang Katoliko tulad ng Ireland o España o Portugal o Italia, iginagalang nang husto ang isang pari, gaya ng paggalang sa mga eskriba.

Ang ibig sabihin nito, maraming nagiging pari ngayon sa Simbahang Katoliko sa mga bansang iyon sa maling dahilan: na nagdadala ito ng paggalang mula sa mga tao. Ang mga mabubuting pari mismo ang nauunang umaamin nito, tulad ng pag-amin sa akin ng kaibigan ko. Sinabi niya nang walang pag-aalinlangan, “Marami kaming mga pari rito ngayon na naging pari sa mga maling dahilan.” Pero kapag naging pari na sila, hindi na madaling paalisin sila kapag nalaman na ninyong naroroon sila dahil sa lubos na maling kadahilanan.

May mga tao tayong naging mga pastor sa mga maling dahilan. Nagbabayad ang malalaking iglesya nang napakataas. Nakita ko ang isang anunsyo noong isang araw sa peryodiko. Ha! Kaya, kung isa sa mga araw na ito, hindi ninyo ako makita, sasabihin ninyong pumaroon ako! Isa itong anunsiyo ng isang malaking church, na may daan-daang miyembro. Nagbabayad nang napakataas ang lahat ng mga iglesyang ito, lalong-lalo na sa United States. Kaya, kung hindi kayo masyadong kumikita sa pagiging inhinyero, at hindi kayo masyadong kumikita sa chemistry, at hindi kayo masyadong kumikita sa anupamang propesyon, subukan ninyong maging pastor!

Ibig kong sabihin, hindi gaanong mataas ang pamantayang akademiko sa isang Bible College, kaya pumunta na lang kayo roon at mag-aral sa loob ng dalawang taon. Doon, maaari kayong makapasa. Hindi ko pa narinig na maraming bumagsak sa anumang Bible College. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ibinabagsak nila ang sinuman. At kaya, mataas ang pag-asa ninyong makapagtapos na may diploma. Tapos, ano’ng malay ninyo? Balang araw, aanyayahan kayo ng isa sa malalaki’t mayayamang simbahan na ito upang maging pastor nila. Ayos iyon! Isipin ang karangalan.

Alam ninyo, ang mga pastor lang ang maaaring pumirma ng maraming papeles ngayon, kasama ng mga doktor at mga abogado. Kahanay nila ang itinuturing nating matataas na ranggong tao ngayon. Iginagalang ng lipunan! Sayang! Sayang! Naging mga pastor ang mga taong ito para sa pera at sa paggalang ng lipunan! Nakakalungkot mang sabihin, may mga naging mga eskriba sa dahilang iyon. Binibigyang diin ko ang puntong ito upang makita ninyo ang paghahalintulad ng mga eskriba at ng mga pastor sa panahon ngayon, dahil nakalaang maging mga eskriba ang mga pastor, kahit na, sa katunayan, hindi nila ginagampanan ang tungkulin bilang mga eskriba sa panahong ito.

Pero, gayunpaman, dapat nating matanto ang isang bagay. Sa totoo lang, handang maging lubos na dukha ang ilan sa kanila. Hindi naman nagtataglay ng maraming pera ang lahat sa kanila. Sa katunayan, maraming eskriba ang napakahirap, at nabubuhay ang ilan sa kanila sa ambag, lalong-lalo na ‘yong mga abalang-abala sa pagtuturo. Bakit? Dahil hindi sila maaaring mangulekta ng pera mula sa kanilang mga disipulo.

Pinapayagang magbigay ng donasyon ang mga disipulo, pero hindi sila maaaring magbigay bilang pasahod sa mga eskriba. Ibig sabihin nito, kung marami kayong mahihirap na mga disipulo, dahil wala silang maibigay sa inyo, wala kayong kita. At kaya, hirap na hirap ang kalagayan ng ilan sa mga eskriba, lalong-lalo na ang mga nagbigay ng kanilang sarili sa pagtuturo. Samantala naman, maaaring magkaroon nang mataas-taas na kita ang ibang eskriba, ‘yong mga gumaganap bilang hukom sa mga korte. Hindi inilalaan ng mga ito ang oras nila sa pagtuturo ng mga tao.

