You are here

Ang Talinghaga ng Nawalang Kayamanan

Ang Talinghaga ng Nawalang Kayamanan

Mateo 13:44

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ipagpapatuloy natin ngayon ang pag-aaral natin sa Salita ng Diyos sa Mateo 13:44. Sa tuwing pinag-aaralan ko ang mga salita ng Panginoong Jesus, hindi ko mapigil ang mamangha sa kung gaano karaming yaman ang nailalagay niya sa iisang bersikulo. Sa katunayan, kung titingnan ninyo ang b.44, ang buong talinghaga ay nasa isang bersikulo lamang. Tayo’y dadako ngayon sa talinghaga na madalas na tawaging “Ang Kayamanang nasa Bukid.” Sa pagpapatuloy natin, maaaring may mas angkop na pangalan para sa talinghagang ito.

Sa Mateo 13:44, ito ang sinasabi ng Panginoong Jesus:

Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.¹

Ito ay isang napakaikling talinghaga, ngunit gaano karaming yaman ang naroroon!

Mga Kayamanan sa Sisidlang Panglupa

Sikapin nating tingnan ang larawan. Sinasabi ng Panginoong Jesus na ang kaharian ng Diyos ay tulad ng taong ito na naglalakad sa bukid. Marahil siya’y nagtatrabaho sa bukid, o kaya’y dumaraan lang. Ang lahat ng ito ay hindi nasabi sa atin. Napakaraming komentarista ang nag-akala ng napakaraming bagay. Inakala nila na ang taong ito’y nagtatrabaho sa bukid. Hindi ito sinabi ng Panginoon. Maaaring dumaraan lang siya. Ngunit alinman sa dalawa, hindi ito gaanong mahalaga. Ipagpalagay muna natin na siya’y naglalakad at dumaraan sa bukid. Habang siya’y naglalakad, sa kanyang pagtingin-tingin sa kapaligiran niya, may napansin siyang parang bato roon, ngunit ito’y mukhang masyadong makinis. Ang kanyang pansin ay natuon sa bagay na ito sa bukid. Lumapit siya rito at tiningnan itong mabuti.

Ano’ng natuklasan niya? Siguradong hindi ito isang bato. Ito pala’y isang bangâ, at alam niya kung ano’ng kahulugan niyon. Ito’y dahil sa panahong iyon, ang bangâ ay ginagamit sa pagtatago ng mga kayamanan! Kadalasan, ang kayamanan ay barya o ‘coins,’ na maaaring pilak o ginto, o maaari ring iba’t ibang uri ng alahas o mahahalagang bato, mga bagay na may halaga. Ang mga ito’y inilalagay sa loob ng bangâ dahil, bilang sisidlan ng tubig, ito’y waterproof, at kaya, isang mabisang proteksyon para sa mga bagay na inilalagay sa loob nito. Ang mga alahas at ‘coins’ ay inilalagay sa loob ng bangâ. Tapos, ito’y sinasarado at sineselyado, at pagkatapos ay ibinabaon sa lupa.

Sa mga panahong iyon, walang mga bangko kung saan may espesyal na ‘safe deposit box.’ Walang ganoong bagay. Kaya, ano’ng gagawin ninyo kung nais ninyong magtago ng kayamanan? Di kayo pupunta sa lokal na bangko, gaya ng sinabi ko, kasi wala silang matibay na silid na may ‘safe deposit box’ na mapaglalagyan ng inyong mga dyamante’t anumang nais ninyong itagò. At kaya, saan ninyo ilalagay ang mga ito?

Ang pera nama’y parating walang kasiguruhan. Tulad ng alam ninyo sa mundo ng ‘implasyon’ [‘inflation’ o pagtataas ng halaga ng bilihin at pagbababâ ng halaga ng salapi], ang pag-iimpok ng salapi ay palaging mapanganib. At kaya, kadalasan, sa mga panahon ng implasyon, ang mga tao’y lumilipat mula sa pera tungo sa mga bagay na di-nagbabago ang halaga, tulad ng ginto, pilak, atbp. Bakit? Dahil ang pera’y maaaring ma-‘devalue’ o bumaba ang halaga nito; parati itong bumababâ sa halaga nito. Samantalang tumataas naman parati ang halaga ng mga ginto, gaya ng naririnig ninyo. Hindi nagtitiwala ang mga tao sa pera, at kaya, ipinapalit nila ito sa mahahalagang bagay. Bumibili sila ng mga alahas bilang investment; bumibili sila ng mga dyamante. Nalalaman nilang di nawawalan ng halaga ang mga ito; maaaring bumabá ang halaga pansamantala, pero sa paglipas ng panahon, tumataas parati ang halaga ng mga ito. Hindi nawawala ang halaga ng mga ito.

At ang isa pang dahilan ay mas madaling dalhin ang mga ito kung saan-saan. Kung bibili kayo ng bahay, hindi ninyo madadala kasama ninyo ang bahay. Pwede ninyong tirhan ito, pero ayaw mag-impok sa mga ganitong bagay ang mga tao lalo na sa Palestinya, kung saan palaging may digmaan. Bibili kayo ng bahay at magkakaroon ng digmaan. Lulusob ang kaaway, tapos susunugin nila ang bahay ninyo, at kaya, lahat ay mawawala sa inyo. Di kayo mag-i-invest sa bahay at lupa sa panahon ng digmaan. Kung nabuhay na kayo sa panahon ng digmaan, gaya ng aming naranasan sa China, alam ninyong ang bahay sa panahon ng digmaan ay halos walang halaga. Walang gustong bumili ng bahay dahil ito’y maglalaho lang; ito’y isang liability. Darating ang kalaban at bobombahin ang lugar, o magkakaroon ng labanan, at ang buong bahay ay mawawasak lang.

Pero hindi rin ninyo gustong mag-invest sa pera; ayaw ninyo sa perang papel. Alam naming nakaranas ng digmaan noon sa Shanghai ang bagay na ito. Sa araw ng sahod, tumatakbo ang mga tao sa mga tagapalit ng perang papel upang ipalit ito sa perang pilak. Dahil, kung di ninyo gagawin ito, maiiwan sa inyo ang isang maletang perang papel na hindi kasya upang makabili ng isang malaking ‘monay’. Sa totoo lang, sa panahong iyon, binabayaran kayo, bilang inyong suweldo, ng isang maletang puno ng perang papel at talagang literal na tatakbo kayo, bitbit ang maletang ito, sa nagpapalit nito sa pilak o ginto. Agad-agad ninyong i-e-exchange ang perang papel sa kung ano’ng may halaga.

Kaya, ito mismo ang ginagawa ng mga tao noon – naghahanap sila ng seguridad, at itinatago nila ang mahahalagang bagay nila sa mga bangâ. Tapos, pumupunta sila sa bukid at ibinabaon nila ang kanilang kayamanan doon. Siyempre, mahalagang tandaan kung saan ibinaon ang kayamanan! Dapat tandaan na ito’y 20-na-hakbang mula sa punong ito at 13-na-hakbang mula sa punong iyon. Pero kung may nagputol ng mga puno, malaki ang problema ninyo kasi saan ninyo hahanapin ang kayamanan kung wala na ang mga palatandaan?!

Ito ang dahilan kung bakit maraming nawawalang kayamanan – kayamanang hindi na mahanap-hanap ng mga may-ari. Nawala ang mga ito! Itinago nila, pero di na nila makita muli. Ang isa pang dahilan ay maaaring namatay ang may-ari sa giyera o kaya’y nabihag ng kaaway at dinala sa ibang lugar! Ito’y kadalasang nangyayari sa mga Judio, at kaya, hindi sila nakakabalik para kunin muli ang kayamanan. Ang iba’y nagbaón ng kayamanan nila pero di sinabi kaninuman ang tungkol dito. Nang sila’y nagkasakit at namatay, o kaya’y napatay, ‘nawala’ ang kayamanan.

Sa anumang kadahilanan, ang mga nakatagong kayamanang ito’y nahuhukay ng mga ‘archeologist’ [mga taong naghuhukay ng mga lumang siyudad, mga kagamitan, atbp. upang pag-aralan]. May mga taong magbubungkal sa bukid at, paminsan-minsan, makakakita ng kayamanan. Kahit sa ngayon, minsa’y ginagamit sa paghuhukay ang mga ‘bulldozer’ sa Israel upang isaayos ang lupa at nakakatagpo sila ng nakatagong kayamanan sa lupa – mga ‘Roman coin’ o mga ‘gold coin’, iba’t ibang mamahaling bagay na nakatago sa ganitong paraan.

Ikinukwento ng Panginoong Jesus ang tungkol sa isang sitwasyon na napakakaraniwan sa mga panahong iyon. Hindi na ito karaniwang nangyayari ngayon dahil hindi na tayo nagtatago ng kayamanan sa ganitong paraan. Ngunit sa mga panahong iyon, napakakaraniwan na may taong nagtatrabaho sa bukid at nakakatagpo ng kayamanang ibinaon nuon-noon pa. Maaaring nakatago ito nang daan-daang taon. O kaya’y katatago pa lang ng isang tao na hindi na natagpuan ito o ‘di kaya’y siya mismo’y nawala, nabihag o napatay. At siyempre, maaaring ang lupa sa ibabaw ay maagos ng ulan, kaya’t umuslî ang kaunting bahagi nito sa ibabaw. At kaya, maaaring mapansin ito ng taong naglalakad sa bukid.

Sa pagkita ng bagay na ito, maaaring akalain niya na ito’y isang bato. Maaaring magmukha ang bangang gawâ sa lupa na tulad ng isang bato, o kaya’y baság na piraso ng palayok, na nakauslí roon. Kung pupunta kayo sa Palestinya, makakatagpo kayo ng maraming baság na piraso ng palayok. Ang mga ito’y halos nasa lahat ng lugar, kaya marahil, hindi ninyo ito papansinin. Ngunit napansin ito ng tao sa ating talinghaga, at ito’y nilapitan niya para tingnang mabuti. Sa paggawa nito, natuklasan niyang ito’y isang bangâ, at ito’y selyado – at alam niya na ang kahulugan nito! Kayamanan!

