You are here

Ang Talinghaga ng Mga Damo sa Triguhan

Ang Talinghaga ng Mga Damo sa Triguhan

Mateo 13:24-30 at 36-40

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Sa araw na ito, dadako tayo sa Mateo 13:24-30 at pagkatapos ay sa bb.36-43. Hayaang basahin ko sa inyo ang siping ito:

Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis. Kaya’t nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo. At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba’t mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami’y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’ Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”¹

At ang paliwanag ng talinghagang ito ay kasunod sa bb.36-43:

Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.” Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama. Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. Kaya’t kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan; at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Kung magkagayo’y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Ang pangwakas na mga salitang iyon ay laging ginagamit ng Panginoong Jesus kapag may sinasabi siyang napakahalagang bagay.

Bago tayo magpatuloy, nais kong banggitin ito sa inyo, na habang tinitingnan ninyo ang talinghagang ito, makikita ninyo agad na tinutukoy nito ang dalawang uri ng pananim sa kaharian ng Diyos: ang trigo at ang damo. Nais kong tandaan ninyo ito at punahin at pag-isipan kung ano ang kapuna-punang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang ito: ang dalawang uri ng tao sa kaharian ng Diyos.

Ang Kaharian ng Diyos ay ang Paghahari ng Diyos

Pansinin kung paano nagsimula ang talinghaga. Sinasabi sa umpisang mga salita, “Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit…’.” “Ang kaharian ng langit” sa Mateo ay katumbas ng “kaharian ng Diyos” sa Lucas. Ang tinutukoy rito’y ang paghahari ng Diyos. Maraming tao sa ngayon ang di-pamilyar sa katagang “kaharian ng Diyos”. Itinatanong nila: “Ang tinutukoy ba bilang ‘kaharian ng Diyos’ ay ang church? Ano ang ibig sabihin nito? Ang kaharian ng Diyos ay nangangahulugang ang pamamahala ng Diyos, ang paghahari ng Diyos, sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Ang salitang isinalin mula sa Griyegong ‘basileia’ bilang ‘kaharian’ ay mas tamang isalin bilang ‘paghahari’. Makikita ito sa wastong salin sa Juan 18:36 kung saan sa panayam kay Pilato, ang gobernador ng Judea, sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi sa mundong ito galing ang paghahari ko.” [BSP²] Iyon ang tamang salin – “paghahari”.

Babalâ: Ang Paghahari ng Diyos ay Maaaring Bawiin Mula sa Atin

At kaya, ito’y isang talinghaga, tulad ng marami sa mga talinghaga ng Panginoong Jesus, na tungkol sa paghahari ng Diyos, sa pamamahala ng Diyos sa mundo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Anong ipinapahayag nito sa atin? Paano natin ito mauunawaan? Kung susuriin at ipapaliwanag ko ang katagang “kaharian ng Diyos”, aabutin tayo ng maraming oras, pero upang sabihin ito sa simpleng kahulugan, na madali nating mauunawaan, basahin natin ang Mateo 21:43.

Dito, heto ang sinasabi ng Panginoong Jesus, “Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos” – kukunin mula sa mga Judio – “at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito’.” Ito’y isang mahusay na bersikulo para maunawaan ang kahulugan ng salitang ‘paghahari’. Sana bilang mga tunay na Cristiano, totoong nauunawaan ninyo ang salitang ‘kaharian ng Diyos’ o ang ‘paghahari ng Diyos’. Kung ito’y muli ninyong babasahin, sa halip na ‘kaharian ng Diyos’, ganito ninyo ito basahin, “Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang paghahari ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito,” at pareho rin ang isinasaad na kahulugan.

Anong ibig sabihin nito? Nakikita natin na ang church ay hindi katumbas ng kaharian ng Diyos, dahil natanto natin na ang ‘kaharian’ dito ay maaaring kunin mula sa isang bansa at ibigay sa ibang bansa. Itong bagong bansa kung kanino ibinigay ng Diyos ang paghahari niya, siyempre ay ang church – ang tinutukoy na “isang bansang banal” sa 1 Pedro 2:9. At kaya, ang paghahari ng Diyos ay binawi mula sa Israel.

Ngayon, nais kong tandaan ninyo ang katotohanang ito, na ang katuruan sa Banal na Kasulatan ay: maaaring ibigay ang paghahari ng Diyos sa inyo, pero maaari rin itong bawiin. Samakatuwid, ang paghahari ng Diyos ay hindi isang permanenteng pag-aari na pwede ninyong angkinin pangwalang-hanggan. Ibinigay ng Diyos ang kanyang paghahari sa Israel. Siya ay Hari sa Israel, pero binawi niya ang kanyang paghahari at ibinigay ito sa church.

Ito mismo ang sinasabi ni Pablo sa Roma Kapitulo 9-11, lalung-lalo na sa Kapitulo 11, kung saan ang Israel (ang sanga ng punong olibo) ay binali, at ngayon, kayo (ang church) na di-bahagi ng tunay na puno, ay itinanim sa punong ito. [Roma 11:17-18] Ito ay ibang paglalarawan na nagsaad ng parehong kahulugan. Anong sinasabi nito? Ang pagkakaroon ninyo sa Diyos bilang hari ay isang pinakamataas na pribilehiyo, dahil ibig sabihin nito’y pumasok kayo sa isang natatanging ugnayan sa Diyos, tulad ng Israel, na sila’y may espesyal na ugnayan sa Diyos. Maliban sa Israel, wala nang ibang bansa pa ang makapagsasabing ang Diyos ang Hari nila. Ito ay katangi-tangi. Ang ibang mga bansa’y may mga hari, pero taglay ng Israel ang Diyos dahil may espesyal silang ugnayan sa Diyos. Sila ay ang kanyang bayan, at siya naman ang kanilang Hari. Sa pamamagitan ng Tipan, siya’y naging Diyos nila at sila’y naging mga tao niya.

At kaya, gayundin tayo, sa pamamagitan ng Bagong Tipan, ay naging mga tao niya at natanggap ang paghahari ng Diyos. Natanggap ninyo na ba ang paghahari ng Diyos? Depende iyon kung si Jesus ang Hari ng inyong buhay. Ang pagharian ni Jesus sa buhay ay nagdudulot siyempre ng mga responsibilidad at ng sakdal na mga pribilehiyo. Anong pribilehiyo? Tanging ang mga pinaghaharian ni Jesus lamang ang makakakamtan ng ‘blessings’ o mga biyaya na ibinibigay ng Diyos sa kanila, gaya ng buhay na walang hanggan, na isang napaka-pangunahing bagay; gaya ng bunga ng Espiritu, na nanggagaling sa pamumuno niya sa inyong puso. Dinadala niya ang lahat ng ito sa inyong buhay. Dinadala niya ang katuwiran, ang kabanalan sa inyong buhay kapag pinamamahalaan niya ito. Pero kung hindi siya naghahari sa inyong buhay, di kayo bahagi ng kaharian ng Diyos. At kaya, hindi lahat ng tinatawag na Cristiano ay tunay na Cristiano. Ito mismo ang punto ng talinghaga. Sana’y agad-agad ninyong maunawaan ito. Ang talinghagang ito’y tungkol sa paghahari ng Diyos.

Ang isa pang bagay na kailangan nating maunawaan tungkol sa kaharian o paghahari ng Diyos ay ang pagkakaroon nito ng dalawang yugto. Ang una’y ang pangkasalukuyang yugto, at ang isa pa’y ang panghinaharap na yugto. Dito, ang pinag-uusapan natin ay ang pangkasalukuyang yugto, at ang huling bahagi ng talinghaga ay tungkol naman sa panghinaharap na yugto, kung saan ang lahat ng mga gumagawa ng masama ay titipunin, at itatatag ng Diyos ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng paghatol at katarungan.

Napakahalaga ng talinghagang ito. Tulad ng nakita natin, ito’y nagtatapos sa mga salitang, “Ang mga may pandinig ay makinig.” May mga taong may pandinig pero di nakikinig. “Ang mga may pandinig...”. “Pinapakinggan ng mga tupa ang (aking) tinig…”. “Kilala nila ang (aking) tinig.” [Juan 10:3-4] Ang tinutukoy ay yung mga may pandinig na nakikinig, na handang maging mga tupa niya dahil handa silang koronahan siya bilang Hari ng kanilang buhay.

Ang isa pang dahilan bakit napakahalaga ng talinghagang ito ay isa ito sa dalawang natatanging talinghaga (ang isa’y Ang Talinghaga ng Manghahasik) na nabigyan ng paliwanag! Ang ibang talinghaga’y walang ibinigay na paliwanag. Isa ito sa dalawang talinghagang may kasunod na paliwanag. Ibig sabihin, ito’y isang pundasyong talinghaga, gaya ng Talinghaga ng Manghahasik.

Kapag pinag-aaralan ko ang turo ng Panginoong Jesus, mas lalo akong namamangha sa lalim, sa yaman, sa kapangyarihan ng turo niya. Hindi ko makakayang talakayin ang lahat ng yaman ng talinghagang ito sa iisang mensahe lang. Kaya sa araw na ito, titingnan natin ang ilan sa mga pangunahing elemento o nilalaman ng talinghagang ito. Sadyang napakayaman at napakalalim ng mga talinghaga ng Panginoong Jesus, kaya hindi kayang talakayin sa isang mensahe lang. Pipiliin natin ang mga pangunahing nilalaman at titingnan ang mga ito.