Mula sa lahat ng mga ito, kung gayon, simula na nating natututunan ang sitwasyon: may mga naging eskriba dahil naakit sila sa karangalang ibinibigay sa kanila, kahit na kung minsan, mababa ang sahod nila. May mabubuting eskriba rin: ‘yong mga eskribang may ganap na nakakakonsumong-interes, iyon ay, ang matutunan ang Salita ng Diyos. At sa pamamagitan ng pagkaalam ng Salita niya, nais nilang makilala ang Diyos mismo.

Dapat nating maunawaan na may ilang lubos na napakabuting eskriba. Hindi natin dapat isipin na masasama lahat ng mga eskriba. May ilang mabubuti rin. Nakakalungkot nga lang, gaya sa lahat ng bagay, mas marami palagi ang masasamang eskriba kaysa sa mabubuti. Lagi silang nasa minoridad, konti lang sila, pero may mabubuti pa rin naman.

Paano Nagsasanay Upang Maging Eskriba?

Kung gayon, paano kayo magiging eskriba? Nakita na rin natin na dapat silang sanayin, dapat i-train. Pero paano ba nagsasanay upang maging eskriba? May unibersidad bang mapupuntahan? Wala! Walang gayong institusyon. Walang kolehiyo o unibersidad na mapupuntahan. Kaya, paano kayo magiging eskriba? Ang tanging paraan ay ang mag-aaral sa ilalim ng isa pang eskriba. Magiging disipulo kayo niya. At kaya, nakita natin na maraming disipulo ang ilang eskriba.

Si Hillel, na naging lubos na kilalang-kilala sa kalaunan, ay minsang nagkaroon ng 80 o higit pang disipulo. Napakalaking grupo niyon! At talagang naghahanap ang mga guro – ang pinakamabubuting guro – ng mabubuting disipulo. Hindi pwedeng basta-basta na lang kayong papasok at sasali bilang disipulo sa anumang paraang gusto ninyo. Depende iyon kung tatanggapin kayo ng rabbi bilang kanyang disipulo o hindi. Kung tinanggap niya kayo, mabuti’t maganda. Kung gayon, malaki ang pag-asa ninyong maging eskriba paglipas ng panahon.

Mapag-aalaman natin ang tungkol sa kahirapang tiniis ng ilan sa mga taong ito na tunay na ninais na malaman ang Salita ng Diyos upang maging disipulo ng mga eskriba. May ilang halimbawa na lubos na makabagbag-puso. Halimbawa, mababasa natin ang tungkol kay Hillel, na sa kalaunan ay naging tanyag na guro ng Kautusan, na kasasambit ko lang. Noong kauumpisa pa lamang ni Hillel, napakadukha niya. Gaya ng nakita natin, isa siyang arawang-manggagawa. Nanggaling siya mula sa Babilonia. Naglakbay siya mula Babilonia tungo sa Jerusalem upang makaupo sa paanan ng dalawa sa pinakadakilang eskriba ng Israel na, sa katunayan, ay ang dalawang nabanggit ko na, ang dalawang di-lahing Judio. Ito ang dalawang pinakatanyag na mga guro sa mga panahong iyon: sina Shemaiah at Abtaliah.

At naglakad si Hillel – pansinin ninyo ito: naglakad siya! – mula sa Babilonia hanggang Jerusalem. Naggugol siya ng maraming linggong paglalakad sa napakamapanganib na teritoryo. Napakamapanganib dahil maraming beses, matatambangan kayo ng mga magnanakaw. Pero sa palagay ko, inakala niyang masyado siyang mahirap kaya walang sinuman ang magtatangka ng anuman sa kanya. Naglakad siya ng maraming linggo patawid ng Fertile Crescent mula sa Babilonia, isang napakalayong distansya, na sa palagay ko’y higit pa sa isang libong milya, upang makarating sa Jerusalem, para makaupo sa paanan ng mga dakilang gurong ito.