O kaya’y may nagtatrabahong tao sa bukid, at sa kanyang paghuhukay o pagbubungkal, may natamaan siyang isang bagay. Kung ang iba’y mag-iisip na ito’y bato lang, siya nama’y agad-agad na huminto para tingnan ito at nakita niyang ito’y kayamanan! Ano’ng ginawa niya? Siyempre, tuwang-tuwa siya. Ang makakita ng kayamana’y hindi pang-araw-araw na pangyayari. Kung minsan, sa paglalakad natin sa daan, nakakakita tayo ng 10¢ sa lupa. Hindi na masama! Kung minsan nama’y 25¢! Pero hindi araw-araw na makakakita kayo ng nakatagong kayamanan. Hindi! Kaya, napunô siya ng galak, at ano’ng ginawa niya? Siya’y yumao’t ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.

Bakit Kinakailangang Bilhin ang Buong Bukid?

Ngayon, kaagad, may isa o dalawang legal na katanungang dapat nating talakayin. Una: Bakit hindi na lamang niya kunin ang banga’t umalis? Kung tutuusin, ang hukayin ito – ito’y bahaging nakatago at bahaging nakauslî – ay di-madaliang magagawa; magtatagal ito nang kaunti sa pagsasagawa. Ngunit magkakaroon ng legal na problema. Ang paghuhukay sa bukid ng ibang tao ay maituturing na ‘trespassing’, kaya’t maaaring dalhin kayo sa korte dahil dito. At isa pa, kung kayo’y nahuling naghuhukay ng may-ari ng bukid, hindi lamang kayo maaaring madala sa korte sa salang ‘trespassing,’ kundi mapupunta pa sa kanya ang kayamanan. Wala sa iyo ang karapatan na angkinin ang kayamanang iyon hangga’t ang bukid na iyo’y pag-aari niya at nagte-trespassing kayo sa bukid niya.

Kapag naunawaan na ninyo ang legal na sitwasyon, mauunawaan na ninyo kung bakit hindi niya agad-agad na hinukay ang kayamanan. Ito’y dahil, kahit na sabihin pang hinukay niya ito’t walang nakakita, kung matanong siya kung saan niya nakuha ang kayamanan, kailangan niyang sabihin na ito’y galing sa bukid ng taong iyon. Ang tanong sa puntong iyon ay: “Sino’ng nagbigay sa iyo ng karapatang maghukay sa bukid ng may bukid?” Muli’y maaaring makasuhan siya ng ‘trespassing.’ Sa katunayan, ang ‘trespassing’ sa kasong ito ay hahantong pa sa pagnanakaw.

Ngunit may isa pang anggulo rito. Maaaring ganito ang tanong: Hindi ba’t ang kayamanan ay pag-aari ng may-ari ng bukid, na siya ang may karapatan dito? Sa ilalim ng batas ng Judio, hindi pag-aari ng may-ari ng bukid ang kayamanan. Ito ang kabilang anggulo ng katanungang legal, na dapat maunawaan. Sa ilalim ng batas-Judio, ang kayamanang iyon ay di-pag-aari ng may-ari ng bukid, dahil nang bilhin niya ang bukid, ang bukid lang ang binili niya. Hindi niya alam na meron palang kayamanan doon. Hindi niya maaaring bilhin ang bagay na hindi niya alam ay naroon pala. Ganoon ang batas-Judio.

At kaya, hindi ninyo maaangkin ang kayamanang iyon bilang inyo, dahil hindi ninyo naman alam na merong kayamanan doon. Gayun magrason ang batas-Judio. Kaya, hindi pag-aari ng may-ari ng lupa ang kayamanan, maliban na lang kung siya mismo ang nakahanap nito. Pero sa kasong ito, alam nating iba ang may-ari ng bukid, dahil humayo ang siyang nakatagpo ng kayamanan at binili ang bukid.

Sa pagbubuod ng legal na punto rito, nakikita nating malinaw na: ginawa niya ang lahat nang tama. Naiintindihan niyang hindi sa may-ari ng lupa ang kayamanan, sa ilalim ng batas-Judio, pero nauunawaan din niyang di siya pwedeng basta’t pumaroon at hukayin ang kayamanang iyon dahil ang paggawa niyon ay ituturing na ‘trespassing’ sa bukid ng iba.

Ngayon, minsan, may daan na nasa gitna ng bukid. Gaya ng makikita ninyo, kadalasan sa mga ebanghelyo, may daan sa gitna ng bukid. Naglakad ang mga disipulo sa gitna ng isang bukid at nagsikuha sila ng mga mais doon. Pinapayagan iyon sa ilalim ng batas-Judio. Maaari kayong maglakad sa gitna ng bukid, ngunit di kayo pwedeng pumunta at magtrabaho roon. Ang maghukay ay pagte-trespassing. At kaya, ang tanging paraan upang maangkin niya ang kayamanan sa legal na paraan ay ang bilhin ang bukid na iyon. Wala nang iba pang paraan. Kapag naunawaan na natin ang legal na posisyon, makikita natin na tama ang lahat ng ginawa niya rito. Walang imoral o malî sa ginawa niya. Ang lahat ay ginawa nang tama.

Ano’ng nadiskubre niya? Siguradong hindi bato. Sa katunayan, ito’y isang sisidlan. Ito’y isang lalagyan na gawa sa putik, isang bangâ. At alam niya kung ano’ng ibig sabihin nito, dahil sa mga panahong iyon, ginagamit ang mga bangâ upang itago ang kayamanan! Ang kayamanan ay kadalasang mga barya, maaaring baryang pilak, o ginto, maaaring mga alahas, mamahaling bato, mga bagay-bagay na may halaga. Ang mga ito’y inilalagay sa loob ng bangâ, dahil ang materyal nito’y ginagamit pangtago ng tubig, at siyempre’y ‘waterproof’, di-mapapasukan o malalabasan ng tubig, at kaya’y magandang proteksyon para sa mga kayamanan sa loob nito. Ang mga barya o alahas ay inilagay sa banga. Tapos ito’y sinarhan, binarahan, sinelyado, at sa huli’y ibinaon sa lupa.

Ano’ng Nirerepresenta ng Nakatagong Kayamanan?

Ngayon, pumunta tayo sa kahulugan ng talinghaga. Ano, kung gayon, ang kahulugan ng talinghagang ito? Ano’ng sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus? May dalawa tayong alternatibo. Una, ang nakatagong kayamanang ito ay ang Panginoong Jesus na ating natagpuan; natagpuan natin si Jesus sa bukid, iyon ay, sa mundo. O, ang alternatibo – ito lang ang kaisa-isang alternatibo – ito’y natagpuan tayo ni Jesus. Tayo ang kayamanang nasa bukid na natagpuan ni Jesus nang siya’y pumarito sa mundo. Alin sa dalawang ito ang tama?

Ngayon pa lang ay nais ko nang sabihin na ang pagpapaliwanag sa Biblia ay hindi isang personal na interpretasyon o pagpapaliwanag. Ang Bible exposition ay di isang pagbibigay ng opinyon. Hindi mapagpapasyahan ang Salita ng Diyos sa kung ano’ng gustong palabasin ng taong ito o kung ano’ng opinyon ng taong iyon. Hindi ito tungkol sa opinyon. May tama’t istriktong pamamaraan sa malalim na pagsisiyasat o ‘exegesis’ sa Salita ng Diyos. Tulad sa anumang legal na dokumento, ito’y hindi isang pansariling interpretasyon sa kung ano ang legal sa batas. May mga patakaran sa pagpapaliwanag sa kung ano ang kahulugan ng isang pahayag sa batas. At kaya, sa parehong paraan, ang pagpapaliwanag sa Biblia’y hindi paghuhula lamang, o simpleng gusto ninyo ang ganito o gusto ko ang ganoong pagpapaliwanag.

Hayaang sabihin ko sa inyo na ang pangkalahatang pananaw sa ngayon ay ito: Ang kayamanang ito ay si Jesus at tayo ang mga taong nakatuklas ng kayamanang ito sa bukid. Ito ang general view. Nais ko ring sabihin sa inyo na ito ang pananaw na pinanghawakan ko nang napakatagal na panahon. Akala ko’y ito ang tamang pananaw nang matagal na panahon, ngunit, nang maingat kong pinag-aralan at sinuri mula noon, natagpuan kong kailangan kong lisanin ang pananaw na ito. Sasabihin ko sa inyo ang mga dahilan bakit, at hahayaan ko kayo ang maghusga sa bagay na ito.

Makikita ninyo, muli, na tulad nang nakaraang talinghaga, na umaapaw sa ebidensiya, na hindi lang ito halos balanse; kundi, ang ebidensiya’y mabigat sa isang panig. Malinaw ang katibayang pumapabor sa isang panig. Tinanong ko ang aking sarili: Bakit hindi ko ito nakita noon? Ang dahilan ay may kinikilingan akong paniniwala o ‘prejudice.’ At aamini’t ikukumpisal ko sa inyo ang aking ‘prejudice’ upang makita ninyo na ang mga ‘prejudice’ natin, o marahil sa kung anong naituro sa atin noon, ay ang siyang nagsasara sa ating mga mata sa kahulugan ng Salita ng Diyos.

Nang pinag-aaralan ko ang talinghagang ito, matapat at masinsinan kong pinag-isipan ito mula sa dalawang pananaw, gamit ang ‘exegesis’, hanggang sa kahahantungang konklusyon ng bawat isa. Sinabi kong, “Wala naman akong iniisip na anumang sariling interes. Wala akong pakialam kung sino ang tama at kung sino ang mali. Nais ko lamang malaman kung ano’ng sinasabi ng Salita ng Diyos. Wala akong kinikilingang panig sa bagay na ito. Hayaan na lamang ang Panginoon ang mangusap sa akin tungkol dito at nawa’y bukás na bukás ang aking pandinig sa kung ano’ng kanyang sasabihin.” Ngunit natuklasan kong mas marami pa pala akong mga kinikilingang opinyon o ‘prejudices’ kaysa sa natatanto ko, at ito ang nais kong ikumpisal sa inyo.