Lumapit sa Salita ng Diyos na Walang Mga Nauunang Ideya

At isa pang bagay: mas lalo kong pinag-aaralan ang mga turo ng Panginoong Jesus, lalo akong namamangha bakit hindi ine-expound o hindi ibinubunyag ang kahulugan ng mga ito. Nagtataka ako kung ilan kaya sa inyo ang nakarinig na ng pagbubunyag sa mga turo ng Panginoon sa isang may-sistemang paraan? Isa na akong Cristiano sa loob ng 20 taon pero hindi ko pa naririnig ang pagpapaliwanag sa turo ng Panginoon mula sa malalim nitong ibig-sabihin. Saanman kayo pumunta, kumukuha lang ang mangangaral ng isang bersikulo galing kay Pablo saanman at kadalasan ay ang parehong mga bersikulo lang ang ipinapangaral nila. Para bang gusto lang manatili ng mga mangangaral na ito sa kakarampot na bersikulo. Para bang wala silang kumpiyansang tumalakay ng mga bersikulo maliban sa mga iyon. Hindi ninyo maaaring ipangaral ang Biblia nang ganito, dahil kayo ay magiging tunay na di-balanse o ‘lopsided’ kung pipiliin lamang ninyo ang konting bersikulong ito parati. Dapat ninyong ituro ang buong Salita ng Diyos, ang ‘whole counsel of God’ o buong kapasiyahan ng Diyos [Gawa 20:27]. Iyan ang dahilan kung bakit tinatalakay natin sa kabuuan ang mga turo ng Panginoong Jesus, hindi pumipili ng bersikulo dito’t doon, kundi pinag-aaralan ang lahat ng sinasabi ng Panginoon at nagsusumikap na unawain ang mga iyon, sa paggabay ng Banal na Espiritu.

Ang nangyayari’y ito: mas lalo kong pinag-aaralan ang turo ng Panginoon, at kinukumpara ito sa turo ng church, mas lalo kong nakikita ang nakakagulat na kaibahan. Mas lalo kong nakikita na, kapag nagsimula kayo sa mga turo ng church, hindi ninyo na kayang ipaliwanag ang turo ng Panginoong Jesus dahil sarado na ang inyong isip sa itinuturo niya. Meron nang nakatanim na mga doktrina sa inyong isip – mga katuruang dogmatiko na pumipigil sa inyo na maunawaan ang turo ng Panginoon. Ito ang natagpuan kong nangyari sa akin.

Noong una kong pinag-aralan ang mga turo ng Panginoong Jesus, hindi ko ito maunawaan. Isa itong saradong libro sa akin. Sarado ito sa akin dahil parang nagsasalita ito ng isang wikang hindi ko nauunawaan. At hindi ko maunawaan ang lengguaheng iyon dahil naitanim na sa aking isipan ang mga doktrina at mga ‘dogma’, na nang mabasa ko ang mga turo ng Panginoon, parang ito’y salungat sa aking mga natutunang doktrina. At kaya, isinara ko ang aking isipan sa mga turo ni Jesus, na malimit na ginagawa ng mga nasa church.

Nais kong sabihin ito bilang isang babalâ. Hangga’t hindi kayo lumalapit nang may bukás na isipan at isasantabi ang inyong mga ‘dogma’ at doktrina, tunay na di ninyo mauunawaan ito. May mga pastor at mga church ngayon na laging nagsasabing, “Kailangang magturo ng mga ‘dogma’ at doktrina.” Oo! Kailangang magturo ng mga ito. Pero, kaninong ‘dogma’? Kaninong doktrina? Iyon ang tanong. Kaninong mga ‘dogma’? Kaninong mga doktrina? Naisip na ba ninyo ang tungkol dito? Ituturo ba natin ang ‘dogma’ ng isang tao? Ang ‘dogma’ ay mga pagtuturo na ginawa ng tao; dapat alam ninyo iyon. Gumawa ang tao ng mga pakahulugan o definitions tungkol sa mga bagay na ito, na tinatawag na mga ‘dogma’, at minsang tanggapin ninyo ang mga ito, hindi na kayo tatanggap pa ng iba. Iyan ang dahilan bakit nagpupumilit sila na magkaroon kayo ng mga ‘dogma’, siyempre dahil ang mga ito’y makakapagpatatag ng inyong pag-iisip sa isang partikular na paraan.

Sana ay meron tayong iisang ‘dogma’, kung kinakailangan nating magturo nito, at ito ay: na anuman ang sabihin ni Jesus ay totoo. Ito ay sapat na para sa akin. Susunod ako dito, anuman ang sabihin niya. Ang mga salita niya – ang mga ito’y espiritu’t buhay! [Juan 6:63] Hindi ko hahayaan ang ‘dogma’ o doktrina ninuman ang magpasya kung tatanggapin ko o hindi ang mga turo ni Jesus. At kung ang anumang ‘dogma’ ay maaaring maipaliwanag sa liwanag ng kanyang itinuro, na hindi sumasalungat sa mga turo niya, kahanga-hanga iyon. Okey iyon para sa akin. Pero hindi na ako babalik pa sa mga panahon na ang isipan ko ay punong-puno ng mga ‘dogma’ at doktrina na hindi ko kayang maunawaan ang mga turo ng Panginoon, dahil sinarado ng mga ito ang isipan ko sa mga katuruan niya.

Halimbawa, kung lalapit kayo sa Salita ng Diyos na may paniniwala na totoo ang isang bagay, sabihin na natin na ito’y: ang buhay na walang-hanggan ay matatanggap lamang sa pamamagitan ng pananampalataya na hindi na nangangailangan ng kabanalan (ito’y isang pamantayang itinuturo sa mga church ngayon: ang kabanalan ay pangalawang yugto lamang sa buhay-Cristiano), kung gayo’y matatagpuan ninyo na imposible para sa inyo ang tanggapin ang mga turo ng Panginoon. Sa inyong isipan, napagpasyahan ninyo na kung anong totoo o hindi. At dahil nauna na kayong nakapagpasya, hindi na kayo makikinig pa sa anupamang iba. Kapahamakan ito. Sa panahon ngayon, kapag nagsasalita tayo ng mga ‘dogma’ at doktrina, malimit na tinutukoy nito ang doktrina ni Calvin, ni Agustin, o ang mga doktrina ng Simbahang Romano.

Kung kayo’y Romano Katoliko, siyempre pinanghahawakan ninyo ang doktrina ng Romano Katoliko. At kaya hindi ninyo na pakikinggan kung anong sinasabi sa Biblia. Halimbawa, naniniwala na kayo sa purgatoryo. Iyo’y isang dogma na ng simbahan. Kaya kapag binasa ninyo na ang Biblia at hindi ninyo nakita ang purgatoryo roon, anong gagawin ninyo? Sasabihin ninyo bang, “Wala akong pakialam kung may purgatoryo man o wala sa Biblia. Sinabi sa simbahan na may purgatoryo, at ito’y tinatanggap ko.” Hindi kataka-takang napakasigasig nilang magturo ng mga ‘dogma’ at doktrina! Hindi nakakagulat, ‘di ba?

Ipinahayag din ng Simbahang Katoliko na sa labas ng Simbahang Romano, walang kaligtasan. Binago na nila ang pahayag na iyan mula noong panahon ng Vatican II. Pero isa itong dogma nila dati-rati. Tingnan ninyo, ang mga doktrina ng tao ay maaaring mabago. Kaya, sino ang tama – ang doktrina bago ang Vatican II o ang doktrina pagkatapos ng Vatican II? Naku! Lagot! Kaya, tayo’y pumarito sa Salita ng Diyos, kung hindi’y makakagawa tayo ng mga kataka-takang bagay.

O di kaya’y sasabihin nating tayo’y maliligtas sa pamamagitan ng “pananampalataya lang, na hindi na kailangan ang kabanalan, at iyon ang pakahulugan o definition natin sa pananampalataya.” Kung iyon ang sinasabi natin, kung gayon siyempre, kapag nangangaral ako ng tungkol sa kabanalan, sasabihin ng mga tao na, “Hoy, huwag kang magsalita tungkol sa pagiging banal; dahil, kung gayon, nangangaral ka ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa.” Nakita ninyo? Isinara na ng ating ‘dogma’ ang isipan natin sa mga turo ng Panginoong Jesus.

