You are here

Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa at ng Lebadura

 

Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa at ng Lebadura

(The Parables of the Mustard Seed and the Leaven)

Mateo 13:31-33

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ipagpapatuloy natin ngayon ang ating pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos, gaya ng sistematikong paggawa natin nito linggo-linggo. Ngunit una sa lahat, may isa o dalawa akong puntong nais tapusin sa nakaraang mensahe tungkol sa Talinghaga ng Butil ng Mustasa. Nang nakaraan, ipinaliwanag natin ang Mateo 13:31ss, ang isang talinghagang may malaking kahalagahan dahil ito’y makikita sa tatlong ‘synoptic¹’ na ebanghelyo, iyon ay, ayon kina Mateo, Marcos at Lucas. Nakita na natin kung gaano kahalaga ang larawan ng binhí sa turo ng Panginoon, ngunit may iba pang puntong hindi pa natin nakikita.

Heto ang talinghagang itinuro ng Panginoong Jesus:

Nagbigay siya (si Jesus) sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid. Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa’t ang mga ibon ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.²

At kaya, nagtuturo ang Panginoong Jesus, gaya ng madalas niyang ginagawa, sa pamamagitan ng talinghaga. Siguro’y itinuro niya ang halaman ng mustasa, isang puno nito na nakatayo roon sa bukid para makita ng lahat, at sinabing: “Ang kaharian ng Diyos ay mailalarawan – masdan – sa puno ng mustasang ito. Ito’y inihasik na isang maliit na butil, ngunit tingnan kung gaano ito kalaki!” Sa Palestinya, minsa’y lumalaki ang mustasa nang hanggang 8 o 10 talampakan. Iyan ang dahilan kung bakit maaari itong tawaging puno. Halos doble ng aking tangkad ang 10-talampakan, kaya ito’y maituturing na napakalaking puno na umusbong mula sa isang napakaliit na butil ng mustasa.

Ang Larawan ng Kaharian – Isang Munting Binhi na Lumalaki Hanggang Maging Puno

Sinasabi ng Panginoong Jesus na kung titingnan ninyo itong mabuti, at espirituwal na uunawain ito, naririto ang larawan ng kaharian. Nang inihasik ang kaharian, ito’y inihasik sa mundo bilang isang munting butil. Ano ang inaasahan ninyo sa isang munting butil? Inaasahan ninyo ang isang munting halaman! Ngunit sa halip nito, may isang malaking halaman kayo na lumalaki hanggang puno. Sa totoo lang, ang mustasa ay hindi isang puno. Ito’y isang ‘herb’ o damong-gamot. Ito’y isang gulay. Pero ito’y lumalaki hanggang sa sukat ng isang puno. Anong tangkad nito! May kabilisan din ang paglaki nito. Kaya, ito’y isang larawan ng uri ng ‘life power’ o kapangyarihang pambuhay na nasa loob ng munting butil, na kayang makapagpabunga ng isang napakalaking halaman.

Sinasabi ng Panginoong Jesus na mula rito, maaari kayong makakuha ng larawan ng kaharian. Tulad din ng sinabi ko noong nakaraan, kapag tiningnan ninyo ang Talinghaga ng Darnel at ng Trigo, kapag nakita ninyo ang magkahalu-halong kalagayan sa kaharian ng Diyos ng mabubuti’t masasama, medyo panghihinaan kayo ng loob. Nagtaka kayo kung may kinabukasan pa ang kaharian ng Diyos. At ibinigay sa atin ng Panginoong Jesus ang talinghagang ito para sabihing, “Nariyan ang kapangyarihan ng Diyos! Kahit na mukhang maliit ang gawain, kahit na mukhang maliit ang butil, isang dakilang gawain ang kalalabasan nito.” Gaano kadakila kaya lalaki ang gawaing ito? Sinasabi niyang kahit na ang mga ibon sa himpapawid ay darating at mamumuhay rito. Ang mga ito’y mamumugad sa mga sanga ng halaman ng mustasa.

Isang Propetikong Talinghaga – Ang Dakilang Kaharian ng Mesias

Sa paggamit ng larawang ito, agad niyang ibinabaling ang ating pansin sa Lumang Tipan dahil sinasadya niyang gamitin ang lengguahe ng Lumang Tipan dito. Ano ang lenguaheng ito ng Lumang Tipan? Kung titingnan sa Ezekiel 31:3-14 o Daniel 4:10-12, mapapansin ninyo na ang mga makamundong kaharian ay inilalarawan bilang malalaking puno, kung saan namumugad ang mga ibon ng himpapawid, at nakikililim naman ang mga hayop. Ngunit ang partikular na sanggunian natin ay sa Ezekiel 17:22-24 at partikular na interesado tayo sa mga bersikulong ito dahil, sa totoo lang, tinutukoy nito ang kaharian ng Mesias, ang kaharian ng Cristo. Mababasa sa Ezekiel 17:22-24:

Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS³: “Ako mismo ay kukuha ng suwi mula sa dulo ng mataas na sedro at aking itatanim. Sa pinakamataas ng kanyang sariwang sanga ay puputol ako ng supling, at aking itatanim sa isang mataas at matayog na bundok. Sa kaitaasan ng bundok ng Israel ay aking itatanim iyon (ang Israel kung gayon ang bundok na ito), upang ito’y magsanga at magbunga, at maging mainam na sedro, (pansinin ang mga salitang ito) at sa lilim niyon ay tatahan ang lahat ng uri ng hayop, at sa lilim ng mga sanga niyon ay magpupugad ang lahat ng uri ng ibon. At malalaman ng lahat ng punungkahoy sa parang na akong PANGINOON³ ang nagbaba sa mataas na punungkahoy, nagtaas sa mababang punungkahoy….”

Nais kong partikular na pansinin ninyo ang mga salitang, “nagtaas sa mababang punungkahoy”. Ang halamang mustasa, tulad nang nakita natin, ay di-talagang matatawag na puno, ngunit ito’y lumalago upang maging isang puno. Kanyang itinataas ang mga mabababang bagay, ang mga mababang puno. Ipagpatuloy natin ang pagbabasa:

“…tumuyo sa sariwang punungkahoy, at nagpanariwa sa tuyong punungkahoy: Akong PANGINOON ang nagsalita at gagawa niyon.”

Ngayon, para bang, sa pagtukoy rito ng pagtataas ng isang mababang puno sa propesiya, tinutukoy ng Panginoong Jesus ang puno ng mustasa, na masasabing pinakamababa sa lahat ng uri ng punong maiisip ninyo. Ang sedro [cedar], sa katunayan, ay isang matatag at matayog na puno. Ang pulang sedro, halimbawa, ay isang puno na napakatibay, at kaya, ito’y nagiging isang lubhang mabuting kahoy – malakas ang resistensya nito laban sa tubig, káya nitong matagalan ang kabulukan; atbp. Pero, kumpara sa sedro, ang mustasa na ang pinakamababang puno. Ito’y palaging ganito. Kinukuha ng Panginoon ang mga mabababang bagay at itinataas ang mga ito. Kinukuha ng Diyos ang mga hangal na bagay at ginagamit sa paglilito sa mga matatalino. Palaging ganito ang prinsipyo niya.

Nang dumating ang Panginoong Jesus sa Jerusalem, hindi siya sumakay sa isang Arabian charger, isang maringal na kabayo, tulad ng napansin ng maraming nangangaral. Siya’y sumakay sa isang asno, ang mas mababang uri ng transportasyon. Dito, nakita natin na nangyayari ang parehong bagay. Sadyang itinuturo ng Panginoong Jesus tayo sa sanggunian sa Ezekiel, at nilagyan niya ito ng kaibhan upang maipakita ang kalikasan ng kaharian sa kasalukuyang panahon.

At kaya, ano’ng tinutukoy ng mga ibong nananahan sa mga sanga? Kung titingnan ninyong mabuti ang mga sangguniang ito, makikita ninyo, halimbawa sa Ezekiel 31:6, na ang mga ibon sa mga sanga ay ang malalaking bansa. Sinasabi sa atin ng Ezekiel 31:6 na ang mga ibon at mga hayop ay kumakatawan sa lahat ng malalaking bansa sa mundo. Kaya, hindi tayo iniwanang nanghuhula kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. Naroong lahat ang mga susi, iyon ay kung alam ninyo ang Salita ng Diyos. Ang larawan, kung gayon, ay ang kaharian ng Diyos, na nagsimula sa mumuntî at di-mahahalagang pasimula, na naging isang napakalaking kapangyarihan sa mundo, at kaya dumayo roon ang mga bansa upang manahan sa lilim nito.

Ngayon, siyempre, habang ito’y pinapakinggan ng mga disipulo, kailangan nilang tanggapin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Wala pa silang katuparang nakikita. Wala pang malaking bansa na nananahan sa lilim ng kaharian. Sa yugtong iyon, ang kaharian ay yaong butil ng mustasa; ito’y walang halaga. Walang gaanong pumapansin dito. Nayanig nito pansamantala ang mga tao sa Palestinya, pero hindi nagbigay ng anumang pansin ang ibang mga bansa ng mundo sa kaharian ng Diyos. Ngunit nabubuhay tayo sa isang panahon kung saan tayo’y mga saksi sa katuparan ng mga itinuro ni Jesus. Sinabi niya na: “Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.” [Mateo 24:35] Nakikita natin na ang kanyang mga salita’y di-lumilipas. Kailangang tanggapin ng mga alagad ang mga salita ni Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya. Paano nila malalaman kung totoo ang kanyang sinasabi na balang araw, ang malalaking bansa ng mundo ay lililim sa mga sanga ng kaharian ng Diyos? Ngunit nakikita natin na ang sinabi niya ay totoo. Sa panahon ngayon, ang malalaking bansa ng mundo – iyon ay, marami sa mga pinakamalalaking bansa – ay lumililim sa mga sanga ng punong ito. Ipinapahayag nila na sila’y mga Cristianong bansa.

Nagsasamantala at Kumukuha ng mga Benepisyo ang mga Ibon Mula sa Kaharian ng Diyos

Nakakawili – itong larawan ng mga ibon. Huwag ninyong kakalimutan na ang agila ay itinuturing na isang sagisag ng Estados Unidos. Ang dobleng agila ay kadalasang nagiging sagisag ng Germany. Isa man o doble, ang agila ay nakikita sa mga sagisag ng Germany. Kaya, kataka-taka na maraming bansa ang gumagamit ng mga ibon upang lumarawan o kumatawan sa kanila. Ito ang mga bansang lumilim o nanirahan sa lilim ng punong ito. Hindi ito nangangahulugan na sila’y mga tunay na Cristiano. Napakahalagang mapansin ito.

Ang halamang mustasa ay ang kaharian. Ang mga sanga ng halamang mustasang iyon ay kumakatawan sa mga Cristiano. Ang ‘sanga’ ay karaniwang katawagan sa mga Cristiano sa Biblia, tulad ng alam ninyo, sa Juan 15:2,4,5, atbp. “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga.” Tayo’y mga sanga, maging sa larawan ng puno ng ubas, o tulad ng nasa Roma 11:17-24, bilang mga sanga ng puno ng olibo. Sa anumang kaso, alinmang puno, si Cristo ang pangunahing katawan o ugat, ang pundasyon ng punong iyon, at ang mga sanga ay ang mga Cristiano.

Kaya, ang mga ibong ito ay hindi bahagi ng puno – sila ay hindi bahagi ng kaharian ng Diyos – ngunit sila’y kumukubli o nakikisilong dito. Sinisikap nilang makakuha ng pakinabang o ng mga benepisyo mula sa kaharian ng Diyos, na ibang paraan ng pagsasabi na ang impluwensiya ng kaharian ng Diyos ay naging napakamakapangyarihan. Ang mga turo ni Cristo ay naging laganap sa buong mundo kaya nakikita ang pagkukublihan ng mga bansa sa mga turong ito, sa lilim nito, kahit na hindi nila sinusunod ang mga katuruang iyon. At kaya, ipinopropesiya ng Panginoong Jesus kung ano’ng mangyayari. Ito ang nakakagulat na bahagi, ngunit tulad ng sinabi ko noong nakaraang linggo, ito’y isang talinghaga na nagpropropesiya; sinasabi nito kung ano’ng mangyayari.