Sino ang Kayamanan?

Ikonsidera natin ang mga problema nang panandalian, dahil gusto ko nang magpatuloy sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng bersikulong ito. Napakaganda at napakayaman nito, kapag nasimulan ninyo nang makita kung ano’ng ibig sabihin nito.

Magsimula tayo sa pananaw na ang kayamanang ito’y si Jesus, at tayo ang siyang nakahanap sa kayamanang ito. Tulad ng nasabi ko, ito ang pananaw na dati kong pinaniniwalaan. Sinubukan kong ipakita ito muli gamit ang ‘exegesis’, isang beses pa, di-katagalan lang, pero hindi ito maipalabas bilang tama. Hindi ito maipilit. Ngayon, ito ang mapapansin sa Salita ng Diyos, na kapag ang paliwanag ay mali, hindi talaga ito maihahantong sa konklusyong ibinabaka-sakali. Sa madaling salita, kinakailangang igiit ang paliwanag o pananaw dahil hindi talaga ito umaalinsunod sa tumpak na eksposisyon nito. Hayaang sabihin ko sa inyo kung ano’ng ibig sabihin ko rito.

Tingnan ang talinghagang ito. Nasaan ang mga problema? Lubhang malalaki ang mga problema kapag kukunin natin ang panig na si Jesus ang kayamanan. Una sa lahat, ito’y magiging isang pag-uulit lamang ng susunod na talinghaga. Kung baga, walang sinabing magkaiba ang dalawa. Ang susunod ay ang Talinghaga ng Mamahaling Perlas. Kaya, ang mangyayari’y may dalawa kayong talinghaga na pareho lang ang sinasabi.

Ngayon, bakit nanaisin ng Panginoong Jesus na magsalaysay ng dalawang talinghaga na nagsasaad ng parehong bagay? Nais ba niyang ulitin ang kanyang sarili? Ito ang unang punto. Ngunit hindi ito mahalaga. Marahil nais ng Panginoong Jesus na ulitin ang sarili niya. Siya ay may kalayaan, may karapatang ulitin ang kanyang sarili kung nanaisin niya. Iyon mismo’y hindi isang nakakamatay na pagtutol o ‘fatal objection’, kahit na ito’y isang ‘pangsisiyasat’ o ‘exegetical’ na pagtutol dahil hindi ko pa kailanman nakitang nagsayang ng mga salita ang Panginoong Jesus, kung saan sasabihin niyang muli ang hindi na kailangang sabihin pa.

Ngunit ikalawa, ang pagtutol ay ito: Ano ang bukid? Ano ba ang bukid? Lalo ninyong natatanto ito, mas malalâ ang problema. Sa Mateo 13:38, ilang bersikulo bago rito sa talinghaga natin, alam natin na ang bukid ay ang mundo. Kaya, maiisip natin na si Jesus ay nakatago – tandaan ito: nakatago – sa mundo. Lalo ninyong pag-isipan ito, mas lalo itong nagiging walang kabuluhan.

Una sa lahat, nakita natin sa nakaraang talinghaga, na hindi itinatago ng Diyos si Jesus sa mundo dahil, sino naman ang magtatago kay Jesus? Kung si Jesus ang kayamanan, at may nagtago ng kayamanang iyon, iyon ay walang iba kundi ang Diyos. Itinago ng Diyos si Jesus sa mundo? Sa unang tingin, ito’y kapani-paniwala naman, ngunit hindi pwede, kung simula ninyo nang naiintindihan ang eksposisyon sa Biblia.

Nakita na natin na hindi itinatago ng Diyos ang Ebanghelyo at hindi niya itinatago ang kanyang kaligtasan. Nais niya tayong maligtas, kaya, bakit pa niya itatago ang kaligtasan? Si Jesus ang Tagapagligtas. May nakikita ba kayo sa Biblia ng katuruan na nagtatago si Jesus sa mundo? Hindi ko ito nakikita. Kung ito’y nakita na ninyo, maaari ba ninyong sabihin sa akin kung saan ito matatagpuan? Ito ang dahilan bakit masasabing may kinikilingang paniniwala o ‘prejudice’.

Nakita natin nang nakaraan na ipinapalagay ng mga komentarista na ang lebadura’y isang bagay na mabuti; samantalang nakita natin na sa Biblia, ito’y palaging tumutukoy sa masama. Sa di-maipaliwanag na dahilan, ipinagpasya nilang sabihin na ang lebadura ay ang kaharian ng Diyos, na itinatago ng Diyos ang kanyang kaharian sa mundo – nang wala namang ibinibigay na patunay gamit ang ‘exegesis’ (o malalim na pagsiyasat). Kahit saanman, walang maipapakitang katibayan. Lalo ko itong isipin, mas lalo ko itong di maunawaan: ang kanilang pananaw na itinatago ng Diyos ang kaharian sa mundo. Nakita nating walang ginagawang ganito ang Diyos. Wala kahit saanman na isinaad na itinatago ng Diyos ang kaharian.

Nakita rin natin na sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 4:3-4 na, kung ang ating Ebanghelyo’y natatakluban, ito’y hindi dahil tinatakluban ito ng Diyos; ito’y may talukbong lamang sa mga napapahamak dahil binulag ng diyos ng mundong ito ang kanilang mga mata. Sinasabi ni Pablo na ang ating Ebanghelyo’y di-nakatago. Kung ito’y nakatago, ang diyos ng mundong ito ang nagtago nito. Huwag nating ibaling sa Diyos ang ginagawa ni Satanas. Kung may aspeto mang nakatago ukol sa kaharian ng Diyos, hindi dahil itinatago ito ng Diyos. Hindi! Ito’y dahil itinatago ni Satanas ang kaharian mula sa ating mga mata sa kanyang paghahanap ng paraan upang bulagin ang mga ito. Iyon ang natatanging katuruan sa Biblia.

Wala saanman akong matagpuan na ang kaharian ng Diyos ay nakatago. Pumarito sa sanlibutan si Jesus upang maging ilaw ng sanlibutan, maging araw sa sanlibutan, na matatagpuan sa Juan 8:12. Siya ay pumarito upang ipahayag ang liwanag ng Diyos, hindi upang itago ito. Ang ilaw ng sanlibutan ay hindi nakatago. Sa katunayan, iyon ang kanyang sinasabi, “Walang nagsisindi ng ilawan upang takluban lang ito gamit ang isang takalan.” Sinabi niya ang lahat ng ito. Napakalinaw nito sa atin.

Sa katunayan, kahit na nais ni Jesus na itago ang kanyang sarili, hindi niya ito magawa-gawa. Ito ang sinasabi ng ebanghelyo sa Marcos 7:24; sinubukan niyang pisikal na itago ang sarili niya nang maikling sandali mula sa mga taong naghahanap sa kanya upang makuha ang benepisyo ng mga milagro niya. Ngunit ano’ng sinasabi sa Marcos 7:24? “…ngunit hindi nagawang di siya mapansin.” Hindi siya maitago!

Ganoon ang kalikasan ni Jesus, na hindi ninyo siya maitatago, at hindi niya maitatago ang kanyang sarili, kahit subukan pa niya. Ginawang napakalinaw ng ebanghelyo para sa atin na, una sa lahat, hindi sinusubukan ng Diyos na magtago. Nagsisindi siya ng ilawan, hindi para takpan ito ng isang takalan, kundi para hayaan itong magliwanag. At kahit na sa maikling sandali, nang sinubukan ni Jesus na itago ang kanyang sarili sa mga taong naghahanap sa kanya sa maling kadahilanan – kahit noon – hindi niya nagawang makapagtago. Napakalinaw ng kahulugan nito! Wala saanman sa Biblia ng anumang nagsasad na naitatago si Jesus. At hinahamon ko kayong mahanap iyon. Siya’y pumarito upang maging ilaw ng sanlibutan.

Sa malaking handaan, tumayo siya at sumigaw para marinig ng lahat: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at bibigyan ko siya ng tubig ng buhay.” [Juan 7:37-38] Muli’t muli tumatayo at nagsasalita siya nang malakas. At sinasabi niya sa mga tao, “Ako’y tumayo sa mga pampublikong lugar. Narinig ninyo akong nagtuturo sa templo.” Ang templo ay ang pinakapampublikong lugar. Sa totoo lang, ito ang pinakadakilang katisuran o ‘stumbling block.

Ngayon, isa pa, ang bukid ay hindi kailanman ang iglesya, ang ‘church’. Wala ito saanman sa Biblia. Ang bukid ay ang mundo! At ano ang iglesya? Sa nakaraang talinghaga, nakita natin na ito’y ang trigo. Ang trigo ay ang iglesya. Ang ‘darnel’ ay inihasik kahalo sa mga trigo, iyon ay, sa loob ng iglesya. Ang trigo ay ang iglesya. Ang ani ay ang church, ang kaharian ng Diyos; ito’y hindi ang bukid. Ang bukid ay iniiwan. Ang ani na trigo ang kinukuha sa anihan, hindi ang bukid.

Kaya, makikita natin na habang nagpapatuloy tayo sa ganitong paraan, ang tanging magagawa ng mga komentarista, na madalas nilang ginagawa, ay ang huwag pansinin ang tungkol sa ‘mundo’, at sinasabing, “Huwag na nating piliting malaman ang bawat punto. Kalimutan na lang natin ito.” Okey lang siguro para sa kanila kung angkop sa kanilang layunin ang kalimutan ang mga punto at huwag nang ipagpilitang malaman ang kahulugan ng mga ito. Ang ‘fact’ ay: kapag tiningnan ang dalawang pangunahing talinghaga, at iba pang talinghaga, makikita natin na ang bawat aspeto ng talinghaga’y nagtataglay ng kahulugan. At saka, ang bukid ay isa sa mga aspeto ng talinghaga kung saan ang kahulugan ay naibigay. Kaya, anong nagbibigay sa atin ng karapatan na kalimutan na lang ang isang bagay na nabigyan naman ng kahulugan? Kung gayon, nakikita ninyo kung gaano kalaki ang mga problema kapag sinubukan ninyong intindihin ito sa ganitong paraan; napakarami ng mga problema sa pananaw na ito.