Hinihiling ko lang, sa pagparito ng isang tao, na bukás ang puso niya. Kaninong ‘dogma’ at doktrina ang tinuturo natin? Ang mga taong nagsasalita ng tungkol sa doktrina ay nagsasabing, “Ituro natin ang mga doktrina ni Calvin”, na para bang ang mga doktrina ni Calvin ay katumbas na ng Salita ng Diyos. O kung sila’y mga Romano Katoliko, ang sasabihin nila’y, “Ituro natin ang mga doktrina ng Simbahang Romano Katoliko”, na para bang ang doktrina nila’y katumbas na ng Salita ng Diyos – o mas magaling pa sa Salita ng Diyos! At pagkatapos, anong nangyayari? Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus sa mga Fariseo, “Isinasantabi ninyo ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong mga doktrina.” Mababasa sa Marcos 7:9 na: Sinabi pa niya sa kanila, ‘Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon!’” Sa katunayan, tinutukoy ng ‘inyong mga tradisyon’, sa katawagang-Fariseo, ang kanilang mga doktrina. Isinasantabi ng mga doktrina nila ang Salita ng Diyos. Kailangan lang ninyong tingnan ang ‘Mishnah’³ para makita kung paano nito isinasantabi ang Salita ng Diyos, upang patuloy na panghawakan ang mga doktrina nila.

Kaligtasan - Para sa Nagtuturing kay Jesus Bilang Panginoon

Kaligtasan – Para sa Nagtuturing kay Jesus Bilang Panginoon

Ikonsidera natin kung gayon kung ano ang turo ng Panginoon. Sasabihin ko sa inyo rito kung anong itinuturo ng Panginoon tungkol sa kaligtasan, sa napakaikli subalit salitang malamán, at hahayaang ihambing ninyo kung kapareho nito ang itinuturo ng church.

Ito ang itinuturo ng Panginoon: tayo ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, na ang pakahulugan ay ang ating buong komitment sa kanya bilang Panginoon. Ipinahayag niya ito sa mga salitang hindi magkakamali, gaya ng, “At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” [Mateo 10:38] Wala na kayong makukuhang mas simple pa sa mga salitang iyan! Ang “nagpapasan ng kanyang krus” – ay nangangahulugang – “nakahanda siyang isuko o ialay ang buhay niya, na buo niyang ikinokomit ang kanyang buhay nang walang anumang pasubali sa akin, bilang Panginoon ng kanyang buhay, para gawin ang anumang iuutos ko sa kanya, kahit na sa puntong pasanin niya ang krus at maipako. At ang hindi gumawa niyon ay hindi karapat-dapat sa akin.”

Di ba’t napakaliwanag? Ito ang mga salita ni Jesus. Naisara na ba ng ating mga doktrina ang isipan natin sa gayong katuruan? Sinasabi natin: “Hindi maaaring humingi ng lubus-lubusan ang Panginoon. Isa siyang mapagmahal na Panginoon; hindi siya humihingi ng gayong kalaki mula sa atin.” Ang mga doktrina natin ang nagbuyo sa ating isipan para tanggihan ang mga turo ni Jesus. “Hindi posibleng hihingi ng napakalaki sa atin si Jesus. Ibinibigay ni Jesus ang lahat sa atin, pero wala siyang hinihinging anupaman mula sa atin.” Iyan ang katuruan ngayon. At kaya, ayaw nating pakinggan ang turo ni Jesus. Okey, iyon ang unang punto. Iiwan ko sa inyo ang pagpapasya kung iyan nga ba o hindi ang sinabi ng Panginoon. Ang unang punto kung gayon ay ito: Ang buong komitment ay ipinapahiwatig ng mga salitang: “Ang hindi magpasan ng kanyang krus, ang hindi magtakwil sa sarili, maging sa sariling buhay, ay hindi maaaring maging disipulo ko. Ang ganoong tao ay hindi karapat-dapat sa akin.”

Pananalig na May Buong Komitment—Nagreresulta sa Pagbabago

Ngayon, ang sinumang gumawa nito, anong mangyayari sa kanya? Ang mangyayari’y ito: kung siya ay lalapit sa Panginoong Jesus at sasabihing, “Panginoon, nagsisisi ako mula sa aking mga kasalanan. Papasanin ko ang aking krus at susunod sa iyo. Ikaw ang Panginoon ng aking buhay”, siya’y muling ipapanganak sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Siya ay binago; ang buhay niya’y nabago; ang buhay ng Diyos ay dumating sa kanyang kaluluwa. Ito ang tinatawag na “regeneration” o muling kapanganakan sa diwa ng Biblia, na nangangahulugan ng pagbabago. Hindi ka na ang dating ikaw; ikaw ay isa nang taong ‘binago.’

Sinabi ni Pablo, “Kaya’t kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang.” [2 Corinto 5:17] Naririnig nating ipinapangaral ito sa panahon ngayon, pero parang ibig sabihin lang nito’y isang bagong katayuan o status para sa isang tao, iyon lang! Pero ang isang bagong nilalang ay di isang bagong katayuan. Kung lilikha ako muli mula sa isang bagay, ang bagay na iyon ay mababago. Ang isang bagong nilalang ay nangangahulugang siya’y nabago. Hindi nito ibig-sabihin na may iba siyang ‘legal’ na katayuan sa harap ng Diyos, na siyang sinasabi ng halos lahat ng mangangaral ngayon, na nais limitahan ito hanggang dito lang. Kaya, sa pamamagitan ng pananampalatayang may buong-komitment, ikaw ay nabago, na-transform. Ikaw ay naging isang bagong tao kay Cristo. Iyan ang makapangyarihang nakakapag-bigay-buhay na katuruan ng Panginoong Jesus kumpara sa katuruang hinaluan at pinadali, na maaaring narinig na ng ilan sa inyo.

Ano ang bunga ng pagbabagong ito? (Tungkol sa bagong pagsilang, hindi ko na kailangang banggitin sa inyo; ito’y binanggit sa Juan 3:3 at 5, na madalas ding itinuturo ngayon, pero para sa akin ay parang isang bagong katayuan lang, walang anumang pagbabago ng buhay. Pero ang pakahulugan ng Panginoon ay isang pagbabago, tulad ng buong pagkaunawa ni Pablo.) Anong nangyayari? Ang pagbabago ay napaka-kumpleto sa kaloob-looban nito – hindi ibig-sabihin na kayo’y di na nagkakasala, kundi’y nagtatrabaho na ang Espiritu ng Diyos sa inyong buhay upang makapagbunga kayo ng isang bagong buhay, na tinatawag na ‘kabanalan’. Iyan ang dahilan bakit, “...kung walang kabanalan, walang sinumang makakakita sa Diyos,” na siyang sinabi ng nagsulat sa mga taga-Hebreo. Ang bersikulong ito’y kailangan kong ulit-ulitin sa inyo para makuha ninyo ang mensahe dahil ang mga salitang ito’y lubos na ibinubuod ang turo ng Banal na Kasulatan.

Sinabi sa atin sa Hebreo 12:14 na, “Pagsikapan ninyong magkaroon ng... kabanalan na kung wala nito’y walang sinumang makakakita sa Panginoon.” Bakit? Dahil ibig-sabihin, ang inyong buhay ay hindi pa nababago. Kung ang buhay ninyo ay nabago, magbubunga ito ng kabanalan, dahil ang Espiritu ng Diyos ay ang Banal na Espiritu. Kung nasa inyo ang Banal na Espiritu, siguradong magiging banal kayo! “Kayo’y maging banal, gaya ng inyong Ama sa langit, na banal.” [1 Pedro 1:16]. Siya’y banal. Siya’y sakdal o ‘perfect’. Ang dalawang salitang ito: “maging banal” at “maging sakdal” ay ginamit sa Bagong Tipan. Iyan ay isang buod ng turo ng Panginoon. Ngayo’y dali-dali na nating puntahan ang talinghaga at ang mga pangunahing nilalaman nito.

Ang Talinghaga ng Darnel Kasama ng Trigo

Una sa lahat, pansinin natin na ang talinghagang ito, sa epekto nito, ay isang propesiya. Sinasabi sa atin nito kung anong magiging kalagayan sa kaharian ng Diyos, iyon ay, kung anong mangyayari. Ang kalagayan ng kaharian ng Diyos ay inilalarawan sa talinghagang ito. Sa talinghagang ito, kung gayon, agad nating nakikita na merong dalawang uring tumutubo.

Ang Trigo – Ang Mga Anak ng Diyos ay Inihasik sa Mundo

Pansinin natin kung saan inihasik ang mga binhi. Una, napansin natin na itong binhing inihasik ay hindi ang Salita ng Diyos, tulad ng nasa Talinghaga ng Manghahasik. Ang binhing inihasik dito ay ang “mga anak ng kaharian”, iyon ay, ang mga anak ng Diyos, ang mga namumuhay sa ilalim ng paghahari ng Diyos. Ang mga taong ito ang inihasik ng Panginoong Jesus sa mundo – ikaw at ako. Kung tayo ay mga anak ng Diyos, tayo’y binhi ng Diyos na inihasik sa mundo.

Hindi ko na kailangang ipaalala sa inyo kung paano tumutubo ang binhi. Kung nabasa na ninyo ang Juan 12:24, malalaman ninyo ito. Ang isang binhi ay tumutubo sa pagkamatay nito. Ang binhi ay nahuhulog sa lupa at namamatay. Narito muli ang total commitment. Walang taong hindi buong committed ang nakahandang mamatay. Ang tunay na Cristiano ay nakahandang mamatay. Siya ay ipinako na at namatay na tungo sa mundo. Tapos na siya sa makasalanang pamumuhay. Ang ganitong uri ng tao lang ang maaaring mamuhay sa isang uri ng buhay na kumakatawan sa mabuting binhi, na kumakatawan sa Salita ng Diyos sa mundong ito. Tayo mismo ay ang Salita ng Diyos. Tayo ang mensahe ng Diyos sa mundo. Kailangang tumingin ang mga tao sa ating buhay kung sila’y maibabalik-loob sa Diyos.