Ngunit hindi lang iyon ang naroroon sa talinghaga. Hindi pa iyon ang wakas ng pinag-uusapan, dahil pumapatungo pa ang propesiya hanggang sa panahon na ang kaharian ni Cristo’y mamamahala sa buong mundo. Mamamahala ang kaharian ni Cristo sa mundo at mapapasa-ilalim niya ang bawat bansa. Napropesiya na ito sa Daniel 2:35, halimbawa, sa larawan ng malaking bato, “…ang bato… ay naging malaking bundok at pinunô ang buong lupa.” At nakita natin ang parehong bagay sa Bagong Tipan, sa Apocalipsis 11:15, kung saan ang mga dakilang salita ng anghel ay naihayag: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging mga kaharian ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo”.

Darating pa ang Buong Kaganapan ng Mga Bagay na Ito

Ngayon, dapat ninyong tanggapin iyon sa pamamagitan ng pananampalataya, ‘di ba? Hindi pa ninyo ito nakikitang naganap, ‘di ba? Ngunit tandaan ito: na ang sinabi niya noong unang pagdating niya’y totoo at naganap. Kaya hangal ang taong hindi pa natatanto na ang pinakahuling pagganap ng mga salitang ito, na parating pa lang, ay magaganap din. Kapag pumarito muli si Jesus, “Luluhod,” sinasabi ni apostol Pablo sa Filipos 2, “ang bawat tuhod sa kanya. Ihahayag siya ng bawat dila bilang Panginoon.” [b.10-11] Titipunin ang lahat ng bansa sa ilalim ng kanyang paghukom. Pamamahalaan niya ang mga bansa sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal. Ito ang ibinibigay na babalâ sa atin ng Biblia. Bawat isa sa atin ay haharap, tulad ng sinasabi ni Apostol Pablo, sa hukuman ni Cristo. [2Corinto 5:10] Ang una niyang pagparito ay bilang Tagapagligtas; ang ikalawa’y bilang Hukom.

Kaya, dito nakikita natin ang sitwasyon: ang lahat ng ito’y napropesiya sa maikling talinghagang ito, na napakalinaw na naihayag sa larawang nasa Lumang Tipan. Napakalinaw nito sa sinumang nakakaunawa ng Lumang Tipan. Walang anumang problema sa pag-unawa ng talinghagang ito. Natagpuan natin – at heto ang kagandahan nito – na ang malaking bahagi ng talinghagang ito ay naganap na. Tayo ay nabubuhay sa isang may-pribilehiyong posisyon, dahil tayo’y nasa ika-20 siglo at nakikita ng ating mga mata ang kaganapan nito. Ngunit, siyempre, noon pang ika-4 na siglo, nakita na ng mga Cristiano na naganap ito nang ibinaba ng malakas na Emperyong Romano ang espada sa harap ng iglesya (bilang pagsuko). Ang bansang iyon na di-masakup-sakop ng anumang bansa sa mundo ay nasakop ni Cristo nang hindi man lang bumubunot ng espada. Inihayag ng dakilang bansang ito, sa ilalim ng pamumuno ni Constantino, ang unang Cristianong Emperador ng Roma, ang pagsuko nito kay Cristo at inilagay ang bansa sa lilim ng puno ng mustasa.

Kahanga-hanga ito. Mula ng panahong iyon, nakita natin na sunod-sunod na mga bansa – wala pa noon ang Amerika’t Alemanya – ang lumapit para manahan sa lilim ng puno ng mustasang iyon. Ito’y kapansin-pansin. Ang puno ng mustasa – ano ang kahanga-hanga sa puno ng mustasa? Wala naman! May mga malalakas na puno sa mundo, ngunit ang puno ng mustasa ang siyang nagtatagumpay. Gayon ang kahanga-hangang kapangyarihan ng Diyos! Dapat makita ng sinumang may matang nakakakita, kahit na siya’y di-Cristiano at di-kumikilala sa pagka-Panginoon ni Cristo, ang di-karaniwang pagsulong ng kaharian ng Diyos, ang di-karaniwang paglago ng butil ng mustasang ito na nagtatagumpay nang hindi man lang bumubunot ng espada, at ang pagsilong ng mga malalaking bansa sa lilim nito.

Nais ko muling ipaalala sa inyo at idiin ang katotohanang ito sa inyong atensiyon, na yamang ang mga sinabi niya ay kapansin-pansin nang nagkakatotoo hanggang sa araw na ito, hayaang sabihin ko rin sa inyo na hindi kailanman mabibigo ang kanyang mga salita. Hindi kailanman mabibigo! Alam nating mga lumalakad kasama ng Panginoon na ang kanyang mga salita ay di-kailanman nabibigo. Darating pa ang araw kung kailan ang bawat bansa – may ilan pang bansang di-kumikilala ng kanyang pagka-Panginoon sa ngayon – ay yuyuko sa ilalim ng kanyang dakilang kapangyarihan. “Mamamahala ang kanyang kaharian sa bawat bayan saanman,” tulad ng inawit ni Wesley, “at sa kanyang kaharian, ang araw ay di-lulubog kailanman.” Ang kanyang kaharian ay mamamahala sa lahat ng dako. Parating pa lang ang araw na iyon, tulad nang pagsasakatuparan ng kanyang mga sinabi.

Ngunit, gaya ng nasabi ko, walang anumang nakita ang mga alagad, kundi ang pakinggan lamang ito nang may pananampalataya, dahil nang mga panahong iyon, sino ba si Jesus? Isang karpintero lang na gumagala sa Palestinya, sinasabi ang lubhang malalaking salitang ito. Wow! Wow! Ano ito? Ang sasabihin nila: “Sino ba siya?” “Ang buong mundo ay mapapasailalim ng kanyang kaharian? Ang ibig kong sabihin, lubha yatang malaki ang kanyang ulo! Lubha yatang mayabang siya! Nawala na siya sa katuwiran. “Tingnan ang maliit na grupo ng 12 alagad na sumusunod sa kanya sa kung saan-saan.” “Ang mga pinuno ng mga bansa, mga pang-relihiyong pinuno, mga pang-pulitiko’t pang-lipunang pinuno – wala ni isang tumatanggap sa kanya! At sa huli’y namatay ang kaawa-awang taong ito sa krus. Nasaan ang kanyang kaharian?” “Ibig mong sabihin, ang malalaking bansa ng mundong ito’y mananahan sa lilim ng iyong puno na tulad ng mga ibon? Kaibigan, nakainom ka ‘ata. Sumobra yata ang iyong nainom.”

Sa pamamagitan ng pananampalataya? Posible bang magkatotoo ang kanyang mga sinabi? Ngunit tingnan! Hindi nabigo kailanman ang mga salita ni Jesus. Siya ang nangahas na magsabing, “Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.” Tunay na ito ang Anak ng Diyos! Di-kapani-paniwala! Sino ang kayang mangahas na pangunahan tayo sa pagsabi ng mga bagay na ito at mapatunayang mali? Hayaan ang sinuman na subuka’t patunayang mali siya. “Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan?” “Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin ng pagsasabi ng mali?” [Juan 8:46]

Iyon ang uri ng bagay na nangahas na sabihin ng Panginoong Jesus kahit na kanino. At paulit-ulit na pinatunayan ng kasaysayan na tama ang kanyang mga salita! “Unawain kung gayon,” ang sabi niya sa kanyang mga alagad, “ang aking kaharian ay susulong, hindi sa pamamagitan ng espada.” May mga ideolohiya at relihiyon na sinubukang sumakop sa pamamagitan ng binunót na espada. Alam natin iyon. Buong mga bansa ang nalupig sa pamamagitan ng baril. Hindi kailangan ni Jesus iyon. Hayun sila – sinusubukan nilang panghawakan ang kanilang mga alipin gamit ang parating nakatutok na baril, dahil sa takot na kapag inalis nila ito, magrerebelde ang mga alipin. Kaya, kailangang gapiin ang mga ito sa pamamagitan ng baril.

Walang ginagawang ganito si Jesus. Sinasakop niya ang lahat, tulad ng nakita ni Napoleon. Nang matanto ni Napoleon ito, sinabi niyang, “Ako’y sumakop sa pamamagitan ng espada, sa pamamagitan ng mga hukbo, ng mga sundalo. Nasakop ko ang malaking bahagi ng mundong ito, ngunit kailanma’y di-bumunot ng espada si Jesus.” Hanggang sa kasalukuyan, umabot ang kanyang kaharian ng libu-libong taon, higit sa 1,700 o 1,800 hanggang sa panahon ni Napoleon. Kaya, ating natagpuang ito’y tunay na kahanga-hanga – ang salita ni Cristo at ang kaganapan nito.

Ang Bawat Dakilang Kilusan ay Nagsimula sa Minorya ng Isa

Kaya, ating nakikita na binibigyan tayo ng Panginoong Jesus ng lakas ng loob. Tulad ng nakita natin sa nakaraang Talinghaga tungkol sa mga Darnel sa Triguhan, muntik na tayong panghinaan ng loob. Inisip natin, “O, kung ito ang kaso sa kaharian ng Diyos, kung may ganoong karaming katiwalian sa loob ng kaharian ng Diyos, ano pang pag-asa natin? Ano ang kinabukasan ng kaharian?” Ngayo’y sinasabi ng Panginoon, “May napakalaking [pag-asa]. Ang mga layunin ng Diyos ay matutupad sa lupa! Ang aking mga layunin ay di-magagapi.” At sinabi niya, “Nais kong tandaan ninyo ang isa pang bagay. Kahit na ang mga simula ng gawain ng Diyos ay laging mumuntî, huwag kailanman hahamakin ang araw ng maliliit na bagay. Gagawa ang Diyos ng mga dakilang bagay.”

Ang bawat dakilang gawain ay nagsimulang maliit. Nakikita ng kahit na mga di-Cristianong philosopher ito. Sinabi minsan ni Thomas Carlyle, ang ‘British thinker,’ “Ang bawat malaking kilusan ng mundong ito’y nag-umpisa sa minorya ng isa.” Ngayon, isipin ninyo ito. Kahit na ang makamundong tao ay matalino at nauunawaan iyon. Ang bawat malaking kilusan ng mundong ito’y nag-umpisa sa minorya ng isa. At iyon ay totoo. May natutunan siyang isang bagay mula sa kasaysayan. Tumayo ang isang Alexander the Great at nagapi niya ang mundo. Tumayo ang isang Caesar at sinakop niya ang mundo. Isang tao! Ngunit ang ibang tao nama’y nagbigay ng mga ideya. Sinakop ni Confucius ang Tsina sa pamamagitan ng ideya ng ‘Confucianismo,’ na isang pagtuturong moral na malapit nang maituring na pilosopiya, ngunit hindi isang relihiyon. Namuhay ang buong Tsina sa ilalim ng mga turo ni Confucius sa loob ng maraming taon, at, sa maraming paraan, ito’y nakabuti sa mga Tsino. At maraming pang halimbawa.

Sa kasaysayan ng iglesya, may ganito ring mga pangyayari. Muli’t muli, may mga nag-iisang tao ang nanindigan at nagsalita kaharap ang buong mundo. Siya ay hinatulan, inusig, kinamuhian, ngunit dahil gumagawa ang kapangyarihan ng Diyos, siya ay nagwagi. Hindi ba kamangha-mangha iyon? Halimbawa’y si Luther. Isang tao na nanindigan at kinaharap ang makapangyarihang Iglesya Romano sa panahong iyon: ang Banal na Emperyong Romano. Nag-iisang tao! Isang dukha’t di-kilalang tao na nagngangalang Luther! Sino ang nakarinig na sa kanya bago noon? Siya’y nanindigan at nangusap gamit ang Salita ng Diyos. Sinabi ng iba, “Maaari kayang maging tama ikaw, na iisang tao, samantalang ang buong Iglesya ay mali? Hindi mo ba narinig na ang Santo Papa ay hindi nagkakamali? Infallible siya! Ibig kong sabihin, kahapon ka lang ba ipinanganak? Mangmang ka ba?” Ngunit nanindigan siya at nagsabi ng katotohanan, ipinahayag ang Salita ng Diyos. Sa kasalukuyan, natanto kahit na ng Iglesya Katoliko, sa wakas, na tama pala si Luther sa maraming punto. Tama pala siya. At dahil doon, mula ng Vatican II, sinubukan na nilang makipagkasundo. Walang mangangahas na makipagkasundo maliban sa kung matanto nila na siya pala’y tama, sa maraming punto. Nanindigan ang isa!