Nagiging ganito ang talinghaga, kung aakuin na ito ang paraan: si Jesus ay ang kayamanan na inyong natuklasan sa mundo, at nang siya’y matuklasan, itinago ninyo siyang muli sa mundo, kung ano man ang maaaring ibig sabihin nito. Pagkatapos, hahayo kayo’t ipagbibili ang lahat ng inyong ari-arian. At ano’ng gagawin ninyo? Hahayo kayo’t bibilhin ninyo ang bukid, ang mundo. Ngayon, hindi ba’t isang imposibleng sitwasyon iyan? Wala kayong makikitang kabuluhan dito maliban kung babaluktutin ang iba’t ibang nilálaman ng talinghaga at susubukang bigyan ang mga ito ng kahulugang di-naaayon sa pakahulugan ng Panginoon mismo.

Ang Kinikilingang Doktrina’y Maaaring Magtungo sa Atin sa Malaking Kamalian

Ngunit ngayon, pagkatapos talakayin iyon, tingnan naman natin ang kabilang panig, at doon lilitaw ang mga yaman! Masaganang bumubuhos ang kahulugan. Sa katunayan, ang nangyayari’y hindi si Jesus ang kayamanan sa talinghagang ito – matatagpuan natin siya bilang gayon sa kasunod na talinghaga – kundi tayo, ang iglesya, ang ‘church’ ay siyang kayamanan sa bukid.

Nasabi ko sa inyo na inaamin ko ang aking pagkabulag, o na ako’y nabulag ng pagkiling ko sa doktrina. Bakit? Marahil ay nabubulag din kayo nang parehong ‘prejudice’. Ito’y dahil hindi tayo sanay na isipin ang tao bilang kayamanan, ang sarili natin bilang kayamanan, ‘di ba? Hindi! ?Lalo kong pinag-isipan ito, mas lalo kong itinanong sa aking sarili: Bakit ko tinutulan ang napakalinaw na kahulugan ng turo ng Panginoong Jesus? Bakit ko isinara ang isipan ko rito? Bakit ko ito inayawan? Bakit?

Simple lang, dahil lumaki ako, bilang Cristiano, sa ‘Doktrina ng Orihinal na Kasalanan,’ sa turò na ang tao ay ganap na masama, ‘totally depraved’ ika nga, ganap na bulok, makasalanan, lubhang kasuklam-suklam at nakakasurà. Bulok! Kaya, ano pang halaga meron sa isang taong ganap na masama, na nakapagmana ng ‘orihinal na kasalanan,’ na bulok hanggang sa kaibuturan ng kanyang pagkatao, na wala nang kagalingan pa? Kung ang pag-uusapan ay ang kanyang sarili, siya’y lubhang bulok at masama!

Ngayon, makikita ko ang halaga sa isang kahon ng mansanas na mabubuti’t masusustansya. Kaya kong makita ang halaga nito. Ngunit may makikita pa ba kayong anumang halaga sa isang kahon ng bulok na mansanas, na bulok hanggang gitna nito, at maamoy at puno ng kabahuan? Ang mga ito’y walang-halaga na, at basura na lamang; itatapon na lang ninyo ang mga ito sa basurahan. Ngayon, mga kapatid, ako’y pinalaki sa ganoong paraan ng kaisipan tungo sa mga makasalanan. ‘Di ba’t ganoon din kayo pinalaking mag-isip?

Nagpapasalamat ako sa Diyos sa mga salita ng Panginoong Jesus! Ito’y tulad ng tabak na tumatagos sa puso at sumusuri sa inyong mga hangarin at inyong pang-unawa, at ibinubunyag nito ang saloobin o ‘attitude’ ko sa mga di-ligtas.

Nakaramdam ako ng pagbababâ at ikinahiya ko ang sarili ko nang kinailangan kong aminin na sa ganoong paniniwala ako pinalaki, na itinuring ko ang mga di-ligtas bilang mga may-sakit, mga bulok na tao na walang halaga kahit anuman: “Malibang bigyan sila ng halaga ng Diyos, wala silang halaga sa sarili nila. Paano ninyo sila maiibig? Hindi ninyo iibigin ang mga bulok na mansanas. Bagay lamang sila sa basurahan, gaya ng nakita natin. Wala kayong magagawa sa makasalanang tao. Siya’y bulok! Ubod ng samâ! Dapat tanggihan!” Ngayon, ang ganitong uri ng pag-iisip ay nakaimpluwensya na ng mga Cristiano, mga kapatid, at kaya, nagkaroon ito ng nakakapinsalang epekto sa paraan ng ating pagtingin sa mga di-Cristiano.

Ang epekto ng pananaw na ito’y makikita sa ginagawa ng samahang ‘Brethren’ [Kapatiran], lalo na sa ‘Plymouth Brethren’ at sa iba pang eksklusibong uri ng samahan ng ‘Brethren.’ Sa katunayan, nais nilang maihiwalay sa lahat ng mga bulok na tao hanggang sa puntong wala na silang anumang ugnayan sa mga ito, dahil baka sila, bilang mabubuting mansanas, ay mahawà sa mga bulok na mansanas. “Dapat kayong tunay na nakahiwalay sa kanila. Tingnan ninyo sila nang may pagkahabag at pagmamaliit bilang ang namamatay na sangkatauhan. Habag, oo, dahil sila’y lubhang bulok, napakasama’t walang silbi.” Ngayon, isama ninyo rito ang ‘Doktrina ng Predestinasyon’ [iyon ay, ang ilan ay pinili na mapasalangit, ngunit ang iba’y di-pinili], mga kapatid, at makikita ninyo kung ano’ng mangyayari: Ano’ng magiging saloobin ko tungo sa mga di-Cristiano? Walang iba kundi pagkapoot: “Hindi lang sila mga bulok, kundi nahusgahan na sila ng pagpipili ng Diyos na mapunta sa apoy ng impiyerno!”

Ngayon, sinasabi ko sa inyo, ang sinumang Cristianong nag-iisip nang ganito, ‘di na kailangan pang sabihin na ang kanyang saloobin tungo sa di-Cristiano ay isang pagkasuklam. Kung hindi pagkasuklam, sabihin na nating pagmamaliit. Pagbababâ. “Ako, bilang isang pinilì ng Diyos, ay naglalakad sa sanlibutang punô ng mga bulok na tao, na pinilì para sa kawasakan.” Hayaang sabihin ko sa inyo na ang gayong doktrina ay lubhang nakakakilabot at nakakasuklam kung ang turò ng Biblia ang tinutukoy!

Ngunit ito ang uri ng doktrina na kinalakihan ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa mga salita ng Panginoong Jesus na nagbunyag ng espirituwal na kahambugan ko sa aking puso. Ito’y kahambugan. Ito’y walang iba kundi espirituwal na kahambugan kahit anupamang itawag dito; balewala ang sabihing ito’y grasya ng Diyos at kung anu-ano pa. Kung ang ‘grasya ng Diyos’ ay nagtatanim ng kahambugan sa inyong puso, huwag nawang ipahintulot ng Diyos na matawag iyon bilang ‘grasya’.

Ipinapanalangin ko na sana’y baguhin ng Diyos ang aking puso upang makita ko ang mga tao tulad ng kung paano sila nakikita ni Jesus. Paano ba niya sila nakikita? Ang tingin niya sa kanila’y bilang kayamanan! Habang lalo kong pinag-aaralan ang mga turo ng Panginoon, mas lalo akong napapamangha nito. Hindi niya sila tiningnan kailanman bilang mga bulok na mansanas! Hindi, hindi! Hindi rin bilang mga walang-silbing bakal. Hindi rin bilang basura man lang. Oh, hindi! Ang tingin niya sa kanila’y bilang mahalaga! Bilang “precious”! Tanging kapag nakikita na natin ang mga taong ito kung paano sila nakikita ni Jesus tayo makakalapit sa kanila na may pag-ibig: ang pag-ibig ni Jesus. Tanging kapag naiaalis na natin ang mga doktrinang nakakaimpluwensya-sa-masama na ito (na nagpabulok ng ating mga isipan at nagtanim ng di-halatang espirituwal na kahambugan sa ating puso), doon lang natin matitingnan nang may pag-ibig ang mga tao. Doon lang natin masasabi na: “Ang lahat ng ito’y grasya!” Nakikita ninyo ba? Dahil ano’ng uri ng grasya ba ang nagpapahambog sa inyo?

Nahulog ang mga Israelita sa ganoong bitag at idalangin natin na hindi rin tayo mahulog sa parehong bitag. Nang sinabi ng mga Israelita, “Kami ang mga hinirang ng Diyos. Kami ang pinili ng Diyos. Higit na mataas kami kaysa sa mga taong ito; sila ay ang ‘massa damnata’ – mga nahatulang tao.” ‘Massa damnata!’ Kataka-taka – ang mga salita ni Augustine sa Latin! Siya’y nangahas na gamitin ang mga salitang ganito. Kahit na bigyang respetong nararapat kay Augustine, kung anuman ang ibig niyang sabihin doon, ito’y isang nakakakilabot na katagâ. Ang ‘nahatulang masa’? Ang ‘nahatulang madla’?

Ano’ng ‘nahatulang masa’? Sila’y kayamanan sa paningin ni Jesus, nais kong tingnan ninyo ito! Nang buksan ng Diyos ang pang-unawa ko rito at muli kong tiningnan ang mga turo ng Panginoon, ako’y namangha nang malaman ko na hindi kailanman itinuring ng Panginoong Jesus ang nawawalang tao sa ganitong paraan. Hindi niya kailanman itinuring ang di-ligtas nang ganito. Tingnan ang mga talinghaga sa Lucas 15. Pag-isipan ang mga ito.