Tapos, pansinin ninyo ito. Tingnan ninyo ang mga damo. Ano ang mga damong ito? Napakahalaga para sa atin na maglaan ng kaunting sandali para maunawaan ang tungkol sa mga damo. Wala tayong problema sa ating pang-unawa sa mga trigo. Ito’y madaling maunawaan. Alam natin na ito’y kumakatawan sa tunay na mga anak ng Diyos na tunay na namumuhay sa ilalim ng kanyang paghahari, na kirononahan si Jesus bilang Hari ng kanilang buhay. Madaling maintindihan iyon. Pero ano naman ang kinakatawan ng damo? Dito napakahalagang maunawaan ito sa tumpak na paraan. Hindi tayo dapat kailanman dumepende sa sariling palagay sa Salita ng Diyos. Dapat nating ipaliwanag ang Salita ng Diyos nang may katiyakan at katumpakan.

Una sa lahat, pansinin natin ang mga bagay na ito: ang mundo ay ang bukid sa talinghagang ito. Sinabi ng Panginoong Jesus sa atin ang paliwanag. Tayo’y inihasik sa mundo para maging mga saksi ng Diyos, para magdala ng bunga sa kanyang kaluwalhatian. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 5:16, “upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.” Iyon ang paraan na kayo’y magliliwanag. Ang nilalaman o konteksto ng sinasabi niya ay tungkol sa pagliliwanag. Muli, ang ating mga ‘dogma’ at doktrina sa church ang naging sanhi upang isipin natin na ang ‘mabubuting gawa’ (good works) ay isang maruming salita. Para sa mga ‘evangelical’, ang katagang ‘mabubuting gawa’ ay maruming salita. Hindi ito maruming salita para sa Panginoong Jesus! Pansinin muli: “upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang Diyos.” Ngayon, bakit kailangang magbigay luwalhati sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang inyong mabubuting gawa? Bakit hindi sila magbibigay ng luwalhati sa inyo? Nauunawaan ba ninyo ang puntong ito? Ang madalas mangyari ay, sa tuwing nakikita ng mga tao ang inyong mabubuting gawa, nagbibigay sila ng luwalhati sa inyo. Bakit dito’y sinasabi na makikita nila ang inyong mabubuting gawa at luluwalhatiin ang Diyos?

Ito ang pagkakaiba sa uri ng mabubuting gawa na pinag-uusapan natin. Ang mabubuting gawa na nagmumula sa inyong kabanalan ay may dalang presensiya ng Diyos. Ito ang kagandahan nito. Ang mabubuting gawang ito ay bunga ng kapangyarihan ng Diyos! Kahit ang mga di-Cristiano’y nakikita na ang mabubuting gawang ito ay ginawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, na ang kabanalang ito’y hindi ninyo taglay kundi ito’y isang bagay na galing sa Diyos. Hindi nila alam ang tungkol sa Banal na Espiritu, pero alam nila na ang kabanalang nasa inyo ay hindi isang bagay na maaari ninyong magawa sa inyong sarili. Ito ay ginawa ng Diyos sa inyo. Napaka-perfect ng mga salita ng Panginoong Jesus, na kahit sa mismong pahayag na ito, sinabi na niya kung anong uri ng mabubuting gawa ang tinutukoy niya. Ang ibig niyang sabihin ay ang mabubuting gawa na nanggagaling sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, at kaya, naging sanhi ito na magbigay luwalhati ang mga tao sa Diyos, hindi sa inyo.

Nakakilala na ba kayo ng isang taong banal? Isang matuwid na tao ng Diyos? Magbibigay ba kayo ng luwalhati sa kanya? Hindi, dahil alam ninyo na ang kabanalan at kagandahan ng kanyang buhay ay nanggagaling sa Diyos. Taglay ng taong maka-Diyos sa kanyang buhay, kahit na hindi siya magsalita, ang kakayahang ilihis kayo sa kanilang sarili at ituon kayo sa Diyos. Iyan ay isang pagsubok kung ang inyong kabanalan ay galing sa Diyos. May mali kapag kayo ang pinupuri ng mga tao. Pero kung tinitignan kayo ng mga tao at sinasabing “Wow, kahanga-hanga ang Diyos!” Sa gayon ninyo nalalaman na meron kayo ng tamang uri ng kabanalan, ng tamang uri ng mabubuting gawa.

Ano ang mga Darnel?

Ang sumunod na bagay na kailangan nating pansinin ay ito: Ang mga damong inihasik dito’y hindi yung mga dati nang nasa bukid. Para sa kapakanan ng ating eksposisyon o paliwanag, kailangang maingat na pansinin ninyo ito: ang bukid ay ang mundo. Tinutukoy ba ng mga damo ang mga di-Cristiano? Isipin ninyo ito sandali. Kung ito’y tumutukoy sa mga di-Cristiano, dapat na matagal nang nasa bukid ang damo, bago pa man inihasik ng Panginoong Jesus ang mabubuting binhi, ‘di ba? Siyempre, ang mga di-naniniwala at ang mga gumagawa ng masama ay matagal nang nasa mundo bago pa dumating ang mga Cristiano.

Hindi, ang mga damong ito’y inihasik pagkatapos na maihasik ang mabubuting binhi. Pansinin nang napakaingat. At sila’y inihasik, pansinin kung saan? Sa gitna ng mga trigo! Sila ay sinadyang itinanim, hindi sa ibang dako ng bukid kundi mismo sa gitna ng triguhan, kasama ng mga trigo. Iyan ang dahilan bakit sandaling tumigil ako sa mga salitang ito, “at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan.” Sila’y itatakwil mula sa kaharian ng Diyos. Iyon ay, sila’y nasa loob ng kaharian at sila’y itatakwil. Makikita ninyo ito sa b.41. Ang mga ‘gumagawa ng kasamaan’ o evildoers, ang mga sanhi ng pagkakatisod, sila’y kailangang alisin mula sa kaharian ng Diyos; ibig-sabihin, sila’y nasa loob ng kaharian. Ngayon, walang di-naniniwala o taga-gawa ng kasamaan, sa diwang di sila nagpapahayag na naniniwala sila, ang nasa loob ng kaharian ng Diyos, ‘di ba?

Sa ating pagpapatuloy, nakikita nating lalong mas malinaw na lumilitaw ang puntong ito. Ang isa pang lubhang mahalagang punto ay ito: ang tinawag sa Ingles na ‘weeds’ (hal. sa RSV) o ‘tares’ (sa KJV), sa katunayan ay isang uri ng halaman na kahawig na kahawig ng trigo. Kamukha nito ang trigo. Lumilitaw ito gayang-gaya ng trigo. Kung kaya, habang maingat nating binabasa ang talinghagang ito, mapapansin ninyo na nalaman lang ng mga alipin na merong damo o ‘tares’ sa bukid, nang lumaki na’t nagkabunga ang tanim. Mapapansin ninyo ito sa b.26. Kaya, nang lumaki na’t nagkabunga ang mga tanim, para bang ‘lumitaw’ ang mga damo. Ang mga damo ay hindi ‘lumitaw’ o natuntunan hanggang sa panahon na nagsimulang lumitaw ang bunga. Ibig sabihin, matagal na silang lumalaki bago natagpuan ng mga alipin na sila’y damo pala: “Tingnan ito! Ang triguhan ay punô ng mga damo (tares)! Kaya’t pinuntahan nila ang kanilang amo’t itinanong, “Panginoon, hindi ba’t mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?

Pansining mabuti: ibig-sabihin nito, ang mga damo o ‘tares’ na ito ay napaka-kahawig ng trigo kaya hindi nila agad na nakita ang kaibahan nito sa trigo hanggang sa magkabunga ang mga ito. Hanggang sa yugtong iyon, kahawig talaga sila ng trigo. Pagkatapos niyon, lumabas at nakita kung ano talaga ang mga ito. Napakahalaga nito para maunawaan ang talinghaga.

Ang ‘Darnel’ ay Kamukha ng Trigo

Kailangan kong banggitin ang isang bagay tungkol sa mga salin o ‘translation’. Ang salin ng KJV na ‘tares’ ay di-tama, pero siyempre, hindi natin sila masisisi dahil noong 1611 pa iyon, at wala pa silang sapat na kaalaman tungkol sa salitang ito na ginamit sa Griyego rito. Ang salitang ‘tares’ ay hindi tama dahil isang uri ng ‘beans’ ito. Kabilang ito sa pamilya ng ‘beans’ o ‘peas’, at wala itong anumang pagkakahawig sa trigo. Kahit sino, kahit na ang di-ekspertong tulad ko’y madaling makikita ang kaibahan ng ‘tares’ sa trigo. Pero dito, ang pinag-uusapan nati’y ang tungkol sa uri ng damo na hindi ninyo makikita ang kaibahan sa trigo hanggang sa lumitaw ang bunga o ang butil nito. Kaya, ang ‘tares’ sa KJV ay hindi tama.