Noong ika-18 na siglo, tumayo si John Wesley sa harap ng katiwalian ng Iglesyang Anglikano ng panahong iyon at ipinangaral ang kabanalan. Isang tao laban sa buong Iglesya! Hindi siya pinayagang mangaral sa mga iglesya. Ni hindi siya pinayagang mangaral kahit sa iglesya kung saan naging ministro ang kanyang ama, at siya mismo’y naordenahang ministro ng Iglesya ng Inglatera. Hindi siya pinayagang mangaral saanman. Para bang hinatulan siyang manahimik ng Iglesya. Tumayo siya sa mga bukid at nangaral. Tumayo siya sa kalsada at nangaral doon, dahil hindi siya pumayag na manahimik. Isang tao laban sa buong mundo! At gaano kadalas siya inatake: “Wesley, sino ka ba sa akala mo? Akala mo ba’y ikaw lang ang nag-iisang tama at ang buong Iglesya ay mali? Sino ka ba sa akala mo? Napakamapagmataas mo para paniwalaan.” Hinusgahan siya ng lahat. Nagpatuloy siyang mangaral dahil nag-aalab sa kanyang puso ang mensahe ng Diyos tungkol sa kaligtasan at kabanalan!

Sa kasalukuyan, ang ‘Methodism,’ na ipinahayag ni Wesley sa panahong iyon, ay lumaganap na sa buong mundo. Ano ang nangyari? Ang Iglesya ng Inglatera sa ngayon ay nakikipagkasundo sa Iglesyang ‘Methodist.’ Nais nilang magkaisang muli. Bakit? Ito’y dahil kailangan nilang aminin na ang mga ‘Methodist’ ay tama. Muli’t muli, sa kasaysayan ng mundo, isang butil ng mustasa, isang maliit na gawain ng Diyos ay naitataguyod hanggang lumaki. Siyempre, ang mga naunang araw na iyon ay palaging malulungkot, mga araw na kayo’y uusigin, pipintasan, o huhusgahan, tulad ng palaging dinanas ni Wesley o ni Luther, o kahit na sino pang nais ninyong banggitin na mga tao ng Diyos. Ngunit mula sa maliit na butil ng mustasang iyon, lumalago ang isang dakilang gawain ng Diyos.

Kaya, huwag matakot na nasa minorya kayo. Nagsasalita ang mga tao ng Diyos dahil nag-aalab ang apoy sa puso nila. Tulad ng sinabi ni Luther, “Ako’y naninindigan dito.” Nang sinabihan siyang bawiin ang kanyang itinuro, kundi’y matitiwalag siya sa Iglesya, sinabi niyang: “Heto akong naninindigan; wala na akong ibang magagawa. Hindi ko makakayang tanggihan ang aking konsensiya sa harap ng Diyos. Kung anong inilagay ng Diyos sa aking puso, kailangan kong sabihin ito. Maaari ninyo akong itiwalag mula sa Iglesya. Maaari ninyo akong patayin kung gusto ninyo. Ngunit heto ako: naninindigan dito, wala na akong ibang magagawa.” At tayo’y nagpapasalamat na siya’y nanindigan, ‘di ba? Ngunit ang mga ito ang nagbayad ng halaga. Kailangan nilang mahulog sa lupa at mamatay, upang lumabas ang isang tanim na nagbibigay luwalhati sa Diyos.

Ang Kaharian ng Diyos ay Kakalat sa Buong Mundo

Kaya, tulad ng ating nakita nang nakaraan, ang Panginoong Jesus ay nag-iisa. Kinalaban siya ng lahat ng pinuno ng bansa. Lahat ng uri ng mga pinuno! Kumalaban sa kanya ang mga iskolar sa Biblia, mga eskriba, at lahat ng iba pa. Ang mga eskriba ay ang mga taong may malaking kaalaman sa Biblia. Tinatawag din silang mga abogado, na mga iskolar sa Biblia. Hindi sila mga abogado sa diwa ng panahon ngayon, kundi sa pang-Lumang Tipang Utos. [Bihasa sila sa kautusan ng Diyos.] Kaya, kanilang sinasabi, “Maaari ka bang maging tama kung kinakalaban ka ng mga teologo [mga taong nag-aral ng mga bagay-bagay ukol sa Diyos]? Tingnan ito!” Sa palagay ko, siguro yaong maliit na grupo ng tao na sumusunod sa kanya ay may di-kapani-paniwalang katapangan sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Ngunit tingnan kung ano’ng nangyari. Namatay si Jesus; muli siyang nabuhay! Ang halamang mustasang ito’y umusbong, at tingnan!

Sa kasalukuyan, lumililim ang mga bansa sa kanyang mga sanga. Sa ngayon, sa Canada, sa Estados Unidos, sa Alemanya, kahit saanman kayo naroroon, sa isang korte ng batas, ano’ng kanilang inilalabas? Isang Banal na Biblia! Sumusumpa kayo sa Ngalan, o sa Salita, ng Diyos! Lahat sila ay nais na manahan sa lilim ng puno ng mustasa. At darating ang araw, tulad ng sinabi ko, purihin ang Diyos para roon, na ang lahat ng bansa ay mapapasa-ilalim ng kanyang pamamahala. Hindi lang sa diwa nito sa kasalukuyan, ngunit sa pagbabalik ni Jesus, siya ay mamumuno. Ngayon iyo’y kailangan ninyong tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. Pero sa palagay ko, kung may sapat kayong pag-iisip, makikita na ninyo kung ano’ng mangyayari. Tulad ng kung ano ang sinabi niyang totoo noon, ito’y magiging totoo muli. Tulad nang napropesiya na siya’y darating sa unang beses, siya’y darating muli sa ikalawang pagkakataon. Hayaang manuya ang mga mangungutya, ngunit sa Araw na iyon, sila’y luluhod tulad ng lahat at ipapahayag siya bilang Panginoon.

Kaya, ang nakikita natin sa kahanga-hangang talinghagang ito ng turo ng Panginoon ay ang paglaganap ng kaharian ng Diyos sa buong mundo. Ngunit pansinin ngayon ang ganap na pagka-balanse ng turo ng Panginoon. Baka-sakaling masyadong matuwa’t magsaya ang kanyang mga alagad tungkol sa lahat ng ito, at sabihing: “Yehey, ang aking Panginoon ay maghahari sa iba’t ibang bansa. Ang araw ay hindi lulubog sa kaharian ng Diyos, at kami’y mamumunong kasama niya.” Wow! Tunay na nagsisimula na tayong magsaya. Iyan ay totoo, ngunit babalansihin ng Panginoon ang sitwasyon at iya’y nasa kasunod na talinghaga.

Ang Talinghaga ng Lebadura o Pampaalsa [Leaven]

Ano ang sumunod na talinghaga? Ang nilalaman ng sumunod na talinghaga ay ganito: “Ang kaharian ng Diyos ay lalaganap sa panahong ito sa buong mundo.” “Ngunit hayaang sabihin ko sa inyo ang iba pang bagay,” ang sabi ng Panginoong Jesus, “ang mundo ay lalaganap din sa iglesya.” “Ngayon,” ang sabi niya, “mag-ingat kayo sa bagay na ito.” Sa pag-abot ng kaharian sa mundo, ang resulta’y ang pag-abot ng mundo sa iglesya. Nakita rin ng Panginoong Jesus na mangyayari ang lahat ng ito. At gaano ito katotoo, tulad ng nakita natin, kung saan ang iglesya ay nagiging makamundo. Ang iglesya ay naiimpluwensiyahan ng mundo sa maraming paraan. Pumapasok sa iglesya ang mga ideya ng mundo, ang pamamaraan ng mundo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kaya, ito’y nagbubunga sa isang sitwasyon kung saan pumapasok ang isa sa isa. Naghahalo ang mundo at ang iglesya. Seryoso tayong binababalaan ng Panginoong Jesus tungkol dito.

Kaya, dito’y may isa pa tayong talinghaga na nasa iisang bersikulo. O, gaano karami ang masasabi ng Panginoong Jesus sa isang bersikulo! Karamihan sa ati’y nangangailangan ng maraming panahon para sabihin lamang ang isang bagay, ngunit kaya niyang sabihin ang lahat sa isang taludtod. Ito’y talagang kahanga-hanga. Ang problema nga lang ay para mailabas ang lahat ng yaman na nasa nag-iisang bersikulong iyon, kailangan ninyong napakaraming sabihin. Kung hindi, maaari ninyong basahin ang taludtod na iyon nang walang nakikitang anupaman. Ano ang nakikita ninyo sa taludtod na ito? Ano ba mismo ang kahulugan nito?

Tingnan natin ang Mateo 13:33:

Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: "Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalod sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa."

Kaya, sinasabi ni Panginoong Jesus, “Nakikita ba ninyo ‘yon? Ibaling ang mata ninyo sa bakurang iyon. Nakikita ba ninyo ang babaeng iyon doon?” Sinabi ng mga alagad, “Oo, nakikita namin ang babae.” “Nakikita ba ninyo na siya ay nagmamasa ng harina?” “Oo, nakikita namin na ginagawa niya ‘yon.” “Ano ang kanyang gagawin? Siya ay gagawa ng isa o maraming piraso ng tinapay, o di kaya’y ilang keyk.” “Oo, nakikita namin iyon.” “Nakikita ba ninyo ang ginagawa niya ngayon? Siya ay kumuha ng maliit na takal ng lebadura4, at ibinaon niya ito sa harina. At ano’ng ginagawa niya ngayon? Nagmamasa siya ngayon ng harina, upang ibaon ang lebadura sa harina at mapaalsa ito.”

Sa panahon ngayon, may harina na may halo nang pampaalsa [self-raising flour]. Naroon na sa loob ng harina ang lebadura. Ngunit noong araw, wala silang ganoon. At kahit na sa panahon ngayon na may ‘self-raising flour na, mas gusto ng maraming tao ang gumamit ng lebadura, para mas maganda ang resulta. At kaya, ang nangyayari ay inihahalo nilang mabuti ang lebadura sa harina upang mapaalsa ito. Tapos, ilalagay ninyo ito sa isang medyo-mainit na lugar, hindi masyadong mainit, hindi masyadong malamig. Alam ng ilan sa atin na nakagawa na ng tinapay kung paano ito. Nagawa ko na ito noon. Minsan-minsa’y gusto kong kumain ng tinapay na tinatawag na ‘wholemeal,’ kaya sarili akong gumagawa nito. Ihinahalo ko ang lebadura sa harina. Tapos, inilalagay ko ito sa isang medyo-mainit na lugar at nakikita ang pag-alsa ng buong harina. Ano’ng nangyayari? Ito’y napupuno ng hangin – iyon lang! Lumalaki’t lumulobo ito at nagiging maganda’t malambot, tapos nabibiyak sa tuktok, samantalang malambot sa loob. Tapos meron na kayo ng isang ‘loaf’ ng napaalsang tinapay.

At kaya, nakikita natin na sa pamamagitan ng talinghagang ito, ipinapakita ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad ang ilang dakila’t mahahalagang espirituwal na turo. Ngayon, ano ang espirituwal na turo? May dalawang pangunahing paraan lamang upang maunawaan ang talinghagang ito. Kaya magsisimula ako ngayon sa pagpapaliwanag ng talinghagang ito mula sa simula. Ano ang dalawang paraan?

Paano Maiintindihan ang Talinghaga ng Lebadura?