Ang unang talinghaga sa Lucas 15 ay ang Talinghaga ng Nawalang Tupa. Ang ikalawa’y Ang Talinghaga ng Nawalang Salaping Pilak. Ang ikatlo’y ang Talinghaga ng Nawalang Anak. Meron ba ritong walang halaga? Ang tupa ay napakahalaga, kahit hanggang ngayon, at lalo na sa mahirap na magsasakang taga-Palestinya. Malaki ang halaga ng nawalang salaping pilak sa babae; bahagi ito ng kanyang ‘dowry’ o kaloob sa kanyang pag-aasawa. At, kung hindi pa sapat na malinaw ang puntong iyon, ikinuwento pa ng Panginoong Jesus ang tungkol sa nawalang anak.

Si Jesus ay dumating sa mundo upang mamatay para sa walang halagang sangkatauhan. Bakit? Ang sabihing mahal sila ng Diyos ay hindi isang paliwanag. Bakit minahal niya ang mga bulok na mansanas na wala namang anumang kabutihan? Walang ibinibigay na anumang paliwanag ito sa atin. “…ano ang tao upang siya’y iyong alalahanin?” Hay! Ano’ng pagkakamali sa interpretasyon ng Awit 8:4! [Ito’y ginamit ng ilang teologo upang sabihing walang kwenta ang tao.] Tingnan muli ang Awit 8:4 minsan. Ang punto ng Awit 8:4 ay ito: ang Diyos ay nag-aalala sa tao! Ito mismo ang punto niyon. At ang Mang-aawit ay namangha na ang Diyos ay nag-aalala sa tao. Sa kadakilaan ng Diyos, bakit nakukuha pa niyang alalahanin ang tao? Ngunit ito ang katotohanan: Siya’y nag-aalala sa tao.

At ang sumunod na bersikulo, sa b.5, ay nagbigay sa atin ng ideya, “…ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos”. Wow! Kaya pala maalalahanin siya sa tao, doo’y ibinigay ang paliwanag. “…ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos”. Hindi malayo! Ginawa niya tayo mismo sa kanyang anyó. Nais niya na tayo’y maging mga anak niya. Tayo ay mahalaga sa kanya. Ano ba itong sinasabing mga bulok na mansanas?

Sa Awit 115:12, ito ang sinasabi: “Inaalala tayo ng PANGINOON…”. Wala nang lilinaw pa roon, na inaalala niya tayo, na tayo’y may halaga sa kanya! Ito’y mas pinalinaw pa sa Lumang Tipan: “Tunay na ang sumaling sa inyo ay sumasaling sa itim ng kanyang mata.” [Zacarias 2:8] “Ganoon kayo kahalaga sa akin,” at sinasabi niya ito sa isang bayan na rebelde’t suwail – sila’y mahalaga pa rin sa kanya!

Sa Hosea, nangungusap siya tungkol sa mga rebelde’t suwail na bayang ito bilang kanyang “asawang babae”. Ngayon, ano bang mas mahalaga para sa isang lalaki kaysa sa asawa niya? Ngunit ang rebelde’t suwail na bansang ito, tinutukoy niya bilang: “Ang aking asawa na aking inibig” at “Aking iibigin at gagawin ang lahat upang matubos sila mula sa kanilang mga kasalanan.”

Pagkatapos, makikita natin na walang pinagkaiba ang larawan sa Bagong Tipan. Tulad ng ating nakita, sa tuwing nagsasalita ang Panginoon ng tungkol sa mga nawawala, ang tawag niya sa kanila ay mga bagay na may halaga: bilang tupa, bilang salaping pilak, at bilang anak. Kunin nating halimbawa ang talinghaga sa Lucas 15:8-10, Ang Nawalang Salaping Pilak. Doo’y nakikita ninyo na tinukoy ni Lucas ang bawat tao sa talinghagang iyon. Ang bawat makasalanan ay isang nawalang salaping pilak. Pag-isipang sandali ito. Kung kukuha kayo ng maraming salaping pilak at pagsama-samahin ang mga ito, ano’ng meron kayo? Kayo’y may kayamanan. Isang buong grupo ng nawawalang kayamanan!

Iyon mismo ang nangyayari sa Mateo. Kabaligtaran kay Lucas, na ginawang iisang tao lang ang punto, sa Mateo nakita natin na ito’y kanyang ginawang marami. Kadalasan, tumutukoy siya sa dalawa o higit pa. Kaya, kumuha kayo ng maraming nawawalang ginto o pilak na barya at pagsamasamahin ang mga makasalanang ito at kayo’y magkakaroon ng isang nawawalang kayamanan.

Ang Di-Ligtas ay Nawawalang Kayamanan

Ngayo’y simula na nating nakukuha ang punto ng talinghaga sa Mateo. Ano ang nakatagong kayamanan? Ito’y isang nawalang kayamanan. Nakikita ba ninyo ang kahulugan nito? Ito’y nawalang kayamanan. Nakita na natin na ang kayamanan ay natagpuan ng ibang tao dahil ang taong tunay na nagmamay-ari nito ay maaaring napatay o ipinatapon o nagkasakit at namatay o simpleng hindi na mahanap ang itinago niyang kayamanan. Nawala na niya ito. Kaya’t natagpuan naman ng iba. Sa madaling salita, ang talinghaga sa Mateo ay tunay na Ang Talinghaga ng Nawalang Kayamanan, at ang kahalintulad ng nasa Mateo ay Ang Talinghaga ng Nawalang Salaping Pilak na nasa ebanghelyo ayon kay Lucas!

Ang kahulugan ng lahat ng ito’y simula nang lumalabas. Ngunit nakikita ba ninyo, sa sandaling malagpasan na natin ang ating kinikilingang mga paniniwala, na ang nawalang tao’y hindi isang walang-halagang piraso ng barusa na nababagay lamang, sa mata ng Diyos, sa apoy ng impiyerno – hindi! Tunay na napakahalaga niya sa Diyos.

Ngunit maaaring itanong ninyo kung paano naman ang ‘darnel?’ Umaasa ako na naunawaan na ninyo ang Talinghaga ng ‘Darnel.’ Ang ‘darnel’ ay tunay na walang halaga. Ngunit ang ‘darnel’ ay hindi mga di-sumasampalataya; nakita natin na sila’y ang mga huwad na Cristiano. At ano naman ang tungkol sa ipá [chaff]? Ang mga ipá ay mga huwad na Cristiano rin. Tandaan na ang ipá ay dati-rati’y bahagi ng trigo. Nakita natin na sa Biblia, ang trigo ay laging tumutukoy sa mga Cristiano. Ang kahulugan sa gayon ay simula nang lumilitaw.

Ang tanging uri ng tao na espirituwal na walang halaga sa paningin ng Diyos ay ang mga espirituwal na hipokrita, na wala nang lunas. Ito ang uri ng tao na walang halaga, hindi ang mga di-ligtas. Ang mga di-ligtas, kasalungat sa mga huwad na Cristiano, ay mahalaga sa mata ng Diyos. Sila’y mga nawala, ngunit sila’y isang nawalang kayamanan na nais tubusin ng Diyos, na siyang pinuntahan ni Jesus upang tubusin. At sana’y tandaan na ikaw at ako – lahat tayo – ay bahagi ng nawalang kayamanan na iyon, na ngayo’y kanyang natagpuan dahil sa kanyang grasya.

Lubhang napakaganda ng larawang ito kapag simula na nating nauunawaan ang tamang kahulugan. Una sa lahat, ipinapahayag nito ang puso ng Diyos tungo sa isang nawalang sangkatauhan. Tandaan ito! Umaasa akong inyong matatandaan na sila’y mahalaga sa kanya. Sila’y kayamanan, kahit na sila’y nawawala. Pumarito si Jesus sa sanlibutan sa layuning ito mismo: upang hanapin sila. Ito ang dahilan bakit siya pumarito sa mundo: upang hanapin ka’t ako. Ikaw at ako’y bahagi ng nawalang kayamanan na iyon.

Ang Di-Ligtas – Nakabaong Kayamanan

Ngunit higit na pansinin ang kagandahan ng simbolismo sa talinghagang ito, ngayong simula na nating nauunawaan ito nang tama. Ang kayamanang ito ay nawala at nailibing sa mundo. Ang ‘malibing’ ay palaging isang simbolo ng kamatayan sa Biblia! “...patay sa... pagsalangsang at mga kasalanan”! [Efeso 2:1] Nawala! Itinago sa mundong ito! At natagpuan tayo ni Jesus! Ito’y napakaganda! Napakaganda nito. Ngayong nauunawaan ko na ang talinghaga ayon sa itinuturo ng Panginoon, ang buong kahulugan ay lumalabas nang may kabuluhan at yaman. At, habang tayo’y nagpapatuloy, natatagpuan natin kung gaano di-maubos-ubos ang mga yamang ito.

Tingnan nating sandali ang salitang ‘kayamanan.’ Nakita natin na ang kayamanan ay binubuo ng isang bangâ o sisidlang-lupa kung saan nakatago ang mga ginto o pilak na barya, alahas, atbp. Ang kapansin-pansing bagay ay ang larawang ito ang siyang ginamit ni Apostol Pablo, na inaplay sa mga Cristiano. Sa 2 Corinto 4:7, sinasabi niyang, “Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa”. Ang pagkakaiba ng Cristiano at di-Cristiano ay ito: ang Cristiano ay isa na ngayong ‘natagpuang’ kayamanan, samantalang nang siya’y di pa Cristiano, siya’y ‘nawalang’ kayamanan.