Gayundin sa salin ng RSV na ‘weeds’. Ang ‘weeds’, gaya ng nakikita ninyo, ay hindi nagbubunga. Nakakita na ba kayo ng ‘weeds’ o damo na nagbubunga? Dito’y meron tayong isang malaking pagkasalungat. Hindi kailanman nagbubunga ang damo. Pero sinadya yata ng RSV na gamitin ang salitang ito dahil alam nilang ang natatanging pangalan ng ganitong uri ng damo ay hindi mauunawaan ng publiko, dahil halos lahat sa atin ay hindi ‘botanists’ (mga siyentipikong nag-aaral ukol sa mga halaman) at hindi natin mababatid ang teknikal na pangalan nito. Kaya sinadya nilang ginamit ang pangkalahatang salitang ‘weeds’. Pero kung isa kayong mapag-isip na tao, agad ninyong sasabihin, “Kailan kaya nagkabunga ang damo?” Hindi pa ako nakakita ng mga damo na nagkabunga o nagkabutil.

Binabanggit ko ito para alam ninyo. Sa totoo lang, ang salita rito, ang teknikal na pangalan ng pananim ay ‘bearded darnel’. Ano ang ‘darnel’? Ito ay isang nakakalasong trigo, ayon sa mga eksperto. [Ang salitang ‘darnel’ ay ginamit sa salin-sa-Ingles na New Jerusalem Bible (NJB).]

Ang ‘Darnel’ ay Nakakalason!

Pag-aralan natin ang ‘darnel’. Napaka-interesante ng halamang ‘darnel’ at nag-ipon ako ng kaalaman ukol dito. Ang ‘darnel’ ay ganito: kahawig na kahawig nito ang trigo (at madalas na lumalaki lang sa triguhan) at kaya, kahit ang mga eksperto ay nahihirapang sabihin kung alin ang trigo at alin ang ‘darnel’ hanggang sa sila’y magbunga, hanggang lumabas ang kanilang mga butil. Bakit dito lang nila nalalaman ito? Dahil ang butil ng ‘darnel’ ay itim. Napaka-interesante. Itim. Pansinin ang larawan: itim. At ang mga butil ay mapait. Kapag kinagat ninyo ito, ito’y mapait. Pero hindi katalinuhan ang kagatin ito dahil ang ‘darnel’ ay nakakalason. (Ang Intsik na pangalan nito’y tumpak: ‘毒麥 du mai’ o nakakalasong trigo.) At heto ang sabi ng mga eksperto tungkol sa ‘darnel’: ito’y nakakalason, at sa katunayan ay nagdudulot ng pagkahilo, pagka-antok, pagsusuka, pagtatae, kombulsyon (iyon ay, nagdudulot ng pangangalay at panginginig), pagkabulok ng iba’t-ibang bahagi ng inyong katawan) at maging kamatayan. Napakahalaga nito para sa pag-unawa ng talinghagang ito.

Sa ngayon, dapat nating matanto na ang pinag-aaralan natin ay tungkol sa dalawang uri ng tanim na lubhang magkahawig, pero kung tutuusin ay magkaibang-magkaiba. Nakapakahalaga nito sa pag-unawa ng talinghaga. Kaya, paano ninyo ngayon masasabi kung alin ang alin sa mga tanim na ito? Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 12:33ss, “Ang puno ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang bunga.” Ganyan ang paraan kung paano ninyo sila makikilala. “Ang mabuting puno ay nagbubunga ng mabuting bunga.” Iyan ang kung paano ninyo sila makikilala.

Ibuod natin ang ating naunawaan tungkol sa mga ‘darnel’. Ang mga ‘darnel’ na ito ay lumalaki kasama ng mga trigo, sa loob ng kaharian. Kahawig nila ang mga Cristiano, pero hindi sila tunay na Cristiano. At higit pa rito, sila’y nakakalason. Ang kanilang bunga ay itim kumpara sa trigo, na alam natin siyempre, na putian. Ang bunga ng ‘darnel’ ay nakakalason, samantalang ang sa trigo ay nakakalusog. Ang mga ito ay napakahalagang mapansin. Pero kapwa sila lumalaki sa kaharian ng Diyos, sa ilalim ng paghahari kuno ng Diyos. ‘Kuno’ dahil makikita natin sa ating pagpapatuloy sa pag-aaral sa mga talinghaga ng Panginoon, na may mga gumagawa ng kasamaan sa kaharian ng Diyos, tulad ng sinasabi sa atin sa talinghagang ito, at sa iba pang talinghaga. Maaalala ninyo ang Talinghaga ng Kasalan, kung saan may isang taong nakapasok sa kasalan, pero hindi nakadamit pangkasal, at siya ay ipinatapon sa labas kahit na siya ay nasa loob na nito.       

Ang ‘Darnel’ ay Itinanim Kasama ng Trigo

Ang sumunod na bagay na nais kong pansinin ninyo ay ang malapit na kaugnayan ng ‘darnel’ at ng trigo. Magkapulupot sila sa ugnayan nila sa isa’t-isa, binibigyang-diin ang punto na sila’y kumikilos sa loob ng kaharian ng Diyos. Iyan ang dahilan na nagbabalâ ang Panginoong Jesus na kung bubunutin ang ‘darnel’ ay mabubunot pati ang trigo. Kailangang hayaan na lang magkasama sila ngayon hanggang sa araw ng paghuhukom.

Saan nanggagaling ang mga ‘darnel’ na ito? Sinabi ng Panginoong Jesus, “Isang kaaway ang gumawa nito.” Ang kaaway ay si Satanas. Si Satanas, sa sarili niyang istratehiya sa pakikipaglaban sa paghahari ng Diyos, ay naghasik sa kaharian ng Diyos ng mga darnel na ito. Itanim sa isipan na ang mga darnel ay kumakatawan sa mga tao, gaya rin ng trigo, at sila’y inihasik sa gitna ng mga tao ng Diyos. Maghahasik ang kaaway sa gitna nila ng mga tao na, sa katunayan, sa kabuuan nila, ay di-Cristiano, pero sa panlabas ay mukhang mga Cristiano. Ibig sabihin niyon, sila’y kikilos at magsasalita na gaya ng mga Cristiano hanggang sa isang punto, pero sa katotohanan, ay lubhang iba sa pinakadiwa nila. Inihasik sila ng diyablo.

Samakatuwid, ibig sabihin nito, gaya ng naipaliwanag na natin, ang mga darnel ay di-tunay na mga Cristiano. Pero hindi ibig sabihin nito na, sa isip nila’y di sila Cristiano. Napakahalagang itanim iyan sa ating isipan. Ito ang susunod na punto na kailangan nating linawin. Habang pinag-aaralan natin ang Banal na Kasulatan, at kung paano ginagamit ang mga salitang ito, natatanto rin natin na may mas malaki pang trahedya, na sa katunayan, iniisip ng mga darnel na sila ay mga trigo. Dahil nga kahawig na kahawig nila ang trigo, ang paniwala nila sa kanilang sarili ay trigo sila. Iyon ang pinakamalaking trahedya sa lahat. Hindi ang kaalamang ang buong church ay puno ng mga taong sadyang naroroon sa loob para wasakin ito ang trahedya. Hindi iyon! Ang trahedya’y ito: ang mga di-tunay na Cristiano, na gumagawa sa loob ng church, iniisip nila’y tunay na Cristiano sila.

Examine-nin Natin ang Sarili – Tayo Ba’y Trigo o Darnel?

Dinadala tayo niyon sa isang napakahalagang tanong: Paano ninyo malalaman kung kayo’y tunay na trigo o kung kayo’y damo – darnel? Paano ninyo malalaman ang pagkakaiba? Paano ba ninyo ito malalaman? Maaaring may ideya kayo, at may kompiyansa na kayo’y tunay na Cristiano. Ang tanong ay kung kayo ay tunay na Cristiano sa mga mata ng Diyos. Iyan ang punto! Hindi sa kung kayo o ako’y tunay na Cristiano sa ating mga mata. Sinasabi ni Pablo, “Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili.” [1 Corinto 4:3] Ang tanong ay kung Cristiano nga ba ako o hindi sa mga mata ng Diyos. “Siyasatin ninyo ang inyong sarili,” ang sabi ni Pablo. [1 Cor 11:28] Paano natin malalaman?