Ang unang paliwanag ay ganito: Ang lebadura ay ang gawâ ng Diyos at ang tinapay ay ang mundo, at kaya, ito’y simpleng naging isa pang larawan ng butil ng mustasa. Ang iglesya ay ang lebadura na kumikilos sa loob ng mundo, ang tinapay, at ang impluwensiya ng iglesya ay lumalaganap sa buong mundo. Kung ito ang larawan, siyempre, inuulit lamang nito ang sinundang talinghaga at walang anumang itinuturo rito na hindi pa natin natututunan sa nakaraang talinghaga. Sinasabi lang nito na ang impluwensiya ng iglesya ay kakalat sa mundo at ang mundo ay buong maaapektuhan sa isa o ilang paraan ng lebadurang ito, at kakalat ang iglesya sa mundo. Pero, gaya ng sinabi ko, nakita na natin ito sa nakaraang talinghaga.

Higit pa rito, kung iyon ang kahulugan nito, hindi man lang ito kasing-liwanag ng nakaraang talinghaga dahil hindi nito sinasabi sa atin kung ano ang talagang kahulugan sa pagsabing ang impluwensiya ng iglesya ay lalaganap sa mundo. Sa anong paraan ito lalaganap sa mundo? Ang buong larawan ay masyadong di-tiyak. Wala tayong tunay na mga kahulugan. Ano ang ibig sabihin ng ‘impluwensiya ng iglesya’? Ano ang tinatawag na ‘impluwensiya’? Ito ba’y impluwensiyang espirituwal? Moral? Ito ba’y literal at pisikal na impluwensiya kung saan ang iglesya ay lalaganap sa mundo, matatamasa at magkakaroon ng kontrol sa mundo? O baka naman kumbinasyon ng mga ito? Ngunit kung kumbinasyon ng lahat ng ito ang tinutukoy, kung gayon, maaaring hindi ito tama, kasi, ang impluwensiyang espirituwal ay hindi laganap ngayon sa mundo. Kaya, may problema tayo rito, dahil ito’y masyadong malabo.

Ang isa pang paraan na maipapaliwanag ito ay: ang mundo ang lumalaganap sa iglesya. Naipahiwatig ko na ito ang magiging tunay na paliwanag sa talinghaga. Kailangang ibigay ko sa inyo ang dahilan; hindi ko inaasahan na dapat tanggapin na lamang ninyo nang ganoon lang ang aking salita rito. Kahit na tanggapin ninyo ang aking salita rito, hindi ko nais na gawin ninyo ito, dahil ayaw kong tanggapin ninyo ang Salita ng Diyos dahil lamang sa ito’y sinabi ko, kundi ang malaman ninyo bakit ang Banal na Kasulatan ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ay nagsaad kung ano’ng sinasaad nito. Ano ang ebidensya sa pahayag na ito?

Kailangan kong sabihin sa inyo mula sa simula pa na pinipili ng halos lahat ng pangkasalukuyang komentarista ang unang pananaw, na, sa katunayan, ito’y isang pag-uulit lamang ng nakaraang talinghaga: ang iglesya’y lumalaganap sa mundo. Kung hiningan ng anumang paliwanag sa dahilan ng ganitong pananaw, ang mga dahila’y di-kapani-paniwala. Simpleng sinasabi na ito’y sumusunod lamang sa nakaraang talinghaga, na parang isang uri ng ebidensiya na ito. Nakita na nating madalas na ang sumunod na talinghaga ay kadalasang nagpapakita ng kabilang panig ng katotohanan ng turo ng Panginoon. Hindi lamang ito inuulit. Sa katunayan, wala tayong talinghaga na umuulit lamang sa sinundang talinghaga nito sa turo ng Panginoon.

Ang pangalawang dahilan na ibinigay – dadalawang dahilan lang ang natagpuan ko sa mga komentarista – ay isinulat ni Fritz Reinecker, isang Alemanyang komentarista at iskolar, sa kanyang Alemanyang komentaryo na tinatawag na Lukas. Heto ang ibinigay niyang dahilan: “Ito’y isang lubhang nakakaginhawang pangako.” Sa ‘exegesis’ o pagpapaliwanag, hindi ninyo maaaring sabihin na, “Mas gusto ko ang pananaw na ito dahil ito’y nakakaginhawa.”

Pansinin na ang ikalawang pananaw ay di-nakakaginhawa: ang alternatibong pananaw na kung saan ang impluwensiya ng mundo ay pumasok na sa iglesya. Ngayon, iyan siyempre ay di-nakakaginhawang isipin. Hindi dapat nakabase ang paliwanag natin sa kung ito’y kumportable o di-kumportable. Ibig kong sabihin, ano’ng uri ng dahilan ito? Ipinaliwanag ni Reinecker ito bilang isang nakakaginhawang pangako sa pag-unlad ng kaharian, ngunit ang nakakaginhawang pangakong ito ay naibigay na sa sinundang talinghaga. Kailangan pa ba niya ng dalawa? Hindi pa ba sapat ang isa sa kanya? Bukod doon, wala na siyang ibinigay pang ibang dahilan.

Ang ibig sabihin ng ‘exegesis’ ay ang eksposisyon o pagbubunyag ng Biblia. Ipinapaliwanag ng Biblia ang sarili nito. Hindi natin kailangang ipasok ang ating sariling pagpapaliwanag. Hindi natin kailangang mag-imbento ng paliwanag para rito. Buong ipinapaliwanag ng Biblia ang sarili nito. Ito’y self-explanatory. Kailangang suriin kung paano nilalayon ng Biblia na maunawaan ito.

Ngunit nabigo ang mga komentarista na magbigay ng anumang mga dahilan. Ito’y naging palaisipan sa akin dahil ang parehong pananaw na ito ay pinanghahawakan sa iglesya, na: (1) pinapasukan ng iglesya ang mundo, at (2) pinapasukan ng mundo ang iglesya. Sa buong kasaysayan ng iglesya, ang dalawang pananaw ay kapwa tinatanggap. Ngunit mula noong ika-19 na siglo, hanggang ngayon, nagsimulang mangibabaw ang isa rito, salamat sa mga iskolar na Aleman na laging nangingibabaw sa larangan ng teolohiya.

Sa tuwing may ituturong bagay ang isa o isang grupo ng mga iskolar – mga teologo – na Aleman, nakakagulat na makita kung gaano kaaamong sumusunod ang mga Ingles at Amerikanong teologo sa kanila. Ito’y totoong kapansin-pansing bagay. Hindi ko kailanman ito mawari, kung bakit ito ganito. Makikita ninyo sa ‘teolohiya,’ kung mapag-aaralan ninyo ito, na ang lahat ng pangunahing ideya ay unang iminungkahi ng mga teologong Aleman, pagkatapos, sumusunod sa kanila ang mga Ingles, Pranses, at Amerikanong teologo. Mabuti sana iyon kung ang mga Aleman ay tamâ. Ngunit paano kung sila’y malî? Hindi naman maaari na ang mga Aleman ay di-nagkakamali.

Kaya, nang binuksan ko ang mga komentaryo ngayong araw na ito, sa aking pagkagulat, sinusunod ng lahat ng pangkasalukuyang komentarista ang mga naunang teologong Aleman sa pagtanggap sa unang pananaw, iyon ay, na ang iglesya ay lumalaganap sa buong mundo. Gaya ng nasabi ko, iyon ay nabanggit na sa atin sa sinundang talinghaga. Kung ganoon, walang nasasabing bago sa atin ang talinghaga ngayon. Ngunit hindi ako roon tumututol. Ang tinututulan ko – at nais kong ipakita sa inyo na ang ganitong uri ng ‘exegesis’ o pagpapaliwanag – ay ang ideya na di-kayang mapatunayan ito kapag ibinase sa Banal na Kasulatan. Hahayaan ko kayo, kayong lahat na nagmamahal sa Salita ng Diyos, na husgahan ito, kapag naipakita ko na sa inyo ang umaapaw na ebidensiya para ipakita ang katotohanan.

Ngunit kapag tinitingnan ko ito, ang aking puso’y napupuno ng dalamhati at kalungkutan. Kasi, sa ngayon, kahit sinong pastor ay umaasa sa mga komentarista, na sa kanilang palagay ay mga dalubhasa. Sinusundan nila ang mga komentarista. Hindi nila alam na ang mga komentarista’y sumusunod sa isa’t isa. Kaya, ang kinalabasan ay ang pagiging tulad nila ang isang grupo ng tupa na sumusunod sa isa’t isa papunta sa patayan ng hayop. Kapag nakikita ko ang tagpong ito, ako’y napupuno ng dalamhati. Bakit kaya tinamaan ng ganitong uri ng pagkabulag ang iglesya? Maaari kayang pinapatunayan mismo ng talinghagang ito ang sinasabi natin, na nakapasok na ang mundo sa iglesya? Hindi nila makita-kita ang kahulugan ng talinghagang ito sa kabila ng lubhang maliwanag na katibayang ‘exegetical’ sa Biblia na nagpapaliwanag sa talinghagang ito.

Kaya, hinihiling ko sa inyo na magtuon muna ng kaunting sandali at tingnan ang katibayan nito. Maipapakita ko lamang sa inyo bahagi ng umaapaw na katibayan sa kasong ito, sa kung ano’ng sinasabi ng Panginoong Jesus. At kapag tama ang pagkakaunawa ninyo, lumilitaw gaano kayaman ang kahulugan nito! Hindi inuulit ng talinghagang ito ang sinundang talinghaga sa ibang kaparaanan nang wala namang idinagdag na anupamang bagay rito. Ngunit sa totoo lang, ang sinasabi nito ay pinapasukan na ng impluwensiya ng mundo ang iglesya, at binabalaan ng Panginoong Jesus ang kanyang mga alagad na mag-ingat dito. Ngayon, nabubuhay tayo sa panahon kung kailan nakikita natin gaano katotoo na ang iglesya ay pinasukan na ng mundo. Ngunit sa kabila ng mga ganitong uri ng pagpapaliwanag, tingnan muna natin ang katibayan.

Sa Pagpapaliwanag, Kailangan Nating Tingnan ang Larawan sa Kabuuan Nito

Tingnan natin ang talinghagang ito. Ito’y nagsimula sa mga salitang ito: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa….” “Aha! Kitam! Hayun – ang kaharian ng Diyos ay ang pampaalsa o lebadurang pumapasok sa mundo. Tama ba? Diyan mismo nagkamali ang napakaraming komentarista. Hindi pa nila naunawaan ang kahit na pinakapangunahing prinsipyo ng pagbubunyag sa mga talinghaga. Humihingi ako ng inyong pagpapasensya kung may pagka-arogante ang dating ko sa pagsasabi nito. Hindi ko gusto ang maging arogante; gusto ko lamang sabihin sa inyo ang katotohanan. Hindi ganito kung paano ibinubunyag ang kahulugan ng isang talinghaga. Nakita ito nang mabuti ni Jeremias, ang dakilang Alemang iskolar ng Bagong Tipan. Naunawaan niya itong mabuti. Ngunit sa kabila ng kanyang nakita’t naunawaan dito, nabigo siyang sundan ang sarili niyang ‘clue.

Itinuro ito ni Jeremias sa kanyang pamantayang gawa sa mga talinghaga. Ito’y isang gawa na binabasa at pinagbabasehan ng lahat ng iskolar at komentarista na nagsusulat tungkol sa mga talinghaga. Kung titingin kayo sa maraming komentaryo sa ‘Pelican series,’ simpleng inuulit lamang nito ang isinulat ni Jeremias sa kanyang pamantayang gawa sa mga talinghaga. Nakita na niya na kapag sinabing, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa (o lebadura),” hindi ninyo maaaring basahin ito nang ganito. Ang kaso sa kaharian ng Diyos ay tulad sa kaso ng lebadura na kinuha ng isang babae. Hindi nito sinasabi na ang kaharian ng Diyos ay tulad ng lebadura, kundi tuloy-tuloy ang buong salaysay hanggang sa matapos ito; hindi dapat titigil sa pagbabasa saanman.