At pagkatapos, sa pagdating niya roon, nagtrabaho siya bilang arawang-manggagawa na kumikita ng kalahating-denaryo bawat araw. Mula sa kalahating-denaryong iyon, kailangan pa niyang ibigay ang ika-apat na bahagi ng isang denaryo bilang bayad niya sa paaralan. Ngayon, sasabihin ng ilan sa inyo, “Ang sabi mo’y hindi tumatanggap ng bayad ang mga guro.” Hindi ang guro o ang rabbi ang kumukuha ng pera. Ang nangangasiwa sa paaralan ang siyang nakakatanggap ng pera.

Kasi, hindi kaya ng isang rabbi na magkaroon ng maraming alagad sa sarili niyang tahanan. Sa 80 na estudyante, mahihirapan kayong pagkasyahin silang lahat sa isang kuwarto ng inyong tahanan. Kaya, kailangan nilang umupa ng isang bulwagan. Ang mga estudyante ang dapat na magbayad ng upa ng bulwagang iyon, hindi ang rabbi. Wala nang sapat na pera ang rabbi. Kinailangang ang mga alagad ang magbayad, sa abot ng makakaya nila, upang mabayaran ang halaga ng upa ng bulwagan.

Isang beses, walang nakuhang trabaho si Hillel. Walang kumuha sa kanya upang magtrabaho, dahil, tulad nang nabasa ninyo sa talinghaga, maraming naghihintay roon, pero walang kumukuha sa kanila upang magtrabaho. Wala siyang nakuhang trabaho, kaya, wala siyang kalahating-denaryo. Pero ayaw niyang mawalan ng katuruan, kaya, kahit hindi siya pinayagang pumasok sa bulwagan, umupo siya sa labas ng bintana at nakinig doon sa katuruan mula sa bintana. Napakadeterminado niya. Gayon na lang ang pagkagutom niya sa Salita ng Diyos! ‘Winter’ noon at napakalamig. At kaya, sa paglipas ng oras, natagpuan na lamang siya sa labas ng bintana, halos tumigas na sa ginaw, pero sinusubukan pa ring pakinggan ang Salita ng Diyos. Hindi nakapagtatakang naging isa siya sa mga dakilang guro sa Israel.

Ganito ang pinagmulan ng marami sa mga dakilang guro. Gustong-gusto nilang mag-aral ng Salita ng Diyos. Sa ngayon, nakikita kong pinapadali ang lahat para sa maraming estudyante. Pero noon, tinitiis ng mga tao ang kahirapan, kahit pa ang kagutuman, upang mapag-aralan ang Salita ng Diyos.

May isa pa, si Rabbi Eleazar, na halos mamatay na sa gutom sa pagsasanay upang maging eskriba. Bakit? Dahil naging disipulo siya ng dakilang Rabbi Johanan, na Hebreo para sa ‘Juan’. Tutol sa kalooban ng ama niya ang ginawa niya. Samakatuwid, siyempre, wala siyang suporta mula sa pamilya niya. Madalas, napailalim siya sa matinding gutom, hanggang natuklasan ng kanyang guro o rabbi na halos mamamatay na siya sa gutom dahil sa determinasyon niyang makapag-aral ng Salita ng Diyos.

Naghahanap ang Panginoong Jesus ng mga Taong Magiging mga Eskriba ng Kaharian

Kaya, nakikita natin na may mabubuting taong nagugutom sa Salita ng Diyos. Sila ang mga hinahanap ng Panginoong Jesus na maging mga eskriba ng kaharian ng Diyos. Kaya ba ninyong magturo? Alam ba ninyo kung paano gumawa ng mga disipulo? Naia-apply ba sa inyo ang mga salita sa Hebreo 5:12?

Sa panahong ito’y dapat na kayo’y mga guro na…. (ngunit) Kayo’y nangangailangan ng gatas.....

Alam ninyo, natuklasan ko na sa ordinaryong simbahan ngayon, halos walang tao roon na nakakaalam ng anuman tungkol sa mga turo ng Salita ng Diyos, lalo pa sa paggawa ng disipulo. Anumang makayanan nilang ituro, natuklasan na lamang nila sa ilang librong nakuha nila mula sa tindahan ng mga libro. Nasaan ang mga eskriba?