Ngunit taglay natin ang kayamanan, at higit pa sa kayamanan dati – ‘ngayon’, dahil higit pa sa ibang mga kayamanan, meron pa tayong kayamanan ng Ebanghelyo sa sarili natin ngayon. Higit na mas mahalaga tayo sa Diyos ngayon dahil taglay natin ang kayamanan ng Ebanghelyo sa atin. Ang Cristiano’y higit na mahalaga, hindi dahil sa kanyang sarili, kundi dahil sa kayamanang inilagay ng Diyos sa kanya. Hindi ito nangangahulugan na ang di-Cristiano’y hindi kayamanan. Ang mga di-Cristiano ay lubhang mahalaga sa Diyos. Subukan nating unawain ang bagay na ito.

Hinahanap ng Diyos ang mga Nawawala

Ngunit pansinin ang sumunod na bagay. Tingnan natin ngayon ang salitang ‘natagpuan.’ Nakita natin na ang salitang ‘kayamanan’ ay ginagamit para sa mga tao, partikular para sa iglesya sa 2Corinto 4:7. Ngayo’y tingnan ang salitang ‘natagpuan.’ Kapag tinitingnan natin ang Biblia, muli’t muli nating nakikita na tayo’y hinahanap ng Diyos. Hinahanap niya tayo at ang layunin niya’y ang matagpuan tayo.

May magandang bersikulo sa Awit 119:176, kung saan sinasabi ng mang-aawit ang magagandang salitang ito: “Ako’y naligaw na parang tupang nawala...”. Naipaalala ba nito sa inyo ang mga talinghaga ng Panginoon? “...hanapin mo ang iyong lingkod, sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.” Siya’y nawala, ngunit taglay pa rin niya ang mga utos ng Diyos. Ipinaaalala nito sa akin ang tungkol kay Pablo at ang kanyang ‘pagkawala,’ nang sinabi niyang, “sa pamamagitan ng aking pag-iisip... ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos...; ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.” [Roma 7:25] Ako’y alipin ng kasalanan ngunit nalalaman ko pa rin kung ano ang mabuti.

Nakita na ba ninyo kung gaano karaming di-Cristiano ang madalas na may malinaw na pang-unawa sa tama’t mali? Naisip na ba ninyo na ang mga di-Cristiano’y may konsensya rin? Na ang mga di-Cristiano’y marami ring nagagawang kabutihan at iyon ay hindi para iligtas ang kanilang sarili, o para maitatag ang anumang katuwiran? Na ang mga di-Cristiano’y nagbibigay rin sa mga mahihirap? Sa katunayan, kung hindi dahil sa suporta ng mga di-Cristiano, maraming mga organisasyong nagbibigay-tulong ang magsasara. May konsensya rin ang mga di-Cristiano. Huwag nating kalimutan iyon.

At sinasang-ayunan iyon ni Pablo. Sinabi niya sa Roma 2 na ang mga di-Cristiano’y may konsensya rin. [b14-15] Ngayon, sa kanyang pag-iisip, madalas niyang ninanais na gawin ang mabuti, kahit na siya’y namumuhay sa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan. Hindi niya kayang mapagtagumpayan ang kapangyarihan ng kasalanan; iyon mismo ang kanyang pagiging ‘nawala.’ Ngayon, may mga di-Cristiano ring palaging nag-iisip ng masama (di maikakaila ito), at may iba namang may konsensya – hinahanap ng Diyos ang lahat ng uri. Dito’y nakikiusap ang Mang-aawit, “Hanapin mo ako; ako’y naliligaw.”

At napansin din natin ito muli sa Ezekiel 34:11, 12 at 16, kung saan paulit-ulit na sinasabi ng Diyos na hinahanap niya ang nawalang mga tupa niya: “Aking hahanapin ang mga tupang nawala.” At sa Ezekiel 34:22 sinabi niya, Aking ililigtas ang aking kawan”. Ang hanapin ay ang iligtas. Ang layunin ng paghahanap ay ang magligtas. Muli, ang lahat ng ito’y nakita na natin sa mga talinghaga sa Lucas 15. Sa bawat panahon, sa bawat henerasyon, naghahanap ang Diyos ng mga tao. Sa henerasyong ito, hinahanap din niya ang kanyang mga tao. Hinahanap niya ang kanyang mga tupa. Iniisip ko kung kayo’y isa na roon.

Naghahanap ang Diyos ng mga Taong Maghahanap sa mga Nawala

Sa bawat henerasyon, naghahanap siya ng mga taong nakahandang pagsilbihan siya, na gaganap bilang ilaw sa sanlibutang ito, na magdadala ng iba sa kaligtasan. Makikita natin na maganda itong ipinahayag sa Ezekiel 22:30, kung saan sinasabi ng Diyos, “At ako’y humanap ng lalaki na tatayo sa puwang... ngunit wala akong natagpuan.” “Naghanap ako ng isang taong tutulong na maligtas ang Israel, na magpapahayag ng katotohanan sa Israel… isang taong magiging alipin ko sa Israel.” Ngunit sa henerasyong iyon, hindi siya makahanap ni isa, at kaya, ang Israel ay nawasak.

Marahil ngayon, sinusubukan din niyang maghanap ng mga taong tatayo sa puwang upang iligtas ang sanlibutan, upang iligtas ang iglesya. Tayo’y iniligtas para iligtas ang iba, hindi lang para iligtas ang ating sarili. At kaya sa 1Samuel 13:14, nakikita natin ang magagandang salitang sinabi ng Diyos nang makatagpo siya ng isang tao, at ang taong iyon ay si David. “Natagpuan ko na ang isang taong ayon sa aking sariling puso na tutupad ng lahat ng aking kalooban.” Makakakita ba siya ng ganoong tao sa panahong ito?

Sa Juan 4:23, sinasabi ng Panginoong Jesus na, “ang mga sumasamba sa Diyos ay ang mga tunay na sumasamba sa espiritu at katotohanan.” Sa sumunod na pangungusap, sinasabi ng Panginoong Jesus na, “sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.” Siya ay naghahanap ng mga tao na alam kung paano sumamba sa espiritu at katotohanan. Hinahanap ng Diyos ang mga ito.

Sa palagay ba ninyo, kapag natagpuan na niya sila, ay nakatagpo siya ng kayamanan? Kapag natatagpuan niya ang mga taong sumasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan, mga taong nakahandang tumalikod sa kanilang mga kasalanan, upang maging malinis sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, upang maging dalisay, upang mapalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan, upang sumamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan, natatagpuan niya ang kayamanan.

Naghahanap ang Diyos ng mga ganoong tao ngayon! Sinasabi ko sa inyo: kapag natatagpuan niya sila, natatagpuan niya ang kayamanan. Iyon ang sinasabi ng Panginoong Jesus, “Kapag ang isang makasalanan ay nagsisisi, ang lahat ng mga anghel sa langit ay nagagalak.” Ganoong kahalaga ang bawat makasalanan sa Diyos! Ano ba itong usapin ukol sa basura, ukol sa bulok na mansanas, ukol sa walang silbing bakal?

Ang bawat makasalanan ay napakahalaga sa Diyos, na kapag ang isang tao’y magsisi’t magbalik-loob sa kanya, ang lahat ng mga anghel sa langit ay nagagalak! Hindi natin kayang maunawaan iyon, ‘di ba? Dahil tayo’y lubhang naturuan sa paniniwala na ang mga makasalanan ay walang halaga. Ano ang kabuluhan ng pagkagalak ng mga anghel? Meron siyang halaga sa Diyos! Meron! Gaanong kahalaga ang talinghagang ito!

Ang Unang Paggamit ng ‘Tago’ – Nakatago Dahil sa Kasalanan

Pansinin ang salitang ‘itinago’ – ‘itinago sa mundo.’ Kapag magsasagawa kayo ng isang masusing pag-aaral sa salitang ‘itinago’ sa Biblia, makikita ninyo na ang salitang ‘itinago’ ay palaging may kaugnayan sa kasalanan sa Biblia. Walang eksepsiyon, ito’y may kaugnayan sa kasalanan o sa bunga ng kasalanan kahit papaano. Wala pa akong nakikitang eksepsiyon. Hanapin man ninyo iyon sa ‘concordance’ [kung saan nakalista ang lahat ng mga salita sa Biblia] at tingnan kung may eksepsiyon. Nag-umpisa ito mula pa noong simula. Nang nagkasala si Adan, ano’ng ginawa niya? Itinago niya ang sarili mula sa Diyos. [Genesis 3:10]

Kapag nagkakasala tayo, itinatago ng Diyos ang mukha niya mula sa atin. Ang kasalanan ang nagtatago ng katotohanan ng Diyos mula sa atin. At itatago ng Diyos ang kanyang katotohanan sa mga taong tinitigasan ang kanilang puso. Nasabi na ang kanilang mga mata’y nakapikit. Hindi nila nakikita ang katotohanang iyon. Ito’y nakakubli mula sa kanila, hindi dahil nais ng Diyos na itago ito, kundi dahil pinatigas nila ang kanilang puso sa kanyang katotohanan. At kaya, tulad din sa Amos 9:3, sinasabi roon na, “Bagaman itago ninyo ang inyong sarili sa akin, maaabot pa rin kayo ng aking paghatol.”

Sinubukan ni Adan na itago ang kanyang sarili. Napansin ninyo ba na tuwing magkakasala kayo, nagtatago kayo sa Diyos? Hindi ang Diyos ang nagtatago mula sa inyo. Nang magkasala si Adan, hindi ang Diyos ang di-pumunta sa hardin. Si Adan ang siyang nagtago mula sa Diyos. Tandaan: hindi ang Diyos ang nagtatago ng kanyang kaligtasan. Tayo ang nagtatago ng ating sarili mula sa Diyos, at samakatuwid, siya’y nakatago mula sa atin. Hindi na tayo matamaan ng kanyang katotohanan dahil tayo’y nakatago, hindi dahil siya’y nakatago. Nagtatago tayo mula sa kanyang liwanag, kaya paano natin makikita ang liwanag niya?