Baka sabihin ninyong, “Di ko masundan ang iyong sinasabi.” Hayaang ipaliwanag ko ito nang mas malinaw. Kung babasahin ninyo ang lahat ng mga talinghaga, mapapansin ninyo ang isang bagay. Halimbawa, sa paghahambing sa mga pundasyong talinghaga, kung saan nagbigay ang Panginoong Jesus ng paliwanag, mababasa na sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad sa isang manghahasik na humayo upang maghasik.” Ngayon, ito ba’y nangangahulugan na ang kaharian ng Diyos ay tulad ng manghahasik? Hindi, dahil sinabi ng Panginoon na ang manghahasik ay siya mismo. O kaya, ang kaharian ng Diyos ay tulad ng trigo? Hindi, ang trigo ay ang ani sa Huling Araw. O kaya, ang kaharian ng Diyos ay tulad ng binhi? Hindi, sinasabi ng Panginoon na “ang binhi ay kumakatawan sa Salita ng Diyos.” Hmm, kinakatawan ba ng bukid ang kaharian ng Diyos? Hindi, ang bukid ay ang mundo. Kaya, kung nakita ninyo ang sarili niyang paliwanag sa talinghaga, masasabi ninyong, “Alin kaya rito ang kaharian?”

Ngayon, ang tanungin ito ay ang di-pag-unawa sa punto. Wala ni isa rito ang kumakatawan sa kaharian ng Diyos. Ang buong pangyayari rito ang kumakatawan sa kalagayan ng kaharian, hindi lang isang bahagi. Hindi tamang tanungin, “Kinakatawan ba ng kamay ko ang aking katawan?” Hindi. “Kinakatawan ba ng tainga ko ang aking katawan?” Hindi. “Kung gayun, ano ang katawan kung ito’y hindi ang kamay o ang tainga? Ang kabuuan at pagsasama-sama ng lahat ng ito. Ang buo ay ang katawan, hindi lamang ang kamay o ang tainga. Nakikita ba ninyo ang ibig kong sabihin?

Kaya, kung titingnan ninyo ang kaharian ng Diyos, hindi ninyo babasahin ito nang, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang manghahasik,” na parang sinasabi na ang kaharian ng Diyos ay ang manghahasik. Hindi! Ang manghahasik, gaya ng nasabi na niya sa atin, ay ang Anak ng Diyos, ang Panginoong Jesus mismo. Kung hindi ninyo nauunawaan ang puntong ito, magkakamali’t malilito kayo sa inyong pag-unawa ng mga talinghaga. Sa isang talinghaga, ang kaharian ng Diyos ay ang Anak ng Diyos, sa sumunod ay naging lebadura naman ito, pagkatapos naging mangangalakal, pagkatapos naging sampung birhen. Masasabi ninyong, “Suko na ako! Ano ba talaga ang kaharian ng Diyos?” Kung titingnan ninyo sa Mateo 25:1 makikita ninyong ito’y nagsisimula ng ganito: “Ang kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen,” at masasabi ninyong, “Suko na ako! Sa una’y, ito’y si Jesus; at ngayon, bigla na lang naging sampung birhen.” Ibig kong sabihin, paano ninyo mauunawaan ang kaharian ng Diyos? Kaya sasabihin ninyong, “Suko na ako!”

Ang dahilan kung bakit kayo nalilito ay dahil nabigo kayong maunawaan ang pangunahing prinsipyo sa pagpapaliwanag ng kaharian ng Diyos. Hindi ninyo dapat isipin na ang unang salita ay ang siyang kasagutan. Sinasabing, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng lebadura na kinuha ng isang babae at hinalo sa harina,” at patuloy pa dapat ang inyong pagbabasa. Ang buong larawan ang tumutukoy sa kaharian ng Diyos, hindi lamang ang unang salita.

Ngayon, hindi natanto ng maraming komentarista ang puntong ito, at nakapagtataka kung gaano kakulang sa pagsasanay ang ilang komentarista. Wala silang masyadong kaalaman sa ‘exegesis,’ ngunit sinubukan na nilang magsulat ng mga aklat at mga komentaryo. Ako’y walang tigil na namamangha sa lakas ng loob nila at sa kapangahasan nila; ito’y kamangha-mangha. Ang ibig kong sabihin, ang dapat nilang ginagawa ay magpakumbaba at pag-aralan muna ang mga katotohanan, maglaan ng maraming panahon sa pag-aaral, bago magsulat ng aklat. Kung kayo’y magsusulat ng aklat na tulad nito, maililigaw ninyo ang lahat ng tao.

“Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng lebadura na kinuha ng isang babae…”. Walang mababago rito kung sasabihin ninyong: “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang babaeng kumuha ng lebadura at inihalo sa harina.” Pareho pa rin ang kahulugan. Maaari ninyo ring sabihin, “Ang kaharian ng Diyos ay isang takal ng harina na nilagyan ng isang babae ng lebadura.” Pareho pa rin ang isinasaad nito. Nakikita ba ninyo ang punto? Ito ang simple’t pangunahing punto na dapat maunawaan ng bawat nagpapaliwanag. Nakapagtataka gaano kakaunti ang nakakaunawa nito. Ngunit gaya ng nasabi ko na, nakitang mabuti ito ni Jeremias. Natanto niya na ang salitang ito ay hindi nangangahulugang ang kaharian ng Diyos ay tulad ng lebadura, kundi ito’y ang buong larawan kung saan ang lebadura’y kinuha ng isang babae at inihalo sa harina. Ang lahat ng ito’y malinaw kay Jeremias. Kaya, ito ang unang puntong nais kong pansinin ninyo. Kailangang maging malinaw ito para inyong maunawaan ang pagpapaliwanag natin.

Ano’ng Tinutukoy ng ‘Lebadura’ sa Biblia?

Kaya, pagkatapos linawin iyon, ang sumunod na tanong ay: Ano’ng ibig sabihin ng lebadura sa Biblia? Hindi kung ano ang sinasabi ko o ano ang nasa isip ko na kahulugan nito ang pinag-uusapan, kundi ano’ng sinasabi ng Biblia na kahulugan nito. Napakadali nito. Maraming sinasabi ang Biblia tungkol sa lebadura. Sa sandaling hanapin ninyo ito sa ‘concordance,’ malalaman ninyo ito. Umaasa ako na alam ng marami sa inyong nag-aaral ng Biblia kung ano ang ‘concordance.’ Ito ay isang talaan ng mga salitang ginamit sa Biblia. Kaya buksan ninyo ito; huwag kayong umasa lamang sa sinasabi ko. Tingnan ninyo ang kahulugan ng lebadura sa Bagong Tipan. Matatagpuan ninyo agad ang isang malinaw na bagay. Sa Biblia, ang lebadura ay laging tumutukoy sa isang masamang bagay. Ito’y kayang patunayan ng bawat ‘Bible Dictionary.’

Ngayon, ano’ng ginagawa ng mga komentarista? Binabasa ba nila ang mga pamantayang sangguniang gawa [o standard reference works]? Sinabi ng isang Alemang tagapagpaliwanag, na isang napakahusay na tagapagpaliwanag sa karamihan ng ibang mga kaso, na, “Sa lahat ng ibang mga kaso, ito’y tumutukoy sa masama sa Biblia, ngunit sa kasong ito, naiiba ang kalagayan.” Ito raw ay isang ‘exception.’ Ang aking tanong ay: “Bakit naiiba ito? Maaari mo bang sabihin sa akin ito? Kailangan mong maglabas ng maraming ebidensiya para sabihing ito’y naiiba.” Ngunit wala ni isa siyang nailabas na ebidensya ni dahilan. Wala! Ito’y dahil nauna na siyang nagkaroon ng ideya. Hinayaan na niya ang kanyang sariling ideya ang magdesisyon ng kanyang pagpapaliwanag. Iyan ang dahilan bakit sa tuwina ay sinasabi ko sa inyo, kung pag-aaralan ninyo ang Biblia, hindi kayo dapat pangunahan ng anupamang ideya. Kung bago pa man ninyo pag-aralan ang Biblia ay may ideya na kayo sa inyong isipan, mauuna na kayong magdesisyon sa kung ano ang kahulugan nito at susubukan ninyong palabasin ang kahulugan na gusto ninyo. Gusto ninyong ipakahulugan dito na ang iglesya ang pumasok sa mundo. Kaya, sasabihin ninyong naiibang kaso iyon. Bakit ito isang naiibang kaso? Walang dahilang ibinigay. Walang dahilang maibibigay!

Kung titingnan ninyo ang 1 Corinto 5:6, makikita ninyo ito. Lubhang napakarami kayong makikitang halimbawa, ngunit kumuha na lang tayo ng isa. Ang mas kapansin-pansin ay ang salitang lebadura sa siping ito ay pareho mismo ng salita para sa lebadura sa 1 Corinto 5:6. Ano ang sinabi ni Pablo rito? Sinabi niya sa mga taga-Corinto:

Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa?”

Nakikita ba ninyo ang larawan? Sinasabi niya na, “Kayong mga Cristiano ay tinapay na dapat walang pampaalsa o lebadura. Kayo nga’y tunay na walang lebadura. Alisin ninyo ang lumang lebadura ng kasalanan sa inyong buhay.” Ngayon, kung titingnan ninyo ang ikalimang kabanata ng unang Corinto, mauunawaan ninyo ang buong larawan. Ang larawan sa 1 Corinto 5 ay tungkol sa isang napakaseryosong kasalanan sa iglesyang Corinto, kung saan may lalaking nagkasala ng ‘incest,’ iyon ay, ang magkaroon ng seksuwal na kaugnayan sa isang kamag-anak, sa kasong ito, sa asawa ng kanyang ama. Ngayon, ito’y isang kakila-kilabot na sitwasyon. Lubhang galit na sinabi ni Pablo sa iglesyang Corinto, “…ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano”. “Kasuklam-suklam iyan sa mga di-Cristiano, sa mga pagano! At nangahas kayong hayaan ang ganitong kasalanan sa iglesya?” Sinabi niyang, “Itinitiwalag ko ang taong ito. Alisin siya sa iglesya. Alisin ang lebadura sa iglesya. Alisin ang makasalanang impluwensiyang ito, upang di-marumihan ang buong iglesya.” Matatatag ang mga iglesya nang panahong iyon na nangahas na matinding harapin ang kasalanan. Sa panahon ngayon, ang lahat ay itinatago, na para bang sinasabing, “Hindi naman ito mahalaga. Pikit-mata na lang tayo sa kasalanan.” Si Pablo ay walang panahong makipaglaro sa kasalanan. Sinasabi niyang, “Alisin ang lebadura!” Iyon ang konteksto niyon.

Gayon din ang sinabi niya sa Galacia 5:9: “Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.” Sa buong larawan ng siping ito, tinatalakay niya ang impluwensiya ng huwad na turo sa iglesya, na sa kasong ito’y ang pagbabalik sa pagtutuli. Ngayon, tingnan ang sitwasyon. Sa katunayan, sa Bagong Tipan sa Griyego, ang Griyegong salita para sa ‘lebadura’ ay ginamit lamang sa talinghagang ito at sa dalawang sangguniang ating tinitingnan (sa 1Corinto 5 at sa Galacia 5:9). Dalawa lamang lugar sa labas ng talinghagang ito kung saan nagamit ang parehong Griyegong salita. Ngayon, may tiwala ako na karamihan sa mga komentarista na nagsusulat ng aklat ay nakakaunawa ng kaunting Griyego, ngunit lumilitaw na mukhang hindi nila ito napansin.

Kaya’t ngayo’y pansinin ito: ang lebadura sa Biblia ay palagi, at hindi pa nabibigo, na tumutukoy sa isang bagay na makasalanan. Iyan ang dahilan bakit sa batas ng Lumang Tipan, ang isang paghahandog, gaya ng sa Paskuwa, ay hindi maaaring maihandog nang may halong lebadura. Kailangang ihandog ang tinapay nang walang lebadura. Alam ninyong lahat na sa handaan sa Paskuwa, ang lebadura ay dapat na alisin sa lahat ng tahanan ng mga Judio, na pang-seremonya pa ring ginagawa hanggang ngayon. Dapat silang kumain ng walang-lebadurang tinapay. Ang lebadura ay simbolo ng pagkamakasalanan. Ngayon, hindi ba malinaw sa atin na ang lebadura ay tumutukoy sa isang masamang bagay? Sa ilang sandali’y babalik tayo sa turo ng Panginoon para tingnan na ginagamit din ng Panginoon ang salita sa mismong katulad na paraan nang walang anumang ‘eksepsiyon’ [exception].