Kaya, inilalahad ko sa inyo ang mensaheng ito ngayon at sinasabing: inaasahan ng Panginoon ang bawat tao, ang bawat disipulo na maging isang tagapagturo sa tamang panahon. Layunin nating magsanay sa church na ito na ang bawat isa’y maging disipulo, at sa tamang panahon, na maging isang eskriba. Ito ang responsibilidad natin. Sa 2 Timoteo 2:2, sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo na ang mga bagay na naituro sa kanya, responsibilidad niyang ituro rin sa iba. Ganito dapat ang paraan ng paglago ng church, sa pamamagitan ng isang proseso ng pagpapasa ng katotohanan mula sa isang church patungo sa iba pang church at mula sa isang tao patungo sa iba pang tao hanggang sa mapalago ang church.

At kaya, sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo, ang sarili niyang alagad, na isa nang eskriba sa kaharian ng Diyos, na gumawa ng iba pang mga disipulo. At kaya, mababasa natin:

at ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa harap ng maraming saksi ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat na makakapagturo rin naman sa iba.

Ngayon, tinuturuan ko kayo dahil naturuan din ako, at ang itinuturo ko sa inyo ay inaasahan kong maituturo rin ninyo sa iba, sa tamang panahon. Subalit, sa ngayon, sinasanay kayong maging mga disipulo sa kaharian ng Diyos. Pagdating ng tamang panahon, magiging eskriba kayo sa kaharian ng Diyos; makakayanan ninyong magsanay rin ng iba pang mga alagad para sa kaharian.

Iyon ang church ayon sa Bagong Tipan, mismong nasa modelo ng nasa 2 Timoteo 2:2. Ang taong sinanay o na-train ay ang siyang magsasanay sa iba, at magpapatuloy ang ganitong kaparaanan, matibay na itinatatag ang kaharian ng Diyos. Pero sa panahong ito, pumunta kayo sa mga simbahan at makikita ninyong walang kaalam-alam sa Salita ng Diyos ang mga taong nakaupo roon.

Noong nasa London ako at nag-aaral sa isang teolohiyang paaralan, itinanong minsan ng isang ginang sa akin, “Ano’ng pinag-aaralan mo?” Sinabi ko, “Pinag-aaralan ko ang Salita ng Diyos.” At sinabi niya, “Talaga? Napakaganda niyan. Makinig ka sa akin. Nagmamakaawa ako sa ‘yo na pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos.” Kaya sinabi ko, “Bakit mo ako hinihikayat?”

Sinabi niya, “Dahil mahabang panahon na akong Cristiano, pero hindi ko alam ang Biblia. At dahil hindi ko alam ang Biblia, wala akong silbi sa Diyos.” Naunawaan niya ang punto. Maliban na sinanay kayo na maging isang disipulo ng kaharian, hindi kayo makakagawa ng ibang mga disipulo. Hindi ninyo alam kung paano gagawing disipulo ang iba. Oh, nakikiusap ako sa inyo na unawain ang mga katuruan ng Panginoong Jesus!

Ang ‘Kayamanan’ ay ang Ebanghelyo; ang Katotohanan Nito ay Palaging Luma at Bago

Pero ngayon, kailangan nating umpisa nang magtapos. Balikan natin ang Mateo 13:52 kung saan isinasaad ang bagay na ito tungkol sa eskriba. Mababasa natin dito na inihalintulad ang eskribang ito na sinanay para sa kaharian ng langit sa isang tagapamahala o puno ng sambahayan, na naglalabas mula sa kayamanan niya ng mga bagay na bago at luma. Ano ang kayamanan?

Ang kayamanang nababasa natin sa 2 Corinto 4:7 ay ang Ebanghelyo. Iyon ang kayamanan. Ang sabi ni Apostol Pablo roon:

…taglay namin ang kayamanang ito, sa mga sisidlang-lupa.