At kaya, maraming beses sa Biblia, lalo na sa Mga Awit, mababasa natin na itinatago ng Diyos ang kanyang sarili, ang kanyang mukha mula sa atin dahil sa ating kasalanan. Itinatago niya ang kanyang sarili, ang kanyang kaligtasan, ang kanyang katotohanan. Itinatago niya ang sarili niya dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit ang sanhi nito ay ang ating mga kasalanan, hindi dahil sa nais niya itong gawin.

Ang pinakamagandang bagay tungkol sa pagtatago ng Diyos ng kanyang mukha – na inyong makikita sa Mga Awit 13:1; 27:9, at marami pang ibang sanggunian sa Biblia – ay ito: na kapag huminto na tayo sa pagtatago mula sa Diyos, nasa daang papuntang kaligtasan na tayo. Kapag tayo’y lumapit sa kanya, makikita nating lumalapit siya sa atin. Malayo lamang siya mula sa atin dahil tayo’y malayo mula sa kanya.

At kaya, makikita rin natin ang magagandang bersikulong ito sa Lumang Tipan, halimbawa sa Mga Awit 32:5. At doon, sinasabi ng Mang-aawit ang magandang bagay na ito: “Hindi ko ikinubli ang aking mga kasalanan sa iyo.” Ngayon, kapag kaya ninyo nang gawin iyon, kapag tumigil na kayo sa pagtatago sa Diyos, kapag hinahanap niya kayo at hindi na kayo tumatakbo palayô sa kanya, sa gayon, kayo’y nasa daan na papunta sa kaligtasan.

 

Tingnan ang mga salitang ito sa Awit 32:5, “Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo, at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan”. Hindi tulad ni Adan, na itinago ang kanyang sarili, ang Mang-aawit ay hindi itinatago ang kanyang sarili. “...aking sinabi,Ipahahayag ko ang aking paglabag sa PANGINOON;at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan.” Oh, napakaganda niyon, ‘di ba?

Kapag huminto na tayo sa pagtatago kapag hinahanap na niya tayo, kapag tinatawag na niya tayo at hindi na tayo nagtatago, kapag ikunukumpisal na natin ang ating kasalanan sa kanya, kapag hindi na tayo gumagawa ng mga dahilan tulad ni Adan, sa pagsabing, “Ito’y dahil sa taong ito at sa taong iyon,” ngunit sinasabi ninyo, gaya ng sinabi ng Mang-aawit, “Hindi ko itatago ang aking mga kasalanan mula sa iyo, ako’y isang makasalanan. Hinihingi ko ang iyong kapatawaran. Wala akong ikinukubli sa iyo,” sa gayon, patatawarin ng Diyos ang inyong mga kasalanan!

Pansinin: ang unang hakbang tungo sa kaligtasan ay kapag huminto na kayo sa pagtatago. Kapag lumitaw na ang kayamanang ito mula sa pagtatago, doon ito maliligtas. Siyempre, sa kalikasan ng talinghagang ito, hindi ninyo ito masasabi sa ganitong paraan dahil hindi kayang maglakad at lumabas mula sa lupa ang kayamanan. Ngunit ang pagkakatagong ito’y laging may kaugnayan sa kasalanan. Napakahalagang matanto natin ito. Kapag huminto na tayo sa pagtatago at ikinumpisal ang ating kasalanan, sa gayon, mapapasa-atin ang kanyang kaligtasan.

Ang Ikalawang Paggamit sa ‘Tago’ – Nakatago kay Cristo

Ngunit ngayon, itatanong ninyo, “Paano naman ang bahagi kung saan tayo ay itinatago ni Jesus; na sa pagkakita niya sa kayamanan, itinago niya ito?” Nakita natin na kapag ito’y iniuukol sa Panginoong Jesus [bilang ang kayamanan], wala itong kabuluhan. Ngunit kapag ito’y iniuukol sa iglesya, ang kahulugan ay napakasimple; ito ay lumilitaw.

Bakit ninyo itinatago ang anumang bagay? Bakit nga ba nakatago ang kayamanan sa simula pa lang? Para ito’y maging ligtas, siyempre! Para ito’y protektahan upang ito’y di-mawala. Ngunit ngayon, ang ikalawang pagtatago matapos itong matagpuan ay mismong para sa layuning iyon – upang ito’y manatiling ligtas. Kapag tiningnan natin ang mga Ebanghelyo, matatagpuan nating ganito parati ito.

Una, itinatago ng Panginoong Jesus ang kanyang pag-aari, iyon ay, pinaprotektahan niya sila mula sa paghuhukom ng Diyos, mula sa matinding poot laban sa kasalanan. Tingnan ang Lucas 13:34, halimbawa: “Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw”. Bakit tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw? Para itago ang mga ito! Itago mula sa ano? Mula sa kapahamakan! Mula sa panganib na madakma ng lawin o agila na umaaligid mula sa itaas, na nagnanais na kainin ang mga sisiw. Kaya, kapag tayo’y naligtas na, itinatago tayo ni Jesus sa kanyang sarili, o mas tamang sabihin, itinatago niya tayo ngayon sa mundo, sa kanyang sarili. Tayo’y nasa mundo pa rin. Iniwan niya tayo sa mundo, ngunit tayo’y nakakubli sa isang diwa para sa proteksiyon natin.

Ikalawa, nakikita natin na itinatago niya tayo para protektahan mula sa masasamang tao. Napakaganda ng pagsasaad nito sa Juan 18:8. Doon, nababasa natin na, nang dumating ang mga tao para dakpin ang Panginoong Jesus, isinuko niya ang sarili, pero ikinubli niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niyang, “Dakpin ninyo ako, ngunit palayain sila,” katulad mismo nitong inahin na nagtatago ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng mga pakpak nito, pinoprotektahan ang mga ito. Ngunit dapat ding tandaan na ang lahat ng ito’y ginagawa sa mundo. At pagkatapos, mapapansin natin na ito ang palaging ginagawa ng Diyos, na pinoprotektahan niya ang kanyang mga tao. Nababasa rin natin iyon sa Mga Awit kung saan ikinukubli niya ang kanyang mga tao. Hindi na muna natin titingnan ang mga ito, dahil napakaraming sanggunian para sa oras natin ngayon. [Hal. Awit 27:5 at 31:20]

Ikatlo, itinatago niya tayo mula sa kaaway. Makikita natin ito sa Colosas 3:3: “...ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos.” Tayo’y nakatago sa mundong ito. Ang katawan ni Cristo’y naririto sa mundo, tandaan natin ito. Tayo ang katawan ni Cristo. At kaya, sinasabi ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad, “Iiwan ko kayo sa mundo.” “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig... (ngunit) sa akin ay magkakaroon kayo ng kapayapaan”. [Juan 16:33]

Kaya, tayo’y kapwa nasa mundo at nasa kanya. Ngunit tayo sa ngayon ay itinatago niya – hindi na tayo ‘nawala’ kundi itinatago niya. Mahalagang mapansin ito. Tayo’y itinatago niya, kahit na nasa mundo tayo. Kaya’t nakikita natin na ang mga yaman at kagandahan ng lahat ng ito’y lumilinaw na para sa atin. Ngunit ngayo’y dalian na natin.

Si Jesus ay ‘Umalis’ Upang Mamatay Upang ‘Bilhin’ ang Bukid, ang Mundo

Napansin natin ang salitang ‘umalis.’ Muli, ang kahulugan nito’y napakayaman. Ang salitang ‘umalis’ sa Griyego ay ang parehong salita na ginagamit ng Panginoong Jesus ukol sa kanyang sarili: ‘pag-alis’ mula sa bukid o sa mundong ito. Madalas natin itong nakikitang ipinapahayag.

Ang Griyegong salitang ito ay ang mismong ginamit sa Juan 13:3, 33, 36 atbp., napakaraming beses. Sa bawat kaso, sinasabi niya sa kanyang mga alagad, “Kailangan kong umalis. Kailangan ko kayong iwanan sa mundo. Sa pupuntahan ko, hindi kayo makakapunta. Kailangan ninyong manatili sa mundo. Proprotektahan ko kayo sa mundo. Huwag kayong matakot! Hindi ko kayo iiwan bilang mga ulila sa mundo. Ngunit ako mismo ay kailangang umalis.” At iyon mismo ang kanyang ginawa.

Ano nga bang ginawa niya nang siya’y umalis? Siya ay umalis para “bilhin ang bukid.” Pansinin ang salitang ‘bilhin.’ Siyempre, ang salitang ‘pag-alis’ ay nangangahulugang ‘mamatay’. Siya ay pumunta sa Ama. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, umalis siya’t pumunta sa Ama.

Ngunit ngayon, pansinin ang salitang ‘bilhin.’ Ang parehong Griyegong salita para sa ‘bilhin’ ay ginamit sa 1 Corinto 6:20 at 7:23. Sa dalawang lugar na ito’y sinasabi na: “Kayo ay hindi sa inyong sarili; kayo’y binili sa isang halaga.” Binili kayo ni Jesus! Ngayon, ito mismo ang sinasabi ng talinghagang ito. Sinasabi ni Jesus na binili niya kayo; tinubos niya kayo para sa kanyang sarili.

Sa 2Pedro 2:1, makikita natin ang parehong pahayag doon; ito ang mga huwad na Cristiano na nagtatakwil sa Panginoong bumili sa kanila. Kapansin-pansin ito. Tandaan ito: sila rin ay binili ng Panginoon, ngunit itinakwil nila siya na bumili sa kanila.

Dinadala nito tayo sa isang napakahalagang punto. Sinasabi ritong ‘binili ang bukid’ – binili ang mundo. Tunay na ito ang ginawa ni Jesus. Ngayo’y nais kong napakalinaw ninyong tandaan ang turo ayon sa Biblia: hindi lamang namatay si Jesus para sa mga Cristiano; hindi lamang siya namatay para sa iglesya. Namatay siya para sa kasalanan ng buong sanlibutan! Iyon ang turo ayon sa Biblia.