Laging Tinutukoy ng ‘Tinapay’ ang mga Sumasampalataya

Tanungin din natin: Ano ang tinutukoy ng tinapay? Kung titingnan ninyo ang turo ng Biblia tungkol sa ‘tinapay,’ mapapansin ninyo ang isang bagay. Ang tinapay ay palagi at wala uling ‘eksepsiyon’ na tumutukoy sa mga sumasampalataya. Ngayon, kung nasundan talaga natin ang mga naunang talinghaga, mapapansin natin ang puntong ito. Ano’ng sangkap ang ginagamit sa paggawa ng tinapay? Trigo! Tinutukoy ng Griyegong salita rito na isinalin bilang ‘harina’, sa katunayan, ang harina na galing sa trigo. Iyon siyempre ay di-naipalabas sa salin sa Ingles.

Ngunit ngayon, pansinin ang iba pang bagay. Kung tiningnan natin ang mga naunang talinghaga, ano kaya ang dapat nating nakita? Sa Talinghaga ng Binhi, ano ang binhi? Ang manghahasik ay naghahasik ng ano? Siya ay naghahasik ng trigo. Nakita na rin natin ang Talinghaga ng Darnel sa Triguhan. Wala ba tayong natutunan sa mga nakaraang talinghaga? Binigyan na tayo ng Panginoon ng ‘clue’ na tinutukoy ng trigo ang mga sumasampalataya. Kaya kapag nagsasalita tayo tungkol sa harina, siyempre ang pinag-uusapan nati’y tungkol sa mga nananampalataya. Tunay na nakapagpapataka para sa akin ang kung ano’ng nangyayari sa mga komentarista ngayon. Lubha silang walang ingat! Marahil, ibabaling na lang natin ito sa walang pag-iingat, bilang kakulangan ng pagiging responsable sa pagbubunyag. Muli, para akong isang tinig na sumisigaw mula sa ilang, ngunit hayaan ang sinumang dalubhasa na suriin ang ‘facts’.

Sa pagsiyasat natin sa nalalabing nilalaman ng Biblia, natatagpuan natin na ito’y laging pareho: ang trigo, ang harina at ang tinapay ay laging tumutukoy sa mga Cristiano. Sa Juan 6:35, ang tinapay ay si Cristo mismo: “Ako ang tinapay ng buhay”. Tayo, bilang katawan ni Cristo, ay tinatawag ding ‘tinapay’. Sa 1 Corinto 10:17, ang iglesya’y tinukoy bilang ‘tinapay,’ bilang pakikibahagi kay Cristo.

Kung ito’y hindi pa rin sapat na malinaw sa inyo, makikita nating sinasabi ng Panginoong Jesus kay Pedro sa Lucas 22:31, “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng…”. Gaya ng ano? Ng “trigo”! O harinang trigo, kung nais ninyo. Ano ang kinakatawan ng trigo? Sa lahat ng pagkakagamit nito, kinakatawan nito ang mananampalataya. Hindi kailanman sa Biblia ipinantukoy ito sa mga di-Cristiano. Ang ebidensya ay napakalinaw at umaapaw.

Ang Lebadura ay Nagpapa-alsa!

Ngayon, ang susunod na bagay na kailangan nating mapansin ay ito: Ano ang ginagawa ng lebadura sa tinapay? Ano ang naitutulong nito sa tinapay? Wala itong anumang naidadagdag sa tinapay. Ano’ng ginagawa ng lebadura? Ang lebadura ay nagiging mainit na hangin lamang. Kapag medyo uminit na ang lebadura, ito’y naglalabas ng isang uri ng hangin o ‘gas.’ Ito’y simpleng umaalsa; pinaaalsa nito ang tinapay. Kung ang iglesya ay ang lebadura sa mundo, para bang sinasabi na walang naitutulong o naidadagdag ang iglesya sa mundo maliban sa paalsahin ang mundo. Ano’ng uri ng ideya kaya ito?

Sa katunayan, kung pag-aaralang mabuti ito ninuman, ang ideya ng ‘pinaalsa’ sa Biblia ay palaging tumutukoy sa kahambugan, sa pagmamalaki, sa masamang impluwensiya. Sa katunayan, ito’y napakalinaw sa atin. Ngayun-ngayon lang, ating tiningnan ang 1 Corinto 5:7 kung saan sinabing, “Itapon na ninyo ang lumang lebadura³”. Ilang bersikulo bago ito, na para bang ipinapahiwatig ang ugnayan sa pagitan ng kahulugan ng lebadura at ng pag-aalsa na nasa 1 Corinto 5:2 kung saan sinasabi ni Pablo, “At kayo ay nagmamalaki pa!” At ilang bersikulo pagkatapos niyon, sinasabi niyang, “Itapon ang lebadura na nagpaalsa sa inyo.” Hindi ba’t malinaw? Hindi ba’t kitang-kita at napakalinaw na ang lebadura ay tumutukoy sa mga di-mabubuting impluwensiya ng mundo sa iglesya, na pinapaalsa nito ang iglesya, pinupuno nito ang iglesya ng pagmamataas at kayabangan?

Ipagpaumanhin ang pagsabi ko nito, ngunit madalas, kapag tiningnan ko ang iglesya, lalo na ang pag-uugali ng Iglesya Katolika, kung saan ang lahat ay pumaparadang suot-suot ang mga sobra-sobrang alahas at pangseremonyang baro, na may mga gintong krus na natatamnan ng mga mamahaling bató, at mga singsing na ‘ruby’, atbp, para sa akin, ito’y isang larawan ng pagmamayabang. Ang iglesya’y naging mga prinsipe ng mundong ito. Ito’y kumikilos gaya ng mga taong nasa mundo. Napuno na nang husto ng mundo ang iglesya, kaya kumikilos ang iglesya na gaya ng mundo. Ang buong istruktura, organisasyon, at asal sa pagkilos, kung saan ang bawat isa’y humahalik sa kamay ng isa pa at lumuluhod at humahalik sa kanyang paa at ang lahat ng uri ng walang-kabuluhang bagay – ang lahat ng ito ay pag-uugali ng mundo.

Sinasabi ng Panginoong Jesus, “Ngayon, hindi kayo kailangang kumilos na tulad ng mga bansa ng mundong ito. Sa mundo, ang mga malalakas ang naghahari sa mga iba. Hindi kayo magiging ganito. Ang pinakadakila sa inyo ang magiging alipin ng lahat.” [Tingnan sa Mateo 20:25-26.] Kailangan kong sabihin na hindi ko masikmura ang makitang binubuhat ng mga tao sa kanilang mga balikat ang mga pinuno ng simbahan at ipinaparada kung saan-saan, na para bang hindi sila makalakad sa sarili nilang mga paa. Ang ganitong uri ng bagay ay tunay kong tinututulan at ako’y nagsasalita mula sa aking puso. Ang mundo ay nakapasok na sa iglesya, nagpaalsa’t nagbigay ng pagmamalaki sa iglesya. Ito ngayon ang pang-Bibliang turo rito. Ang salitang ‘pagmamalaki’ ang siyang nagpaalsa sa atin.

Ano ang Ibig Sabihin ng ‘Itinago’ sa Talinghaga?

Ngayon, tingnan ang isa pang salita; ito’y ang ‘ibinaón.’ Pansinin ang salitang ‘ibinaon’: “…kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina”. Ipinapakita ng ‘ibinaon’ ang dalawang bagay: isang uri ng paglilihim at isang pagtatago ng isang bagay. Iyon ang huling bagay na ginagawa ng Diyos. Itinatago ba ng Diyos ang kanyang kaharian sa mundo? Sa anong paraan itinago ng Diyos ang kanyang kaharian sa mundo? Ang kaharian ng Diyos ay dumating nang walang anumang pagtatago. Sa katunayan, kapag tinitingnan natin ito, makikita natin na ang lahat ng nakasaad ay kabaligtaran sa pagtatago na ito. Dumating ang kaharian ng Diyos sa mundo sa paraang alam na alam ito ng mundo.

Una sa lahat, sinabi ni Pablo halimbawa sa Mga Gawa 26:26: “Ang mga bagay na aking sinasalita ay hindi ginawa sa isang sulok.” Hindi nakatago ang mga ito sa paningin ng mga tao. “Ang mga bagay na inihayag ko” – tungkol sa ginawa ni Jesus – “ay kitang-kita ng lahat. Nakita ng buong Palestinya ang kanyang ginagawa. Wala siyang ginawang palihim.” Iyon ang dahilan bakit nang sila’y dumating para dakpin ni Jesus nang palihim, sinabi niya, “Bakit ninyo ako dinadakip ng palihim? Araw-araw naroon ako sa templo o sa mga bukid at ako’y nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip. Nakatayo ako sa pampublikong lugar. Hindi ko itinatago ang aking sarili. Kaya, bakit ninyo ito ginagawa nang palihim?” [Tingnan ang Mateo 26:55; Lucas 22:53.] Hindi ba ninyo nakikita? Wala ba tayong mata upang makita na ang mundo’y kumikilos nang palihim, ngunit si Cristo’y hindi kumikilos nang palihim? Wala siyang ginagawa sa isang sulok. Walang anumang palihim siyang ginagawa.

Sa parehong paraan, sinasabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 4:9: “…kaming mga apostol… ay naging panoorin ng sanlibutan”. Hindi ninyo itinatago ang isang panoorin o palabas. Makikita iyon ng buong mundo. Walang anumang nakatago roon. Sa Gawa 17:6, ang mga apostol ay inakusahang nanggugulo. [Sa talababâ: Sa Griyego ay ‘binabaligtad ang mundo.’] Paano ninyo ngayon maitatago iyon? Ano ba ang nanggugulo? Alam ba ng mundo na ito’y ginugulo? Iyon ang dahilan kung bakit sinubukan nilang patayin si Pablo. Iyon ang dahilan kung bakit inusig nila ang mga Cristiano. Ngayon, kapag sinabi na itinatago ang kaharian ng Diyos, ibig sabihin, hindi naunawaan ang punto, dahil ang kaharian ng Diyos ay hindi itinago kailanman.

Sinasabi ito ni Pablo sa 2 Corinto 4:3-4, “Ang ebanghelyo na aming ipinapangaral ay hindi nakatalukbong.” “At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.” Bakit sila napapahamak? Ito ba’y dahil gusto ng Diyos na mapahamak sila? Hindi kailanman! Nagpatuloy siya sa pagsasalita sa b4, “…binulag ng diyos ng sanlibutang ito” – ang kanilang mga mata – “upang huwag nilang makita ang… kaluwalhatian ni Cristo”. Sa madaling salita, ang ebanghelyo ay hindi itinatago ng Diyos. Kung ito ma’y nakatago, si Satanas ang gumawa ng pagtatagong ito. Siya ang nagbulag sa mga mata ng mga tao upang hindi nila makita ang kaluwalhatian ni Cristo.

Sinasabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 5:14b: “Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.” Hindi pa ba sapat na malinaw ang ebidensya sa Biblia? Hindi ang iglesya ang siyang nagtatago sa mundo; ang mundo ang siyang sekretong pumapasok sa church sa pamamagitan ng lihim nitong impluwensiya. Ito ang nakikita natin sa Judas 4, kung saan sinabi niya na, “Sapagkat may ilang taong nakapasok nang lihim” sa iglesya. Ang mundo at ang mga huwad na guro ang palihim na nagtatrabaho sa iglesya sa isang patagong paraan. Ang mundo ang palihim na gumagawa. Ang iglesya ay hindi kailanman gumagawa nang palihim. Hindi itinatago ng iglesya ang sarili nito.