Sa pagpapatuloy ng pagbabasa natin ng talinghaga sa b.41, sa paliwanang nito, nababasa natin na ang mga darnel na ito sa katunayan ay “nangakapagpapatisod” [AB] (‘stumbling blocks’ sa NASB) sa loob ng church. Ang ‘stumbling blocks’ ay isinalin bilang ‘sanhi ng pagkakasala’ [sa ABAB] at ang isa pang Griyegong salita ay isinalin bilang “gumagawa ng kasamaan” (‘evildoers’ sa RSV). Ang salita na isinalin sa Ingles bilang ‘evildoers’ ay hindi malinaw o ‘accurate’ dahil ito’y nagbibigay ng maling palagay. Ang salita sa Griyego [avnomi,an, “anomían”] ay nangangahulugan ng ‘doers of lawlessness’ [‘nagsisigawa ng katampalasan’ sa AB]. Kung pakikinggan ninyo ang salitang ‘doers of lawlessness’, mauunawaan ninyo na kung bakit isinalin ito bilang ‘evildoers’, dahil kung gumagawa kayo ng ‘lawlessness’, kayo ay ‘evildoers’, at tama naman ito. Pero kapag ikinumpara kung paano ito ginamit sa ibang lugar sa Bagong Tipan, isang napakahalagang larawan para maunawaan ang mga ‘darnel’ ang lumilitaw. Ang parehong salitang ito sa Griyego ay ginamit sa Mateo 7:23. Kung susuriin ninyo kung paano ginamit ang salitang ito sa Mateo 7:23, matutuklasan ninyo na ito’y ginamit hindi para sa mga di-mananampalataya, kundi sa mga Cristiano. At, tunay pa ngang ginamit ito sa mga manggagawang Cristiano. Totoong nakakagulat ito!

Basahin natin ang Mateo 7:23. Maaalala ninyo na sinasabi sa b.21, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon’....” Heto ang mga taong nagsasabi na si Jesus ay Hari. Sinasabi nila, “Panginoon, Panginoon”. Sinabi sa Isaias 29:13, “...ang bayang ito (ay) pinapupurihan ako ng kanilang labi, samantalang malayo ang kanilang puso sa akin”. Masdan, inaangkin nila na si Jesus ang Hari ng kanilang buhay dahil tinatawag nila siyang, ‘Panginoon, Panginoon’. Ang ‘Panginoon’ ay nangangahulugang Hari. Pero, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit,” iyon ay, ang panghinaharap na kaharian ng langit (ito’y future tense kaya “ay papasok”, sa panghinaharap na panahon) – ‘kundi ang gumaganap’ – sa ngayon – “ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” [Mateo 7:21]

At sa Mateo 7:22, “Sa araw na iyon...” (sa parehong araw na pinag-uusapan sa talinghaga, ang Araw ng Paghuhukom) “...ay marami ang magsasabi sa akin , ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’” Pansinin: ang mga taong ito ay gumawa sa ‘pangalan ni Jesus’. Gumawa sila ng mga gawang makapangyarihan sa pangalan ni Jesus. Pero pansinin itong nakakatakot na mga salita sa b.23, “At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila,” – hindi sa mga di-nananampalataya, kundi sa mga taong gumawa sa pangalan niya – “‘Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’” Ito ay ang mismong salita na nasa Griyego [avnomi,an o “anomían”]: mga gumagawa ng kasamaan (evildoers). Ang mga taong nagpalayas ng demonyo, na nagpropesiya sa pangalan ni Jesus, na gumawa ng maraming gawang makapangyarihan gaya ng panggagamot sa pangalan ni Jesus, sila ang mga gumagawa ng kasamaan!

Nakita ba ninyo ang ibig kong sabihin? Lumalabas na ang liwanag sa Talinghaga tungkol sa mga Darnel sa Triguhan. Ang mga ‘evildoers’ o ‘mga gumagawa ng masama’ ay hindi ang mga di-mananampalataya o ‘unbelievers’. Sa katunayan, ang ‘doers of lawlessness’ ay ang mga ‘darnel’ na ito. Tinatawag ng mga taong ito si Jesus bilang Panginoon, at marahil ay sa isip nila’y totoo naman ito, pero hindi sila nabubuhay na sumusunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nila ginagawa ang kalooban ng Diyos. Ngayon, iyan ang turo sa Biblia. Wala akong pakialam kung anong uri ng ‘dogma’ o teolohiya ang pinanghahawakan ng sinuman sa inyo. Ito ang itinuturo sa Biblia. At maaari kayong magpatuloy sa pagtuturo ng mga ‘dogma’, doktrina, o ng anumang nais ninyo, pero mas mabuting siguraduhin ninyo na ang inyong mga itinuturo ay naaayon sa Banal na Kasulatan, dahil kung hindi, dadalhin kayo ng inyong mga doktrina sa kung saan humantong ang mga taong ito. Sa Araw ng Paghuhukom, sila ay mapupunta sa naglalagablab na apoy.

May pananampalataya ba ang mga taong ito? Tandaan ito. Tunay na may pananampalataya sila. Walang sinuman ang makakagawa ng anuman sa pangalan ni Jesus nang walang pananampalataya! Pinalayas nila ang demonyo sa pangalan ni Jesus. May pananampalataya sila na ang pangalan ni Jesus ay may kapangyarihang makapagtaboy ng mga demonyo. Naniwala sila sa pangalan ni Jesus kaya’t may kapangyarihan sila. Meron ba silang ‘faith’? Meron ba kayong ganoong uri ng ‘faith’? Meron silang ‘faith’. Kaya nilang magpropesiya sa pangalan ni Jesus. May ‘faith’ ba kayo na makapagpropesiya? May pananampalataya sila!

Pero ang wala sa kanila ay ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Hindi katumbas ng pagpropesiya ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang paggawa ng mga kababalaghan (at maraming ‘faith healers’ sa ngayon, ‘di ba?) ay hindi katumbas sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ano ang paggawa ng kalooban ng Diyos? Ito’y ang pamumuhay ng isang banal na buhay. Nakikita na ninyo ngayon bakit binibigyang-diin ng Banal na Kasulatan ang kabanalan. Ang pamumuhay sa isang banal na buhay ay nangangahulugan lang nito: na kayo’y namumuhay nang buô at totoo at tapat sa ilalim ng paghahari ng Diyos, iyon ay, tunay siyang Hari ng inyong buhay. Ito ang turo ng Banal na Kasulatan. Hindi ba ito simple sa atin? Meron ba tayong pandinig para makinig? O baka kaya binulag na tayo ng ating mga doktrina upang di-makita ang katotohanan ng Diyos? Kahabag-habag ang church! Ano nang nangyari sa atin? Hindi pa ba sapat na malinaw sa atin ang katotohanan ng Diyos? Hindi pa ba ito malinaw?

Ang Trigo – Ang Mga Namumuhay sa Ilalim ng Utos ng Diyos

Dito’y hayaang ibuod ko muli sa inyo ito nang napakasimple. Maliban sa koronahan ninyo si Jesus bilang Hari ng inyong buhay, maaari ninyong gawin ang lahat ng kababalaghan sa mundong ito, pero di kayo maliligtas, kahit na gawin ninyo ang mga kababalaghang iyon dahil may ‘faith’ kayo sa pangalan ni Jesus. Ang pananampalataya na isinusuko ang buhay at ipinasasa-ilalim ito sa pamamahala ng Diyos ang siyang nagliligtas. Hindi ang pananampalataya na nakakagawa ng mga kababalaghan ang nagliligtas. Kilalaning mabuti ang pagkakaiba ng dalawang pananalig na ito sa Biblia. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ni Apostol Santiago na, “Ipakita ninyo sa akin ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng inyong gawa.” Nais kong makita kung anong uri ng paniniwala ang sinasabi ninyo. Kung ang inyong paniniwala ay ang uri na gumagawa ng kababalaghan, hindi niyon kayo maililigtas. Ang nakakapagligtas na paniniwala ay yung kinikilala siya bilang Hari, sa pang-araw-araw na buhay, sa bawat sandali, araw-araw. Maaaring hindi kasing-gilas iyon ng paggawa ng kababalaghan, pero iyan naman ang ninanais ng Diyos mula pa sa simula. Bilang karagdagan nito, kung maaari pa rin kayong gumawa ng mga kababalaghan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pangalan ni Jesus, iyan ay kahanga-hanga, pero hindi mapapalitan ng isa yung isa pa.

Umaasa ako na, sa grasya ng Diyos, tunay na makikita ninyo kung anong sinasabi ng Diyos sa atin. Ang mas mahalaga para sa Diyos ay ang kung ano kayo, kaysa sa kung anong inyong ginagawa. Sinasabi ko ito bilang babalâ sa mga kabataan na ang iniisip ay, sa pagiging abala nila sa pag-oorganisa nito at niyong bagay sa church, nagpapakita ito na sila’y mabubuting Cristiano. May mga taong kadadalo pa lang sa church na ito na ang sabi’y, “Nais kong may ginagampanan sa church”, at kung hindi sila nabigyan ng magagawa, pupunta sila sa iba. Okey lang sa akin iyon. Minamahal kong mga kapatid, sige, magsi-alis kayo, kung ganito ang inyong pag-iisip, dahil hindi pa ninyo naunawaan na una sa lahat, nais ng Diyos na makita kung ano kayo. Nais kong makita kung ano kayo muna, bago ko kayo bigyan ng magagawa. Madaling makahanap ng magagampanan, pero ito’y maaaring makapinsala, kaysa maging biyaya. Sapagkat iisipin nila na dahil marami silang gawain, sila’y mabubuting Cristiano. “Ako’y presidente ng Christian Fellowship.” “Ako ang nagpapatakbo nito at niyong organisasyon.” “Pinamumunuan ko ang Bible Study na ito at ginagawa ko iyon.” Oh! Lubha pala kayong ‘busy’! Hindi ko pinagdududahan na ‘busy’ nga kayo, pero ano ba talaga kayo sa inyong sarili? Kayo ba’y trigo o darnel? Ang lahat ng mga panlabas ninyong ginagawa ay nagpapakita na kayo’y tunay na Cristiano, pero ano nga ba kayo sa panloob?