Pero hindi iyon ang buong kaugnayan. Naipapasa at naipapahayag ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng ilaw ni Cristo. Kaya sa b.4, sinasabi na tinatawag ito bilang,

ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo.

At ang Ebanghelyong ito ay may kapangyarihang nakakapagpabago. Iyon ang dahilan kung bakit sinabi niyang taglay ang kayamanang ito at ang kapangyarihang ito sa loob ng mga sisidlang-lupa; dahil ang sisidlang-lupa ay mismong ang katawan niya. Kaya, ano ang kayamanan? Ang kayamanan ay ang Ebanghelyo. Mula sa kayamanan niya, nakakayanan niyang maglabas ng mga bagay-bagay na luma at bago.

Ano’ng ibig sabihin ng “luma at bago”? Napakasimple lang! Ang katotohanan ay laging kapwa luma at bago. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na nilikha kahapon. Ito’y luma, pero lagi itong bago. Iyan ang kahanga-hangang bagay tungkol sa katotohanan. Lagi itong may kalidad ng pagiging kapwa luma at bago nang sabay. Kung bago lamang ito, hindi ito magiging katotohanan, dahil hindi lamang bagong-tuklas ang katotohanan; lagi itong katotohanan. Laging buháy at naririto ang katotohanan. Kung ito’y laging bago, hindi ito katotohanan. Kung luma naman ito at lumipas na, pansamantala lamang ito; kung gayon, hindi rin ito katotohanan.

Walang hangganan ang katotohanan. Nagpapatuloy ito nang walang hangganan. Hindi nagbabago ang katotohanan ng Diyos. Nananatili ito magpakailanman. Kung kaya, nakatakda itong kapwa maging luma at bago. Hindi kailanman ito mahihinto sa pagiging katotohanan sa anumang oras sa kasaysayan kayo nabuhay. Ang katotohanan ay katotohanan noon pa mang 2000 BC. Katotohanan din ito sa 2000 AD. Nananatili pa rin itong katotohanan ngayon. Ito’y luma at lagi pa ring bago.

Makikita natin na pambihirang maia-apply ang prinsipyong ito sa mga espiritwal na bagay. Sa 1 Juan 2:7, makikita nating maia-apply ang parehong bagay sa pag-ibig, ang kautusan ng pag-ibig. Mababasa natin sa 1 Juan 2:7,

…hindi bago ang utos na isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na buhat nang pasimula.

Luma na itong kautusan pero bago pa rin ito. Ang sabi ninyo, “Ano’ng sinasabi niya?” Kung ano ang totoo, palagi itong luma at bago. Ganyan kasimple niyon. At kaya, kaya ba ninyong ihayag ang Ebanghelyo sa ganitong paraan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos? Pag-isipang mabuti ito.

Sana’y Magnais Tayong Maging Eskriba ng Kaharian!

Kaya, sa pagtatapos, dapat nating matanto ito. Tinawag tayo ng Panginoong Jesus upang maging mga guro, hindi kinakailangang maging full-time na guro. Sa katunayan, may babala tungkol sa mga taong madaling mithiin ang maging full-time na guro. Ang sabi sa Santiago 3:1, “…huwag maging guro ang marami sa inyo”. Bakit? Kasi, mataas ang antas na hinahanap sa isang guro. Mas mataas ang pamantayan sa isang guro kaysa sa isang disipulo.

Pero, inaasahan niya na makayanang magturo ng lahat, kahit hindi sila mga guro sa church, sa diwa ng pagiging mga pastor o mga mangangaral. Kaya, manalangin tayo na matupad ang mga salitang ito ng Panginoong Jesus, na magnais sana tayong maging eskriba sa kaharian ng Diyos, at sa gayon, upang magabayan din ang mga iba sa daanang patungo sa buhay na walang hanggan.

Tapos na ang Mensahe!

¹Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, Philippines, 2001 sa lahat ng mga bersikulo rito maliban sa nasabing galing sa ².

²Ginamit dito ang: Magandang Balita Biblia, Revised Tagalog Popular Version. Manila: Philippine Bible Society, 2005.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church