Ang pag-usapan ang tungkol sa pagtatago ay ang hindi pag-unawa sa isang mahalagang bagay tungkol sa kaharian ng Diyos. Gusto kong pansinin ninyo ito. Hindi kailanman nang-iimpluwensiya ang iglesya sa palihim na paraan. Ito’y palaging gumagawa mula sa isang krisis tungo sa isa pa. Ano ang ibig sabihin natin sa krisis? Ang panggugulo sa mundo ay isang krisis. Kapag naririnig ninyo ang Ebanghelyo, mahigpit nitong hinahawakan ang inyong puso at kayo’y nagsisimulang makaramdam ng krisis sa inyong kalooban. Tatalikuran ko ba ang kasalanan? Ako ba’y magiging isang Cristiano o hindi? Mangangahas kaya akong maging isang Cristiano? Kung ako’y babalik sa aming tahanan, ano ang sasabihin ng aking mga magulang? Ano ang sasabihin ng aking pamilya kapag ako’y naging isang Cristiano? Mayroon doong krisis. Walang anumang nakatago tungkol dito. Ang kaharian ng Diyos ay lumalago palagi mula sa isang krisis tungo sa isa pang krisis sa kasaysayan ng iglesya. Agad-agad, sa sandaling tamaan kayo ng Ebanghelyo, nahaharap kayo sa isang krisis, at palaging halatá ang isang krisis sa sinumang nakakakita sa inyo.

Kung paanong totoo ito sa isang tao, totoo rin ito sa iglesya. Ang iglesya ay inuusig. Kung ito’y nakatago, hindi na kailangan pang usigin ito. Ngunit ito’y inuusig! Maraming beses, sinubukan nang magtago sandali ng iglesya, ngunit napakahirap gawin ito kailanman. Ang isang lunsod sa itaas ng burol ay hindi maitatago. Napakadali silang matagpuan ng mga Romano. Sabihan ninyo lang na sila’y maghandog ng insenso kay Ceasar, ang emperador nang panahong iyon. Ang sinumang tumangging mag-alay ng insenso sa mga idolo ay agad na madadakip. Hindi kayo makakatago bilang Cristiano.

Kahit na sa Tsina, sinasabi ninyo ang tungkol sa mga patagong iglesya o underground churches. Ano’ng ibig sabihin ng patagô? Ako’y kasapi ng iglesya sa Tsina. Alam ng lahat ng Komunista na ako’y isang Cristiano. Paano ako magtatago? Ang tanging paraan lamang na ako’y makakapagtago ay ang hindi ko pag-amin sa ngalan ni Jesus. Ngunit walang Cristiano ang makakagawa niyon dahil tayo’y inuutusang maging saksi para kay Cristo. Kuning halimbawa ang nangyari sa aking kaibigan, isang ‘surgeon’ na kasama kong nabautismuhan. Nang sinabihan siya ng mga Komunista na huminto sa pagpapatotoo sa kanyang mga pasyente, sinabi niyang, “Wala akong magagawang iba. Ako’y nasa ilalim ng utos na sumaksi. Sinabi sa akin ng aking Panginoon na ipahayag ko ang Ebanghelyong ito hanggang sa katapusan ng mundo. Kailangang kong ipahayag ito.” “Sapagkat sa puso ang tao’y nananampalataya kaya’t itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya’t naliligtas.” [Roma 10:10] Ang mismong pakahulugan ay nagsasaad na imposible para kayo’y makapagtago. Hindi kayo makakapagtago, kahit papaano, nang mahaba-habang panahon. Kung kaya, ang iglesya ay tulad ng lunsod sa ibabaw ng burol. Ito ay nagliliwanag. Makikita ito ng lahat.

Ang pagsasabi na ang iglesya’y nagtatago sa mundo ay ang hindi talaga pag-unawa sa kalikasan ng iglesya na itinuro sa Bagong Tipan. Marahil iyon ang ginagawa ng iglesya ngayon. Marahil ito’y nagtatago sa mundo; napaka-posible nito. Ngunit ang pinag-uusapan natin ay tungkol sa iglesya sa Bagong Tipan na hindi nagtago. Ito’y nanindigan, maluwalhati, walang takot. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 10:28: “…huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan”. Huwag matakot! Maibibigay lamang ang ganoong uri ng payo sa mga hindi natatakot na manindigan at ipahayag ang katotohanan.

Naiimpluwensiyahan ng Mundo ang Iglesya – Paano?

Panghuli, hayaang magtapos ako sa isang punto na lamang. Paano, kung gayon, naiimpluwensiyahan ng mundo ang iglesya? Nakikita natin na hindi ang iglesya ang nagtatago sa mundo; ang mundo ang nagtatago sa iglesya at ito’y nagtatrabaho sa loob para paalsahin ang iglesya, para wasakin ang iglesya mula sa loob. Iyon ang dahilan kung bakit binabalaan ng Panginoong Jesus ang kanyang mga alagad. Sinasabi niya sa: “Gusto kong mag-ingat kayong mabuti rito. Kayo’y maging handa at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.” [Mateo 26:41]

Sa ngayon, wala nang nangangaral nito. Para bang wala nang nahuhulog sa tukso sa panahon ngayon. Kung sila ma’y nahuhulog sa tukso, ito’y hindi na masyadong mahalaga. Sinasabi ko sa inyo na nagbabala si Jesus: “Huwag kayong padaig sa tukso.” Mag-iingat sa lebadura ng mundo na palihim na darating sa inyong buhay. Nadadaig ang karamihan sa mga Cristiano hindi dahil sa pag-uusig. Hindi ang pag-uusig ang sanhi ng pagkadaig ng mga tao. Nakakita na ako ng mga Cristianong matatag na nanindigan sa pag-uusig, na napalayas mula sa kanilang tahanan, na inalisan ng ‘milyung-dolyares’ na pamana. Hindi ito pagsabi ng kalabisan.

Nangyari ito sa aking kaibigan na anak ng isang tagapagmana ng isang ‘rubber plantation’ sa Malaysia. Isa siyang kamag-aral ko sa London. Nakilala niya ang Diyos at siya’y inalisan ng mana. Binigyan siya ng mapagpipilian ng kanyang ama, “Alinman sa dalawa: Hindi ka magiging Cristiano’t tatanggap ka ng mana, o magiging Cristiano ka’t aalisan kita ng mana. Hindi mo mamamanahin ang kayamanan ko.” Tinanggap niya ang maalisan ng mana. Siya’y pinalayas mula sa kanyang tahanan. Siya’y tinugis at inusig ngunit matatag siyang nanindigan. Ngunit alam ba ninyo kung ano ang nagpabagsak sa kanya sa bandang huli? Aha! Ang lihim na impluwensiya ng mundo. Higit na mas mapanganib ito, mga kapatid! Nagsusumamo ako sa inyo na unawain ninyo ang talinghagang ito.

Alam ng Panginoon na kayang manindigan ng mga Cristiano sa mga pag-uusig. Halos lahat sa kanila ay hindi susuko. Ang iba’y maaaring sumuko, ngunit hindi karamihan. Nakita ko sila sa Tsina na nakatayo tulad ng isang punong hinihipan ng bagyo, hindi natutumba – tinitigatig ngunit di-natitinag. Kahit ang mga sanga’y binabaltak at nahihipan ang lahat ng malakas na bagyo, ang puno’y nakaugat pa rin sa Diyos. Ngunit alam ba ninyo kung ano ang ginagawa ng mundo? Nagpapadala ang mundo ng maliit na peste, isang munting sakit na pumupunta sa balat ng kahoy, na bumubutas ng mga hiblá [fiber] ng puno, na nagpapabulok nito mula sa loob para patayin ang puno. Ang ‘fungus’ o halamang-singaw na lumalaki sa loob ang nagpapawasak sa puno. Ang di-nagagawa ng malakas na bagyo, nagagawa ng tahimik na impluwensiyang iyon. Nagsusumamo ako sa inyo, mga kapatid: unawain itong napakahalagang turong ito na hindi natin dapat na payagang nakawin mula sa atin. Ito ang sinasabi ng Panginoon sa atin sa napakahalagang munting talinghagang ito. Mag-ingat sa lebadura na sisira sa inyo kung kayo’y hindi mag-iingat.

Ang Lebadura ng mga Fariseo – Hipokrasiya!

Ano kung gayon ang lebadura? Hindi tayo iniwanan ng Panginoong Jesus sa dilim tungkol dito. Ipinaliwanag niya nang ganap ang kanyang sarili. Para sa akin, si Jesus ay kahanga-hanga. Hindi niya tayo iniiwanan sa isang kalagayan na kailangan pa nating hulaan ang kahulugan nito. Ang lahat ay naroroon na. Sinasabi niya sa kanyang mga alagad sa Mateo 16:6, 11 at 12, “…mag-iingat sa lebadura.” Ayun siya, nagbibigay ng babala sa kanyang mga alagad, “…mag-iingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.” Hayun ang lebadurang dapat iwasan. Sinasabi niya sa kanyang mga alagad, “Oo, may kumpiyansa ako na kayo’y makakapanindigan sa mga darating na nakakatakot na araw. Nanindigan kayong kasama ko sa mga pagtukso at pag-uusig sa akin.” Ngunit sinasabi niya sa kanila, “Nais kong mag-iingat kayo sa isang bagay. Ang lihim na mapanirang impluwensiya na maaaring makasira sa inyo mula sa loob. Mag-ingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”

Ngayon, ano ang lebadura ng mga Fariseo? Hindi rin niya tayo iniwang nanghuhula. Sa Lucas 12:1, ang lebadura ng mga Fariseo ay ang pagkukunwari. Ang pagkukunwari ay hindi isang bagay na bigla na lamang dumarating. Maaari kayong dahan-dahang magbago, hanggang sa kayo’y maging isang hipokrito. Ang tao’y di-nagsisimulang nais na maging hipokrito o mapagkunwari, alam ba ninyo ‘yon? Ang mga Fariseo’y hindi naman mga di-tapat na tao na may layuning maging hipokrito. Kung gayon ang inyong iniisip, mali ang inyong pagkaunawa sa mga Fariseo. Mga tapat o sincere ang mga Fariseo. Tulad sila ng maraming Cristiano na tapat noong una nilang ikinomit ang kanilang buhay kay Cristo, ngunit sa paglipas ng panahon, dahan-dahan silang tumatalikod.

Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi ni Pablo sa Colosas 1:23, “…hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig”. Ang ‘nakikilos’ ay isang mabagal na proseso, ang dahan-dahang pagkilos palayô, maaaring dahil naaagos ng tubig, o maaaring nahihipan ng hangin. Anumang sanhi ng ‘nakikilos’ na ito, kayo’y dahan-dahang kumikilos palayô nang hindi namamalayan. Ang pagkukunwari sa gayon ay unti-unting pumapasok. Ito ang sakit na pumapatay sa napakaraming Cristiano. Nagsisimula sila bilang mga tunay na Cristiano at dahan-dahang nanlalamig, hanggang isang araw, natatagpuan na lamang nilang, “Ano’ng nangyari?” Sila’y naging mga hipokrito na. Ang iglesya’y may napakaraming hipokrito na. Mga mapagkunwari sa loob ng iglesya?! Aking ipinapaalala sa inyo na sila’y hindi nagsimula na may layuning maging mapagkunwari, ngunit dahan-dahan at nang di-napapansin, nakikilos silang palayô, hanggang sa huli’y tanging ang panlabas na lamang ang naiwan; nawala na ang panloob. Pinupuri nila ang Diyos sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang puso’y malayo na sa kanya. Nagsusumamo ako sa inyo na unawain iyon. Napakahalaga niyon. Mahalagang-mahalaga!

Kaugnay nito, nais kong pansinin ninyo ang isang bagay. Ipinahiwatig ko na sa inyo kung paano gumagana ang lebadura. Napansin ba ninyo kung paano gumagana ang lebadura? Ang lebadura ay nagtatagumpay lamang sa iisang uri ng kapaligiran. Alam ba ninyo kung anong uri ng kapaligiran ito? Sa “malahininga²” o “maligamgam” [lukewarm] na kapaligiran! Alam ng lahat sa inyong nakagawa na ng tinapay ito. Kumuha kayo ng lebadura at ilagay ito sa isang malamig na lugar at hindi gagana ang lebadura. Ilagay ninyo ito sa isang mainit na lugar, at kung ito’y masyadong mainit, masisira (ang epekto) ng lebadura. Hindi nito mapapaalsa ang anuman. Ilan sa inyong (mga babaeng) nakagawa na ng tinapay, sa inyong pagmamadali, inilagay ninyo ang lebadura at ipinasok ito sa ‘oven.’ Nasabi ninyong, “Ay! Ito’y hindi umalsa!” Siyempre hindi ito aalsa. Namatay ito sa sobrang init sa loob ng oven! Hindi ninyo ibinigay ang malahininga o maligamgam na kundisyon – di-mainit at di-malamig – na kailangan nito para ito’y umalsa. Dapat ay di-masyadong malamig at di-masyadong mainit.