Ang Trahedya ng Darnel – Nalinlang ang Sarili

Pansinin pa ang dakilang trahedya: na iniisip ng mga taong ito sa Mateo 7 na sila’y maliligtas! Sa Araw ng Paghuhukom, ipagyayabang pa nila ang kani-kanilang mga ginawa at sasabihing, “Panginoon, Panginoon, hindi ba namin ito ginawa sa inyong pangalan?” Tunay na inisip nilang dahil sa lahat ng mga ginawa nila, sila’y maliligtas. Tunay na sila’y may panampalataya kay Jesus, pero sila’y itatakwil ni Jesus. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, magiging isang katakut-takot na araw ng mga sorpresa. Maraming tao ang papasok doon na iniisip na, “May nakareserba nang upuan para sa akin sa langit,” pero sasabihin sa kanila ni Jesus, “Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin. Sino kayo? Kayo’y hindi trigo.” Ang trahedya nito ay napaniwala sila na sila’y mga tunay na Cristiano. Ang demonyo ay ang ama ng kasinungalingan. At pinaniniwalaan ba ninyo ang kanyang mga kasinungalingan na kayo’y tunay na Cristiano? Kung gayon, kayo’y nasa pinakakaawa-awang kalagayan – na akala ninyo’y maaari kayong maging tunay na Cristiano nang walang kabanalan, na maliligtas kayo nang hindi naghahari ang Diyos sa inyong buhay.

Hayaang sabihin ko ito sa inyo, ang paghahalintulad ng trigo sa darnel ay paghahalintulad sa dalawang uri ng tao na nasa loob ng church. Simple lang: may uri ng tao na naniniwala kay Jesus bilang Tagapagligtas, at may uri ng tao na naniniwala kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas (pansinin: Panginoon muna, bago Tagapagligtas; hindi baliktad). Kung naging Cristiano kayo dahil lamang sa naniniwala kayo na si Jesus ay Tagapagligtas, naniwala kayo sa isang kasinungalingan. Si A.W. Tozer, na isang dakilang alagad ng Diyos na nagsulat ng maraming kahanga-hangang aklat tulad ng “The Pursuit of God” [Ang Masigasig naPaghahanap sa Diyos], ay nagsabi sa kanyang aklat na pinamagatang “The Root of the Righteous” [Ang Ugat ng Matutuwid] na: “Ang pinakamalaking maling-paniniwala o ‘heresy’ sa turo ng church ngayon ay ang paghiwalayin ang Tagapagligtas at Panginoon, at ang sabihing maaaring maging Tagapagligtas ninyo si Jesus nang hindi ninyo siya itinuturing bilang Panginoon, at ang sabihing magiging Panginoon siya sa susunod na yugto ng pagpapabanal.”

Akala ng mga taong nagsasabi niyon, sila’y napakatalino. Iniisip nilang nauunawaan nila ang teolohiya. Iniisip nila na, una sa lahat, tatanggapin ninyo si Jesus bilang Tagapagligtas, nang wala kayong sinasabi ni isang salita tungkol sa ‘Panginoon’, at kayo’y maliligtas dahil tinanggap ninyo si Jesus bilang Tagapagligtas. At pagkatapos, kung magustuhan ninyo balang araw, baka koronahin ninyo siya bilang Panginoon ng inyong buhay, pero iyon ay isang mas mataas na yugto nang pagpapabanal. Pero, kahit wala kayo niyon, maliligtas pa rin kayo. Iyan ang ibig kong sabihin bilang ang kasinungalingan ng demonyo! Isa iyang kasinungalingan!

Dahil, tingnan ninyo, wala ang paghahari roon. Wala ang kaharian ng Diyos doon. Nais lang nilang gamitin si Jesus para mailigtas ang kani-kanilang sarili. Siguro balang araw, kung nais na nila, maaari nilang sabihin na, “Sige, tatanggapin ko na rin si Jesus bilang Panginoon. Siguro, balang araw, pero kung hindi, di naman mahalaga ito.” Lagot! Ang sinumang nagtuturo ng gayon ay nagtuturo ng isang kasinungalingan ng demonyo, gaya ng muli’t muling babalâ ng dakilang alagad ng Diyos na si A.W. Tozer. Pero karaniwang itinuturo ngayon iyan, ‘di ba? Tayo ay lumaki sa turong iyan. Iyan ang nagsara sa ating mga mata sa Salita ng Diyos.

Maraming beses kapag ipinapangaral ko ang Salita ng Diyos, sinasabi nilang, “Ha! Nalito siya’t sinabing ang pagpapabanal (consecration) ay pareho ng pagpapawalang-sala (justification)!” Wala akong anumang pagkalito sa dalawang ito. Kung ang sinuman ay nakakaunawa ng teolohiya, sasabihin ko sa inyo, nakapag-aral ako ng teolohiya noong kapanahunan ko, kaya di ako maaaring gumawa ng ganitong uri ng pang-elementaryang pagkakamali. Kaunting tao lang sa lugar na ito ang naglaan ng oras [na tulad ng inilaan ko dito]. Kung kailangan kong magmayabang, tulad ng sinasabi ni Pablo, “Kayo ang nagtulak sa akin dito at nag-asal akong parang hangal.” [2 Corinto 11:16-18] Walang gayong karaming tao ang naglaan ng maraming panahon sa teolohiya na tulad ng ginawa ko, at hindi ako gagawa ng mga elementaryang pagkakamali na gaya nito. Wala akong anumang pagkalito. Ito ang turo sa Kasulatan. Ang paghiwalayin ito sa dalawang yugto, kung saan ang ikalawang yugto ay simpleng ‘electional’, iyon ay, na nasa sa inyo na kung gusto ninyo ito o hindi, ito’y di-sapilitan, tanggapin man o iwanan ninyo ito, ay simpleng kasinungalingan ni Satanas.

Nagmamakaawa ako sa inyo na unawain ito dahil ang inyong kaligtasan ay nakasalalay rito. Iyan ang nangyari sa mga darnel na ito. Nais kong maunawaan ninyo na sila’y inihasik ni Satanas, pero tunay na naniniwala silang maliligtas sila, na sila’y mga Cristiano, at nasa loob sila ng kaharian ng Diyos, na naroroon sila sa katayuang iyon hanggang sa sila ay pinalayas. Ito’y ang katulad na trahedya. Tinawag sila ritong “ang mga anak ng demonyo.” Iyan ang sinabi ng Panginoong Jesus. Ang tares o darnel, anuman ang gusto ninyong itawag sa kanila, ay mga anak ng demonyo.

Pero sa palagay ninyo ba’y alam ng mga anak ng demonyo na sila’y mga anak ng demonyo? Nakakapanghinayang mang sabihin, hindi! Kailangan ninyo lang basahin ang Juan 8 para matanto ito. Doo’y sinasabi ng mga Judio, “Kami’y mga anak ni Abraham.” [b.39] Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus sa kanila? “Kayo’y mula sa inyong amang diyablo”. [b.44] Kanino niya sinabi ito? Sa mga Judio at sa mga Fariseo – sa mga pinakamatuwid sa mga Judio! Gustong maging sukdulan ng mga Fariseo sa kanilang katuwiran o righteousness. Sa Juan 8:44, sinasabi ng Panginoon ang “Kayo’y mula sa inyong amang diyablo” sa mismong mga tao na pinakamasigasig sa kanilang relihiyon. Hindi sinabi ito sa mga di-nananampalataya, nagmamakaawa ako sa inyong unawain ito. Ang mga di-nananampalataya ay hindi inilalarawan bilang mga anak ng demonyo. Ito’y ang mga relihiyosong tao. Basahin ninyo ang Biblia. Minsan-minsan, nakaka-shock ang maunawaan ang mga bagay na ito.

Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Jesus sa mga Judio, sa mga tao ng Diyos, sa mga taong hinirang ng Diyos, at sa mga Fariseo, ang pinakamatuwid na tagasunod sa batas, “Kung kayo’y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” Ano ang ginawa ni Abraham? Kinoronohan niya ang Diyos bilang Hari sa kanyang buhay. “Anumang sabihin mo ay gagawin ko. Saan mo man ako ipadala, paparoon ako. Ikaw ang Hari ng aking buhay.” Iyon ang ginawa ni Abraham.