Makikita ninyo ito sa 1 Juan 2:2, “Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan.” Binili ni Jesus ang buong bukid. Sa madaling salita, ang lahat ng kayamanan sa mundong ito, ang lahat ng makasalanan sa mundong ito ay sa kanya. Binili niya silang lahat!

Hindi nakapagtatakang siya’y nagagalak kapag bumalik ang isang nawalang makasalanan. Kaya ninyo bang maunawaan ito? Namatay siya para sa kasalanan ng bawat taong naglalakad sa kalye sa labas. Siya’y namatay, hindi lamang para sa ating kasalanan, kundi para sa kasalanan ng buong sanlibutan. Ito ngayo’y ibang-iba mula sa turo na ‘predestinasyon,’ kung saan sinasabi na namatay lamang siya para sa matutuwid. Hindi ko alam kung saan nila ito nakuha sa Biblia. Malinaw na sinasabi ng Biblia sa atin na ang buong sanlibutan ay kanyang binili.

‘Ipinagbili’–Isinuko ang Lahat–ni Jesus Para Palayain Tayo Mula sa Kapangyarihan ni Satanas

Kaya, nalaman natin na ipinagbili ni Jesus ang lahat ng meron siya upang bilhin ang sanlibutan. Inialay niya ang kanyang buhay para tubusin ang sanlibutan para sa kanyang sarili. Ang salitang ‘ipinagbili’ ay nangangahulugan na isinuko niya ang lahat para sa atin. Iyon mismo ang sinabi ni Apostol Pablo sa 2 Corinto 8:9, “bagaman siya’y mayaman,” – ang Panginoong Jesus ay mayaman – “subalit alang-alang sa inyo ay naging dukha”. At ‘di-kataka-taka! Ipinagbili niya ang lahat ng meron siya! Siyempre, magiging dukha siya; ibinigay niya ang lahat para tubusin tayo. At ito’y alang-alang sa atin! “...upang sa pamamagitan ng kanyang kadukhaan ay maging mayaman kayo.” Ang Anak ng Diyos ay naging dukha!

Ngayon, naaantig ang puso ko nito. “…upang tayo’y matubos niya.” [Tito 2:14] “...noong tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.” Iyon ang sinasabi ni Pablo sa atin sa Roma 5:8. Habang mga kaaway pa niya tayo, habang tinatanggihan pa natin siya – namatay siya para sa atin. Namatay siya para sa mga kasalanan ng buong sanlibutan. Namatay siya para sa aking mga kasalanan bago pa ako nanampalataya sa kanya, nang ako’y kanya pang kaaway. Ngayon, napakaganda niyon, ‘di ba? Ito’y kamangha-mangha – ang turo ng Panginoon. Ang buong ebanghelyo ay naibuod nang ganito. Hindi ninyo masasabi ito nang mas malinaw pa – ang buong Ebanghelyo! Paano pa ninyo masasabi ito nang higit na malinaw?

At kaya, itong buong bukid ay natubos. Ngunit hindi ibig sabihin niyon na ang bukid ay nasa pag-aari na ng Panginoon ngayon. Kahit na sinabi ni Juan sa 1Juan 2:2 na namatay si Jesus para sa kasalanan ng buong sanlibutan, sinasabi rin niya sa 1Juan 5:19 na kahit na may karapatan na si Jesus na angkinin ang bukid na ito sa pamamagitan ng karapatan ng pagkakatubos – may kapangyarihan pa rin si Satanas sa bukid na ito. Nakuha niyang pangharian ang bukid; dumating siya’t inagaw ang bukid. At kaya, sa 1Juan 5:19 sinasabi sa atin na: “...ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.” Iyan ang dahilan bakit pumarito si Jesus, para tubusin tayo, dahil ang sanlibutan ay nasa kapangyarihan ni Satanas. Hindi kayang palayain ng sanlibutan ang sarili nito. Dumating si Jesus para tayo ay palayain.

Oh, ang turong ito’y napakaganda! Ipinagbili niya ang lahat para bilhin tayo; “kayo’y binili sa isang halaga”. Hindi na kayo sa inyong sarili. Huwag na kayong mamuhay na para bang kayo ang nagmamay-ari ng inyong sarili. Anumang meron kayo o inyong taglay ay hindi ninyo na pag-aari. Tingnan ninyo ang ‘jacket’ kong ito, ito’y pag-aari ni Jesus. Ang korbatang ito’y kay Jesus. Ang relong ito’y kay Jesus. Bawat sentimo sa aking bulsa ay pag-aari niya. Bawat upuan sa aking bahay, o ang bahay mismo – lahat ay pag-aari niya!

Ako’y binili sa isang halaga, samakatuwid, ang lahat ng meron ako, bawat sandaling nabubuhay ako, bawat hininga ko, bawat minutong meron ako, ay pag-aari niya. Dahil tayo’y binili niya, tayo’y kanyang pag-aari na! Tayo’y kanyang kayamanan na ngayon. “...at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.” (1Corinto 3:23) Kaya pala ang tawag sa Biblia sa mga tao ng Diyos ay bilang kanyang “espesyal na pag-aari”, ang kanyang mahalagang pag-aari. Mababasa rin natin ito sa 1Pedro 2:9: “sambayanang pag-aari ng Diyos” – isang espesyal na pag-aari ng Diyos, na mahalaga sa kanya.

Ang Katotohanan ng Salita ng Diyos ay Dapat Makapagbago sa Atin

Kaya’t iiwan ko ito sa inyo para makita. Sa palagay ninyo ba’y ito’y isang pagbibigay ng opinyon lang? Nakikita ba ninyo na ang Salita ng Diyos ay malinaw at tuwiran? Ito’y kahanga-hanga sa bawat aspeto ng larawan; na sa sandaling makita ninyo nang tama, ang bawat bahagi ng larawan ay may kahulugan! Ang bawat bahagi nito’y may buhay ng Diyos na tumitibok dito!

Ngunit, kapag mali ang pagkakaunawa ninyo rito, walang bahagi nito ang lalabas na may kabuluhan; hindi ninyo na ito mauunawaan pa. Ganoon ang turong Biblikal. Ganoon ang Salita ng Diyos. Ito’y hindi batay sa sariling interpretasyon. Ito’y simpleng ukol sa katotohanan lamang, na minsang nasa sa atin na ang susi nito, nabubuksan ang bawat pinto sa mga kuwarto ng bahay. Ngunit kung wala sa inyo ang susi, hindi mabubuksan kahit na anupaman; kahit saan kayo bumaling, nakasara ang pinto.

Kaya ngayon, nakikita nating bumukas ang buong talinghaga para sa atin. Muli, para sa akin ang pinakamahalagang punto tungkol sa lahat ng ito ay ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus sa atin, na hinahanap niya tayo. Ang pinakamalaking pagbabago sa aking isipan, bilang pagbubuod sa ating pagtatapos, ay ang katotohanan o ‘fact’ na buô nitong binabago ang pakikitungo ko sa mga di-Cristiano. Tulad ng nasabi ko sa umpisa, inaamin ko ang aking pagkakamali. Hindi ko kayang mahalin ang mga di-Cristiano dahil hindi ko kayang mahalin ang mga bulok na mansanas. Hindi ko kayang mahalin ang mga di-Cristiano dahil hindi ko mahal ang walang-silbing bakal. Ngunit nang simula kong matanto na mahalaga ang mga taong ito sa Diyos, na sila’y kayamanan, kahit na sila’y mga ‘nawalang’ kayamanan, sa gayo’y minamahal ko sila, dahil minamahal sila ng Diyos.

At muli, sasabihin ko na ang doktrina na tumuturing sa mga di-Cristiano bilang walang kahalagahan, na nababagay lamang sa apoy – isang doktrinang tumuturing sa kanila bilang isang grupo ng mga isinumpang tao; isang doktrinang tumuturing sa kanila bilang nakalaan para mawasak – ay isang doktrinang hindi nababagay sa Ebanghelyo, hindi nababagay na pumailalim sa pangalan ng Cristianismo. Ito’y kasuklam-suklam. Ito’y isang pagliligaw mula sa katotohanan.

Ipinagdarasal ko na ikaw at ako ay matuto, sa ating paghayo ngayon, na makita ang sanlibutan, ang mga makasalanan na nawawala sa mundo, nang tulad kung paano sila nakikita ng Diyos. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan…”. [Juan 3:16] Hindi ko maunawaan kailanman ang bersikulong iyon dahil sa aking espirituwal na kinalakihang turo. Ngayon nauunawaan ko na. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos dahil ang sanlibutan ay mahalaga sa kanya. Ang makasalanan na nawala ay mahalaga sa kanya.

Ngayo’y hahayo ako sa grasya ng Diyos at titingnan ang mga taong ito, nang wala nang pagmamataas: “Ako ang hinirang; ikaw ay hindi hinirang,” kundi simple bilang, “Ako’y isang natagpuang kayamanan at ikaw, sa ngayon, ay isang nawalang kayamanan. Ikaw ay isang kayamanan gaya nang pagiging kayamanan ko. Ang di-Cristiano ay isang kayamanan, gaya rin ng pagiging kayamanan ng Cristiano. Ang pagkakaiba lamang ay: ang isa, sa grasya ng Diyos, ay natagpuan na, at ang isa nama’y hindi pa, ngunit malapit nang matagpuan, na ating ipinapanalangin.

Kaya, pinupuri natin ang Diyos sa kanyang kahanga-hangang Salita. Ang nakapagpapabago niyang Salita ay nagbabago ng ating saloobin at hinuhubog tayo tungo sa kanyang anyô; hinuhubog ng Salita niya ang paraan ng pag-iisip natin gaya ng kanyang pag-iisip, at ang pagtingin natin sa mga di-Cristiano nang gaya ng pagtingin niya sa kanila. Kaya, tulungan nawa tayo ng Diyos sa paghayo, na pinasasalamatan siya sa kahanga-hangang pag-ibig na ito na naghanap sa atin!

Katapusan na mensahe.

¹Ginamit sa lahat ng bersikulo, maliban kung saan isinaad na hindi, ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Philippines, 2001.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church