Hindi ito ang paraan ng paggawa ng iglesya. Ang iglesya ay hindi kailanman lebadura. Alinman sa dalawa: ang iglesya’y dapat mainit o dapat malamig. Sinasabi ng Panginoon sa Apocalipsis 3:16, “…dahil ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita”. Sila’y lubhang nahaluan ng lebadura. Hindi sila mainit ni malamig! Iyon ang pagiging hipokrito o ang pagkukunwari: ang maging di-mainit ni di-malamig! Sila’y lumayo na mula sa kanilang unang pag-ibig.

Ang Lebadura ng mga Saduceo – Ang Di-Paniniwala

Ang ikalawa ay ang lebadura ng mga Saduceo. Ano ang lebadura ng mga Saduceo? Ating matututunan sa Lucas 20:27ss na ito’y ang di-paniniwala o unbelief. Muli, pumapasok sa iglesya ang di-paniniwala. Ito ay isang nakakatakot na bagay. May mga di-naniniwalang Cristiano, at marami sila. Dahan-dahan, ang di-paniniwala ay pumapasok sa iglesya. Paano ito dumarating?

Magsisimula kayong magkaroon ng pagdududa sa inyong isipan. Kung hindi ninyo haharapin ang mga pagdududang ito, ang mga duda’y magiging mas malaki, at dahan-dahan nilang kakainin ang inyong pananampalataya. May mga katanungan kayo, ngunit hindi ninyo alam kung paano sagutin ang mga ito. “Paano ba ito?” Napakarami ninyong tanong. Dahan-dahang pinapalitan ang mga ito ng di-paniniwala, maliban na lang kung alam ninyong labanan ang mga katanungang ito.

Nakakita na ako ng mga taong kinunsumo ng di-paniniwala. Nakabasa sila ng ilang aklat na pilosopiya, sila’y nalito dahil dito, at ang kanilang pananampalataya’y nagsimula nang mayugyog. Pagkatapos, binasa nila ang ideyang ito’t ideyang iyon, at sila’y nadala ng kung anu-anong doktrina. At di-katagalan, ang kanilang pananampalataya’y kinain na ng di-paniniwala. Ilang mag-aaral na ang pumasok sa seminaryo na ang pakay ay magsilbi sa Diyos; lumabas silang nanlulumo. Ang iba nama’y nawasak. Ito’y dahil kailangan nating harapin ang napakaraming di-paniniwala sa mga seminaryo, halimbawa, sa mga guro ng teolohiya. Hindi sila nakaligtas. Wala sila ng espirituwal na pananampalataya, ng espirituwal na lalim na makakakuha sa pagkaing pampalakas mula sa Diyos upang mapagtagumpayan ang lahat ng ito.

Ako’y sinanay sa isang liberal na ‘Faculty of Divinity.’ Nakaharap ko ang di-paniniwala araw-araw. Ako’y inatake’t niyugyog ng di-paniniwala’t liberal na turo araw-araw. Ngunit salamat sa Diyos, hindi nito ako nagalusan. Bakit? Dahil alam ko kung sino ang aking pinaniniwalaan. At nakita ko na hindi alam ng mga taong ito kung sino ang kanilang pinaniniwalaan. Sarili nilang inamin na hindi nila alam. Kaya, dito, ang lebadura ng mga Saduceo ay ang di-paniniwala.

Ang Lebadura ni Herodes – Pag-iral ng Sariling Nais, Pagiging Oportunista

Sa panghuli, ang nalalabing bagay ay ang lebadura ni Herodes. Mababasa natin iyon sa Marcos 8:15, “Mag-ingat kayo, iwasan… ang lebadura ni Herodes.” Nakikita natin na hindi tayo iniwan ng Panginoong Jesus ng may pag-aalinlangan kung ano ang lebadurang ito. Binanggit sa Marcos 8:15 ang lebadura ni Herodes. Ano ang lebadura ni Herodes? Upang malaman iyon, kailangang kumuha kayo ng ‘Bible dictionary’ at basahin ang tungkol kay Herodes. Ngunit di-sapat ang oras natin, kaya ibibigay ko sa inyo ngayon ang ‘clue’ dahil hindi ko kayang talakayin ang buong kasaysayan ni Herodes ngayon.

Larawan si Herodes ng isang taong lubhang umiiral ang makasariling gawí. Ang isang tao, dahil pinapairal niya ang sarili niyang kagustuhan, ay makamundo. Dahil gusto niyang masunod ang nais niya lamang, siya’y mapagsamantala. Ang mga mapagsamantalang tao ay sumusunod sa anumang ihip ng hangin; hindi sila naninindigan sa kahit anupaman. Takot silang manindigan para kay Cristo sa kolehiyo dahil takot silang mapagtawanan. Ayaw nilang manalangin kapag kayo’y nakaupo sa tabi o likod nila. Ayaw nilang may makakita sa kanila, dahil baka sila’y matawag na ‘holy Joe’ [banal na tao]. Ang sabi nila, “Okey lang sa akin na matawag na Joe, huwag lang ‘holy Joe.’ Kapag tumitingin sila sa mga taong taga-iglesya, sinasabi nilang, “Tingnan ninyo siya, siya ay napakarelihiyoso! Naging katawa-tawa siya.” O, takot tayo sa ganito. Ang mga ito’y mapagsamantala. Kapag tinatanong sila: “Ano’ng ginagawa mo? Nagdarasal ka ba?” Ang sagot nila ay, “Ah, hindi, hindi! Pagod lang ang mga mata ko. Kailangan ko lang hagurin nang kaunti ang mga mata ko.” Hindi sila nangangahas na manalangin dahil takot sila sa kung ano’ng iisipin ng mga tao sa kanila. Takot silang mapagtawanan ng mga tao, at pagsabihang, “Wala nang Cristiano sa mga panahon ngayon!”

Kaya, heto ang lebadura ni Herodes: siya’y isang oportunista. Kailangan ninyong basahin ang kasaysayan ni Herodes para makita kung paano siya nagbago-bago ng panig. Siya’y di-kapani-paniwala! Isang araw, siya ay kaibigan ng taong ito. Nang ang ibang bansa’y dumating at sinakop ang Palestinya, siya’y naging kaibigan nila. Kaibigan siya ng mga Romano; kaibigan siya ng mga taga-Ehipto, kaibigan siya ng lahat! Basta’t hayaan lang siya bilang hari ng kanyang emperyo, wala siyang pakialam kung kanino man siyang kaibigan. Lalaban siya para sa inyo kung gusto ninyo sa anumang oras, iyon ay kung kayo’y nasa panig ng nananalo. Ngunit kung kayo nama’y nasa panig ng natatalo, itutulak niya kayong palayô. Siya’y isang oportunista.

Gaano karaming Cristiano ang oportunista? Nais nilang mapasa-kanila ang pinakamaganda sa mundo; nais nilang mapasa-kanila ang pinakamaganda sa kaharian ng Diyos; nais nilang mapasa-kanila ang lahat. Nais nilang magkaroon ng isang paa sa kaharian ng Diyos, at ang isa pa’y sa libingan, at umaasang ang isang paa na nasa kaharian ng Diyos ang hahatak sa kanila kapag bumukas na ang libingan. Ano’ng uri ng pagka-Cristiano ito? Ang pagsasamantala! Ito ang nakakapangilabot na bagay. At ano’ng uri ang mga Cristiano ito? Sila’y yaong umiiral ang sarili palagi. Nais nilang laging gawin ang kanilang sariling kagustuhan. Nais nilang masunod ang sarili nilang paraan.

Tingnan, paano nagtatrabaho ang mundo? Sa pamamagitan ng kalooban o ‘will.’ Ito ang paraan kung paano gumagawa sa atin ang mundo: sa pamamagitan ng pag-iimpluwensiya nito sa ating kalooban, sa ating mga ninanais. Sinasabi nitong, “Halika, manindigan ka. Ipairal mo ang gusto mo. Gawin mo ang nais mong gawin. Bakit ka nakikinig sa sinasabi ng Diyos na gawin mo? Ang ibig kong sabihin, ito’y hindi na praktikal sa ngayon. Walang silbi ang mahalin ang lahat ng tao. Ang ibig kong sabihin, mahalin mo sila; pero sasampalin ka naman nila. Hindi ito ang paraan ng pamumuhay sa buhay na ito. Ang ganitong uri ng pagka-Cristiano ay walang silbi. Hindi ito praktikal. Kailangan nating maging praktikal. Kung sinampal ka niya, suntukin mo siya ng dalawang beses. Ganoon! Ibalik mo sa kanya nang may interes. Ah, iyon ang katalinuhan. Kaya, maging Cristiano ka. Sige, pumunta ka ng simbahan! Ngunit kung may sasampal sa iyo roon, dalawang beses mo siyang suntukin. At kung siya ay mas malakas kaysa sa ’yo, humayo ka’t mag-aral ng kung fu. Sa sandaling matutunan mo na ito, handa ka nang gumanti.”

Nais nating magkaroon ng lahat, ng pinakamaganda sa lahat. Nais nating pairalin ang ating gawí. “Si Jesus ay di-praktikal.” Gusto ko ang kanyang mga turo kung minsan-minsan, ngunit ito’y hindi napakapraktikal. Kaya ginagawa ko ang nais kong gawin. Okey lang sa akin na mabautismuhan, basta’t magagawa ko pa rin ang nais kong gawin. Okey lang iyon. Cristiano pa rin ako dahil mabubuting tao ang mga Cristiano. Basta’t magagawa ko pa rin ang nais kong gawin, okey lang ito.” Kaya ang lebadura ni Herodes ay pumapasok sa iglesya. Mga oportunista! Mga makamundong tao!

Mag-ingat sa Di-Halatadong Impluwensiya ng Mundo sa Ating Buhay

Kailangan na nating magtapos. Nakikita natin kung paano pumapasok ang impluwensiya ng mundo sa ating buhay. Iyon ang babalâ ng Panginoong Jesus sa atin. Ipinaaalala ko uli sa inyo, marahil ay hindi kayo mawawasak ng pag-uusig, ngunit ang sisira sa inyo ay ang di-nahahalata’t dahan-dahang impluwensiya ng mundo, na hindi kayang gawin ng pag-uusig. Tayo’y mag-ingat. Hindi ako natatakot sa pag-uusig, sinasabi ko na ito sa inyo. Ang ibig kong sabihin, walang Cristiano, iyon ay, walang sinuman sa amin na nakakilala sa Panginoon sa Tsina ay takot sa pag-uusig. Alam namin, inaasahan namin ang pag-uusig. Ngunit ang ikinakatakot ko ay ang lihim na impluwensiya ng mundo na maghihikayat sa puso sa mundo, sa pamamagitan ng kaunting pagpapairal lang sa sariling kagustuhan. Alam ninyo ba kung gaano kaganda ang mundo? [Tingnan sa Gen 3:6.] Tingnan ninyo ang punong ito. Ito’y maganda sa paningin, masarap sa tikim. Lumapit kayo’t tikman ninyo ito. Sa gayon, tayo ay nahihila tungo sa mundo. Nagsusumamo ako na unawain ninyo ito.

Tapos ng mensahe.

¹ Ang ibig-sabihin ng ‘synoptic’ [sa synoptic gospels] ay “pareho ng pananaw.” Ang ebanghelyong naiiba rito ay yaong Ayon kay Juan.

² Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001.

³ Sa Lumang Tipan, kapag nababasa ang DIYOS o PANGINOON iyon ay, sa malalaking titik, ito’y tumutukoy sa pangalan ng Diyos, na sa ‘tetragrammaton’ ay YHWH, at sa pagbigkas ay Yahweh.

4 Ginamit ang ‘lebadura’ sa Biblia ng Sambayanang Pilipino, International Catholic Bible Society, Rome, Italy, 1999.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church