Sinasabi ng Panginoong Jesus na, “Kung kayo’y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. Pero, sa totoo lang, anumang isipin ninyo sa inyong sarili, hayaan ninyong tapatan kong sabihin sa inyo ang totoo, hindi sa paraang hinahamak ko kayo, kundi sa pag-asang makagawa kayo ng tamang pagsusuri para kayo’y maligtas.” Kailangang sabihin ninyo sa taong may-sakit na siya’y may sakit; dahil kung hindi’y iisipin niyang siya’y malusog. Maaaring meron na kayong kanser, pero sa sandaling ito, nararamdaman ninyong napakalusog pa ninyo. Mabuti ang pakiramdam ng aking ama bago siya namatay sa kanser. Maayos ang kanyang pakiramdam nang pumunta siya para sa regular na ‘check-up,’ at sinabi ng doktor, “Ano itong bukol na ito?” Sinabi niya, “Anong bukol?” “Itong bukol dito.” “Ah, hindi naman masakit. Wala iyan.” Pagkalipas ng dalawang buwan, namatay siya. Mabuti ang kanyang pakiramdam nang pumunta sa kanyang medical check-up. Ang pagiging maayos ng inyong pakiramdam ay hindi nagpapatunay na kayo’y malusog.

Ang tanong ay: Ano ang inyong tunay na espirituwal na kalagayan? Alam ninyo bang naroroon ang sakit at pinapatay kayo nito? “Hindi.” Iyan ang dahilan kaya, nang sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang ama ninyo ay ang diyablo”, hindi niya sinusubukang insultuhin sila. Sinasabi niya na, “Matauhan nawa kayo. Hanggang hindi ninyo tinatanggap ang Diyos bilang Hari ng inyong buhay, kayo’y mananatili pa ring anak ng demonyo, at kayo’y mamamatay sa inyong mga kasalanan.”

Sa ibang dako, sa Juan 9:41, sinabi ni Jesus sa kanila, “Subalit ngayong sinasabi ninyong kayo’y nakakakita, nananatili ang inyong kasalanan.” Akala talaga nila’y nakakakita sila. Akala nila’y lahat sa paligid nila’y bulag at sila lang ang nakakakita. Oh! Walang mas nakakatakot pa sa ating buhay kaysa ang isipin na tayo’y isang bagay pero hindi naman pala totoo. Oh! Iyan ang pinakamalaking trahedya. Tulungan nawa tayo ng Diyos na maligtas mula riyan! Nawa’y palagi akong lumalapit sa Diyos at nagsasabing, “Panginoon, nais ko lamang na maging bukás ang aking puso sa iyo. Nagmamakaawa ako sa iyo na ipakita sa akin ang tunay kong sarili, ang tunay na ako, hindi ang iniisip ko kung sino ako, kundi ang tunay na ako.”

Pansinin ang Bunga! Tayo Ba’y Trigo o ‘Darnel’?

Paano natin kung gayon malalaman? Iniwanan ba tayo para manghula? Iniwanan ba tayo sa sariling pagpapalagay kung tayo nga ba’y tunay na Cristiano o hindi? Salamat sa Diyos na hindi tayo iniwanan sa ganyang kawalang-pag-asang kalagayan! Anong mangyayari?

Sa talinghagang ito, sinabi ng Panginoong Jesus sa atin kung paano ninyo malalaman ito. Kapag lumabas na ang bunga [b.26], sinabi sa atin na makikita ang kaibahan. Ano ang bunga sa Biblia? Naipaliwanag ko na ito noon. Alam ninyo agad na ang bunga ay ang bunga ng Espiritu. Ito ay ang kabanalan sa inyong buhay. May kabanalan ba kayo sa inyong buhay? Umuuwi ba kayo’t nakikipag-away sa inyong kapatiran? Nakikipag-away ba kayo sa mga kapwa Cristiano ninyo, o sa inyong mga ‘landlord’ o ‘landlady’? Nasa kolehiyo kayo pero kumikilos kayo na parang di-Cristiano, at kayo’y maliligtas? “Kaya’t makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.” [Mateo 7:20] Sa inyong bunga, makikilala ninyo ang inyong sarili. Kilala ko ang aking sarili. Maaaring isipin ninyong ako’y isang kahanga-hangang Cristiano. Alam ko sa aking sarili kung ako’y mabuting Cristiano o hindi. Tinitingnan ko ang aking sarili, at nakikita ko kung gaano ako nabibigo, pero nakikita ko rin kung gaano, sa awa ng Diyos, ginawa niya ako sa kung ano ako ngayon. Kung may nakikita man akong kahit anong kabutihan sa aking sarili, masasabi ko lang, gaya ni Pablo na, “Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako ay ako”. [1 Corinto 15:10] Alam ko kung ano ako noon; alam ko kung ano ako ngayon; alam ko kung anong ginawa ng Diyos sa aking buhay at sinasabi kong, “Salamat sa ‘yo, Panginoon.”

Kapag nagsisimula nang makita ng ibang tao ang pagbabago sa inyo at alam ninyo na ang pagbabagong iyon ay gawa ng Diyos sa inyong puso, namumunga na kayo ng bunga ng Espiritu sa inyong buhay, at sa gayo’y malalaman ninyo na kayo’y tunay na Cristiano. “Ang Espiritu mismo,” tulad ng sinasabi sa Roma 8:16, “ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos.” Kayo’y may kasiguruhan, isang makapangyarihang katiyakan dahil ang Espiritu ng Diyos ay nagpapatotoo kasama ninyo, dahil kasabay nito’y makapangyarihan siyang gumagawa ng bunga.

O baka naman patuloy pa rin kayong nawawalan ng kontrol kapag nagagalit? Paano kayo umaasal? Huwag sabihin na hindi ito mahalaga. Ito ang nais ni Satanas na paniwalaan ninyo: “Hindi mahalaga kung paano kayo umasal; maliligtas pa rin naman kayo. Isang indikasyon ang inyong asal kung kayo’y bagong nilalang na o hindi. Iyan ang kung bakit ito’y napakahalaga. “Kung walang kabanalan, walang makakakita sa Diyos.” “Pagsikapan ninyong magkaroon ng... kabanalan na kung wala nito’y walang sinumang makakakita sa Panginoon.” [Hebreo 12:14] Kung walang kabanalang ginagawa ang Banal na Espiritu sa inyong buhay, hindi ninyo makikita ang Diyos. Kayo ba’y isang trigo o isang ‘darnel’?

Alalahaning muli: ang ‘darnel’ ay nakakalason. Iyan ang dahilan bakit kailangan itong ihiwalay sa trigo. Ito’y kailangang maingat na ihiwalay. Sa katunayan, kung may kahit anumang pagkakamaling nagawa sa panahon ng pag-aani, at ang ilang ‘darnel’ ay nahalo sa trigo at nagiling upang maging harina, magkakasakit ang mga tao kapag kinain nila itong nagkahalong harina. Kaya kailangang maingat na ihiwalay ito’t wasakin, sunugin. Ipinapanalangin ko na sana’y tulungan kayo ng Diyos na maunawaan ang mensaheng ito, na buksan nawa ng Diyos ang inyong mga mata, pati na rin ang akin, at magkasama nating sabihing, “Panginoon, siyasatin mo ako at subukin mo ang puso ko at tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin.”

At kaya, isang huling punto pa: dapat alalahanin, ang mga gumagawa ng kasamaan (evildoers) na ito ay hindi mga taong gumagala at pumapatay, nakikiapid at gumagawa ng mga bagay na tulad nito. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili na, “Hindi naman ako pumapatay. Hindi naman ako nakikiapid. Kaya hindi ako isa sa mga gumagawa ng kasamaang ito.” Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Alalahanin na ang salitang “mga gumagawa ng kasamaan” sa Biblia ay naitukoy rin sa mga Fariseo sa Mateo 23 [b.28]. At ito’y tumutukoy, tulad ng ipinaalala ko sa inyo, sa salitang ‘evildoers’ na ang ibig-sabihin ay ‘doers of lawlessness’. Ibig sabihin nito, hindi sila pumapailalim sa batas ni Cristo. Hindi sila namumuhay sa ilalim ng batas ni Cristo. Ginagawa nila ang sarili nilang gawa. Pinaniniwalaan nila ang kahit anong gusto nilang paniwalaan. Ginagawa nila ang kahit anong gusto nilang gawin. Sila ay hindi namumuhay sa ilalim ng kanyang pagka-Panginoon.

Dalawang beses na nagsalita si Pablo ng tungkol sa ‘kautusan ni Cristo’: minsan sa 1 Corinto 9:21 at ang ikalawang beses ay sa Galacia 6:2. Sinabi niya, “Ako’y hindi walang-kautusan. Ako’y namumuhay sa ilalim ng kautusan ni Cristo.” Bakit walang nangangaral tungkol dito? Maingat na itanim ninyo sa inyong isipan ang mga bagay na sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 7:1, hanggang sa ang kabanalan ay maging sakdal sa inyong buhay, na maging ‘perfect’ ang ‘holiness’ sa buhay ninyo.

{

Katapusan ng mensahe.

¹Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, Phils., 2001.

²Ginamit ang: Biblia ng Sambayanang Pilipino, International Catholic Bible Society, Rome, Italy, 1999.

3Mishnah: kautusang Judio base sa tradisyong ipinasa mula sa isang henerasyon sa susunod pang mga henerasyon sa pamamagitan ng pag-uulat (oral tradition), na ipinag-iba sa mga utos base sa Banal na Kasulatan.

Nabanggit din ang:

            AB = Ang Biblia, Philippine Bible Society, 1905.

            KJV = King James Version, 1611/1769.

            NASB = New American Standard Bible, 1977.

            RSV = Revised Standard Version, OT 1952, NT 1971.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church